TAMPOK NA PAKSA
Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Sakit sa Isip
“Parang hindi ako makahinga,” ang sabi ni Claudia, nang sabihing mayroon siyang bipolar disorder at post-traumatic stress disorder. “Parang napakahirap harapin ang kahihiyang idudulot ng sakit sa isip.”
“Matagal din bago namin natanggap ang sitwasyon namin,” ang sabi ni Mark, asawa ni Claudia. “Pero napag-isip-isip kong dapat kong suportahan ang aking asawa.”
KAPAG ikaw o ang mahal mo sa buhay ay na-diagnose na may sakit sa isip, ano ang madarama mo? Mabuti na lang at nagagamot ang sakit na ito. Tingnan natin ang ilang bagay na dapat mong malaman para mas maintindihan mo ang tungkol sa sakit sa isip.
Mahahalagang Katotohanan Tungkol sa Mental na Kalusugan
“Daan-daang milyon katao sa buong daigdig ang dumaranas ng sakit sa isip at nagdudulot ito ng problema sa buhay ng mga minamahal nila. Isa sa apat na tao ang maaapektuhan ng sakit na ito sa isang yugto ng kanilang buhay. Ang depresyon ang pinakapangunahing dahilan ng sakit na ito. Kabilang ang schizophrenia at bipolar disorder sa pinakamalubha at pinakamahirap na sakit. . . . Bagaman napakarami ang may sakit sa isip, patuloy itong inililihim, binabale-wala at ikinahihiya.”—World Health Organization (WHO).
Ayon sa WHO, maraming may sakit sa isip ang tumatangging magpagamot dahil sa kahihiyang idudulot nito.
Bagaman karamihan sa sakit na ito ay nagagamot, iniulat ng National Alliance on Mental Illness na mga 60 porsiyento ng mga adulto at halos 50 porsiyento ng mga kabataang edad 8 hanggang 15 sa Estados Unidos ang hindi nagpagamot noong nakaraang taon.
Pag-unawa sa Sakit sa Isip
Ano ba ang sakit sa isip? Binigyang-kahulugan ng mga eksperto ang sakit na ito bilang isang kapansin-pansing pagbabago sa isip, emosyon, at paggawi ng isang tao. Ang taong may ganitong sakit ay kadalasan nang nahihirapang makitungo sa iba at harapin ang mga hamon sa buhay.
Ang sakit sa isip ay hindi resulta ng kahinaan ng isa o problema sa personalidad
Ang tagal at tindi ng mga sintomas ng sakit na ito ay hindi pare-pareho, depende sa indibiduwal, sa partikular na uri ng sakit, at mga kalagayan. Puwedeng maapektuhan nito ang isa anuman ang kaniyang kasarian, edad, kultura, lahi, relihiyon, o pinag-aralan at kinikita. Ang sakit sa isip ay hindi resulta ng kahinaan ng isa o problema sa personalidad. Sa tamang paggamot, ang mga indibiduwal ay puwedeng gumaling at magkaroon ng makabuluhan at masayang buhay.
Paggamot sa Sakit sa Isip
Nagagamot ng mga doktor ang sakit sa isip. Kung gayon, ang unang dapat gawin ay magpatingin sa isang magaling na doktor na marami nang karanasan sa paggamot sa sakit na ito.
Posibleng gumaling ang mga pasyente kung tatanggapin nila ang angkop na paggamot. Baka kailangang paglabanan ang anumang pag-aatubili na sabihin sa iba ang tungkol sa sakit sa isip. Maaaring kasama sa paggamot ang pakikipag-usap sa mga dalubhasang doktor na makatutulong sa mga pasyente na maintindihan ang kanilang sakit, malutas ang mga problema, at magpatuloy sa pagpapagamot. Sa ganitong mga pagkonsulta, mahalaga ang pampatibay-loob at suporta ng kapamilya o kaibigan.
Naharap ng marami ang sakit na ito nang maintindihan nilang mabuti ang kanilang kondisyon at sundin ang paggamot na sinabi ng mga doktor. “Bago ma-diagnose ang asawa ko,” ang sabi ni Mark, na binanggit sa simula, “hindi pa namin gaanong naiintindihan ang sakit sa isip. Pero natutuhan naming harapin ang bawat sitwasyong bumabangon. Nang maglaon, nakatulong sa amin ang suporta ng maaasahang mga doktor, kapamilya at mga kaibigan.”
Ang unang dapat gawin ay magpatingin sa isang magaling na doktor
Sang-ayon dito si Claudia. “No’ng umpisa, parang nawalan ako ng kalayaan,” inamin niya. “Pero kahit pareho kaming nalimitahan ng sakit ko, natutuhan kong malalampasan din pala ang waring imposibleng mga hadlang. Kaya nakayanan ko ang aking sakit sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga doktor, pakikisalamuha sa iba, at pagharap sa bawat sitwasyon.”
Napakahalaga ng Kaugnayan sa Diyos
Hindi sinasabi ng Bibliya na nakapagpapagaling ang magandang kaugnayan sa Diyos. Pero maraming pamilya sa buong daigdig ang naaaliw at napalalakas ng mga itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na gustong-gustong aliwin ng ating maibiging Maylalang ang mga “wasak ang puso” at “may espiritung nasisiil.”—Awit 34:18.
Ang Bibliya ay hindi isang aklat na pangkalusugan, pero mababasa rito ang praktikal na mga payo na tutulong sa atin para makayanan ang sakit ng damdamin at mahihirap na kalagayan. Nabibigyan din tayo nito ng pag-asa sa hinaharap kung saan mawawala na ang sakit at kirot dito sa lupa. Nangangako ang Salita ng Diyos: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5, 6.
^ par. 30 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Pero dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na pipiliin nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.
^ par. 38 Tingnan din ang artikulong “Stress—Mga Paraan Para Maharap Ito,” sa Gumising! isyu ng Mayo 2014.