Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PAGMAMASID SA DAIGDIG

Pagtutok sa Relihiyon

Pagtutok sa Relihiyon

Inaasahan ng mga tao na ang relihiyon ay isang puwersa sa pagkakaisa. Pero kadalasan, sanhi pa nga ito ng kaguluhan at kawalang-tiwala.

Daigdig

Mahigit tatlong-kapat ng populasyon ng daigdig ay nasa mga bansang may paghihigpit sa relihiyon, dahil man ito sa mga patakaran ng gobyerno o mga alitan sa lipunan. Mula 2007 hanggang 2012, halos nadoble ang bilang ng mga bansa, kung saan inuusig ang maliliit na grupo ng relihiyon.

PAG-ISIPAN: Bakit galit sa relihiyon ang ilang tao?​—Mateo 23:27, 28; Juan 15:19.

England

Sa diyaryong The Observer, isinulat ng dating punong ministro na si Tony Blair na “ang pag-abuso sa relihiyon” ay kadalasan nang nasa likod ng terorismo. “Ang mga digmaan ng siglong ito,” dagdag niya, “ay malamang na hindi dahil sa matinding pagtataguyod ng politikal na ideolohiya, gaya ng nangyari noong ika-20 siglo. Mas madali itong maiuugnay sa isyu hinggil sa kultura at relihiyon.”

PAG-ISIPAN: Bakit kadalasan nang nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ang relihiyon?​—Marcos 7:6-8.

Australia

Inireport ng Australian Bureau of Statistics na 1 sa bawat 5 Australiano ay nagsasabing hindi sila miyembro ng alinmang relihiyon. Ayon din sa report, “kahit pa miyembro ng relihiyon ang isa, hindi ito nangangahulugang aktibo siya sa mga relihiyosong gawain.” Labinlimang porsiyento ng mga lalaki at 22 porsiyento lang ng mga babae ang nagsasabing aktibo sila sa isang relihiyon.

PAG-ISIPAN: Anong mga negatibong bagay ang kitang-kita sa mga organisadong relihiyon ngayon?​—Mateo 7:15-20.