Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Suminag ang Pag-asa Noong Susuko Na Ako

Suminag ang Pag-asa Noong Susuko Na Ako

Bigla ko na lang namalayang nakasubsob ako sa tubig. Sinubukan kong iangat ang ulo ko para makahinga, pero hindi ko maigalaw ang aking leeg. Natakot ako, sinubukan kong tumihaya, pero hindi ko rin maigalaw ang mga kamay at binti ko. Marami na akong nainom na tubig. Nang araw na ’yon ng tag-init, noong 1991, nabago ang buhay ko.

IPINANGANAK ako sa lunsod ng Szerencs at lumaki sa nayon ng Tiszaladány sa hilagang-silangan ng Hungary. Noong Hunyo 1991, pumunta kami ng ilang kaibigan ko sa isang di-pamilyar na lugar sa Tisza River. Sa pag-aakalang malalim ang tubig, nag-dive ako. Napakalaking pagkakamali! Nabali ang tatlong buto ko sa gulugod sa bandang leeg. Nakita ng kaibigan ko na hindi ako gumagalaw, kaya dahan-dahan niya akong iniahon bago tuluyang malunod.

May malay pa rin ako at alam kong may problema. May nakahingi ng tulong, at isang helikopter ang dumating at dinala ako sa isang ospital, kung saan inoperahan ang gulugod ko. Nang maglaon, inilipat ako sa kabiserang lunsod na Budapest para sa rehabilitasyon. Tatlong buwan akong nakahiga lang. Naigagalaw ko naman ang ulo ko, pero hindi ako makagalaw mula sa balikat pababa. Sa edad na 20, nakadepende na lang ako sa iba. Lumong-lumo ako at gusto ko nang mamatay.

Nang makauwi ako sa amin, tumanggap ng pagsasanay ang mga magulang ko kung paano ako aalagaan. Pero nakakapagod ’yon sa kanila, hindi lang sa pisikal kundi sa emosyon din. Kaya wala pang isang taon, na-depress ako. Sa panahong ’yon, tumanggap ako ng counseling mula sa mga propesyonal at nabago ang pananaw ko sa aking kapansanan.

Nakapag-isip-isip din ako tungkol sa buhay. May layunin ba ito? Bakit nangyari ito sa ’kin? Nagbasa ako ng mga magasin at aklat para makahanap ng mga sagot. Sinubukan ko ring basahin ang Bibliya, pero nahirapan akong intindihin ito. Kaya hindi ko na ito binasa. Nakipag-usap din ako sa isang pari, pero hindi ako nasiyahan sa kaniyang mga sinabi.

Pagkatapos, nang tagsibol noong 1994, may dumalaw na dalawang Saksi ni Jehova sa tatay ko, at sinabi niya sa kanila na kausapin ako. Nakinig ako habang ipinaliliwanag nila ang layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa at alisin ang mga sakit at pagdurusa. Ang sarap pakinggan ng mga iyon, pero nag-aalinlangan pa rin ako. Gayunman, tinanggap ko pa rin ang dalawang aklat na salig sa Bibliya. Pagkabasa ko sa mga ito, inalok ako ng mga Saksi na mag-aral ng Bibliya, at pumayag ako. Hinimok din nila akong manalangin.

Nakumbinsi ako na talagang nagmamalasakit ang Diyos sa akin

Sa aming pag-uusap, nasagot nila mula sa Bibliya ang mga tanong  ko. Nakumbinsi rin ako na talagang nagmamalasakit ang Diyos sa akin. Sa wakas, noong Setyembre 13, 1997, pagkatapos ng dalawang-taóng pag-aaral ng Bibliya, nabautismuhan ako sa bathtub namin. Isa ’yon sa pinakamasayang araw ng buhay ko.

Noong 2007, nagpalipat ako sa Budapest sa isang institusyon para sa mga may kapansanan. Dahil dito, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong ibahagi sa iba ang magagandang bagay na natutuhan ko. Kapag maganda ang panahon, nakakalabas pa nga ako para makipag-usap sa mga tao. ’Buti na lang at may motorized wheelchair na namamaniobra ko gamit ang aking baba.

Dahil sa pinansiyal na tulong ng isang pamilya sa kongregasyon namin, nakabili ako ng isang laptop na nagagamit ko sa pamamagitan ng mga galaw ng aking ulo. Natutulungan ako ng gadyet na ito na makausap ang mga tao sa Internet at makagawa ng mga liham para sa mga taong hindi nadatnan ng mga kakongregasyon ko sa kanilang pagbabahay-bahay. Dahil dito, sumulong ang aking kakayahang makipag-usap at hindi ko na masyadong iniisip ang sarili ko.

Ibinabahagi ko ang mensahe ng Bibliya sa Internet sa tulong ng gadyet na nagagamit ko sa pamamagitan ng mga galaw ng aking ulo

Nakakadalo pa nga ako sa mga pulong namin. Binubuhat ng mga kakongregasyon ko ang aking wheelchair paakyat sa Kingdom Hall. Sa panahon ng pulong, kapag puwedeng magkomento ang audience, itinataas ng katabi kong brother ang kamay niya para sa akin. Pagkatapos, hahawakan niya ang Bibliya ko o ang pinag-aaralang publikasyon habang nagkokomento ako.

Laging may masakit sa katawan ko at halos lahat ay iniaasa ko sa ibang tao. Kaya paminsan-minsan, nade-depress pa rin ako. Pero gumagaan ang pakiramdam ko dahil kaibigan ko ang Diyos na Jehova at alam kong nakikinig siya kapag sinasabi ko sa kaniya ang mga problema ko. Napapalakas din ako ng aking mga kapananampalataya at ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Ang kanilang pakikipagkaibigan, pagpapatibay, at mga panalangin ay nakatulong sa akin para maging positibo at panatag.

Inaliw ako ni Jehova noong kailangang-kailangan ko ito. Binigyan din niya ako ng pag-asang magkaroon ng magandang kalusugan sa bagong sanlibutan. Kaya naman sabik na sabik na akong dumating ang panahon na ako ay ‘lalakad at lulukso para purihin siya’ dahil sa kaniyang pambihirang pag-ibig at kabaitan.Gawa 3:6-9.