Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Kung Paano Haharapin ang Burnout

Kung Paano Haharapin ang Burnout

MASASAGAD na sa pagod si Anil. Tinanggap niya ang isang bagong trabaho dahil magiging tanyag siya at tataas ang kaniyang suweldo. Pero nagtatrabaho naman siya ngayon hanggang gabi at kahit weekend, anupat kung minsan ay umaabot nang 80 oras sa isang linggo. “Nasa akin ang lahat ng responsibilidad,” ang sabi niya, “at ang gulo pa sa pinagtatrabahuhan ko. Sabi ko sa sarili ko: ‘Ano ba ‘tong pinasok ko? Kung hindi ako aalis dito, ako rin ang mapapahamak.’ ” Malapit nang ma-burnout si Anil.

Ang pagka-burnout sa trabaho ay hindi lang basta pagkapagod, at hindi lang ito basta ordinaryong stress na dulot ng pang-araw-araw na trabaho. Ang burnout ay tuloy-tuloy na pagkapagod na may kasamang matinding pagkadismaya at panghihina. Ang mga dumaranas ng burnout ay nawawalan ng ganang magtrabaho at hindi na gaanong produktibo. Ayon sa mga pag-aaral, ang burnout ay konektado rin sa maraming emosyonal at pisikal na problema.

Ano ba ang dahilan ng burnout? Karaniwan nang ito’y dahil sa sobrang dami ng trabaho. Para kumita ang negosyo, pinag-o-overtime ng ilang employer ang kanilang mga empleado kapalit ng maliit na suweldo. Dahil sa teknolohiya, ang ilan ay laging nakatutok sa trabaho, anupat halos hindi na nila matukoy kung alin ang trabaho at kung alin ang pribadong buhay. Para naman sa ilan, ang dahilan ng burnout ay ang kawalan ng kasiguruhan sa trabaho, kawalan ng kontrol sa kanilang trabaho, o pagkadama ng di-patas na pagtrato. Kasama rin dito ang pagharap sa di-malinaw na mga priyoridad o pagkakaroon ng sama ng loob sa mga katrabaho.

Puwede ring ang may katawan mismo ang maging dahilan ng burnout. Sa kagustuhang umasenso at lumaki ang kita, ang ilan ay tanggap nang tanggap ng trabaho hanggang sa matambakan nito at mauwi sa burnout.

Ano ang gagawin mo kung nakakaranas ka ng burnout? Baka imposible ang pagbabago dahil iniisip mong wala ka nang magagawa. Pero isaalang-alang ang apat na hakbang para maharap ang burnout. Baka nga marami ka pang puwedeng magawa.

 1. SURIIN ANG IYONG PRIYORIDAD.

Ano ba ang pinakaimportante sa iyo? Para sa marami, maaaring ito ay ang pamilya at mabuting kalusugan. Ang mga ito ang malamang na maapektuhan kapag na-burnout ka.

Kung lilinawin mo ang iyong priyoridad, inihahanda mo ang iyong sarili na gumawa ng mahihirap na desisyon at tanggapin ang magiging kapalit nito. Halimbawa, baka nakikita mong mauuwi sa burnout ang trabaho mo. Pero baka ikatuwiran mo, ‘Hindi ako puwedeng magpalit ng trabaho o magbawas nito; kailangan kong kumita!’ Totoo, lahat tayo ay kailangang kumita, pero gaano karaming pera ba ang kailangan mo at ano ang magiging epekto nito sa mga bagay na pinakaimportante sa iyo?

Huwag magpaimpluwensiya sa mga priyoridad ng iba. Malamang na magkaiba naman ang priyoridad mo at ng amo mo. Baka pangunahin sa buhay ng iba ang trabaho, pero hindi ibig sabihing dapat mo silang gayahin.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “KAHIT NA MAY KASAGANAAN ANG ISANG TAO ANG KANIYANG BUHAY AY HINDI NAGMUMULA SA MGA BAGAY NA TINATAGLAY NIYA.”LUCAS 12:15

2. PASIMPLEHIN ANG IYONG BUHAY.

Para mabawasan ang stress at magkaroon ng panahon sa mga bagay na talagang mahalaga sa iyo, puwede mong bawasan ang oras ng iyong pagtatrabaho, pakiusapan ang iyong employer na bawasan ang trabaho mo, o ipasiyang magpalit na lang ng trabaho. Anuman ang desisyon mo, malamang na kailangan mong mag-adjust sa pinansiyal at sa istilo ng iyong pamumuhay. Pero hindi ito imposible at baka hindi naman kasinghirap ng inaakala mo.

Sa maraming lupain, pinalilitaw ng isang lipunang mahilig bumili at magbili na magiging masaya lang ang isa kung marami siyang pera at ari-arian. Pero hindi iyon totoo. Mas malaya at kontento ang isa na may simpleng pamumuhay. Para magawa iyan, bawasan ang paggasta at mag-ipon ng pera. Sikaping bayaran ang utang o umiwas sa pangungutang. Ipakipag-usap sa iyong pamilya ang pagbabagong ito, at hilingin ang kanilang suporta.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “SA PAGKAKAROON NG PAGKAIN AT PANANAMIT, MAGIGING KONTENTO NA TAYO SA MGA BAGAY NA ITO.”1 TIMOTEO 6:8

 3. MATUTONG MAGSABI NG HINDI.

Kapag masyadong marami ang trabahong ibinigay sa iyo o may ibang problema sa iyong pinagtatrabahuhan, ipakipag-usap iyon sa iyong employer. Kung posible, magbigay ng solusyon na parehong angkop sa pangangailangan ninyo. Tiyakin mo sa kaniya na mahal mo ang iyong trabaho, at sabihin mo kung ano ang handa mong gawin; pero linawin mo rin sa kaniya kung ano ang hindi mo magagawa at panindigan mo iyon.

Maging handa at maging realistiko. Kung gusto mong bawasan ang iyong pagtatrabaho, aasahan ng employer mo na papayag kang tumanggap ng maliit na suweldo. Asahan ang maaaring mangyari, gaya ng posibilidad na mawalan ng trabaho, at paghandaan ito. Tandaan na mas malaki ang tsansa mong makakita ng ibang trabaho habang may trabaho ka pa.

Kahit may napagkasunduan na kayo ng employer mo, asahan mong pipilitin ka niya uli na tumanggap ng dagdag na trabaho. Paano ka makapananatiling matatag? Gampanan ang mga pananagutang tinanggap mo. Sa paggawa nito, mapakikiusapan mo ang iyong employer na gawin din ang bahagi niya, kasama na ang pagtupad sa napagkasunduan ninyo.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “ANG INYO LAMANG SALITANG OO AY MANGAHULUGANG OO, ANG INYONG HINDI, HINDI.”MATEO 5:37

 4. MAGRELAKS.

Kahit wala namang malalaking problema sa trabaho mo, baka naririyan pa rin ang stress, mga taong mahirap pakisamahan, at di-magagandang sitwasyon. Kaya maglaan ng panahon para sa sapat na pahinga at tamang paglilibang. Tandaan na hindi kailangang maging magastos ang paglilibang para masiyahan ka at ang iyong pamilya.

Magkaroon ng interes sa ibang bagay at makipagkaibigan sa iba bukod sa mga katrabaho mo, at huwag sukatin ang sarili ayon sa uri at dami ng iyong trabaho. Bakit? Sinasabi ng aklat na Your Money or Your Life: “Ang pagkatao mo ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa iyong hanapbuhay.” Kung ang iyong pagkatao at pagpapahalaga sa sarili ay pangunahin nang nakadepende sa iyong trabaho, hindi mo ito basta-basta maisasaisantabi.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “MAS MABUTI ANG SANDAKOT NA KAPAHINGAHAN KAYSA SA DALAWANG DAKOT NG PAGPAPAGAL AT PAGHAHABOL SA HANGIN.”ECLESIASTES 4:6

Magagawa mo nga ba talaga ang kinakailangang pagbabago para madaig ang burnout? Oo. Nagawa iyan ni Anil, na binanggit sa simula ng artikulong ito. Sinabi niya: “Kinontak ko ang dati kong employer at tinanong kung tatanggapin niya ulit ako; pumayag naman siya. Nahiya rin akong humarap sa mga dati kong katrabaho, kasi nasabi ko noon na lilipat ako sa mas magandang trabaho. ‘Tapos ngayon, balik ako sa mas maliit na suweldo. Pero payapa naman ang isip ko, at mas marami na akong panahon sa aking pamilya at sa ibang mga bagay na talagang mahalaga sa akin.”