TAMPOK NA PAKSA | PAANO NAGSIMULA ANG BUHAY?
Sagot na Dapat Pag-isipan
MATAPOS pag-aralan ang mga ebidensiya, napatunayan ng marami na ang buhay ay produkto ng isang matalinong Pinagmulan. Kuning halimbawa si Antony Flew, propesor ng pilosopiya, na dating nangungunang tagapagtaguyod ng ateismo. Nang malaman niya ang tungkol sa kahanga-hangang pagkamasalimuot ng buhay at mga pisikal na batas ng uniberso, nabago ang pananaw ni Flew. Sa pagsipi niya sa pangangatuwiran ng mga sinaunang pilosopo, isinulat niya: “Dapat nating paniwalaan anuman ang ipakita ng ebidensiya.” Para kay Propesor Flew, ipinakita ng ebidensiya ang pag-iral ng isang Maylalang.
Ganiyan din ang naging konklusyon ni Gerard, na nabanggit sa unang artikulo ng seryeng ito. Kahit isa siyang entomologo at may mataas na pinag-aralan, sinabi niya: “Wala akong nakitang ebidensiya na kusang lumitaw ang buhay mula sa mga bagay na walang buhay. Ang pagiging maayos at masalimuot ng mga bagay na may buhay ay nakakumbinsi sa ‘kin na may isang Organisador at Disenyador.”
Kung paanong nakikilala ng isang tao ang isang pintor sa pamamagitan ng kaniyang mga gawang-sining, nakilala rin ni Gerard ang Maylalang sa pamamagitan ng Kaniyang mga likha. Pinag-aralan din ni Gerard ang isang aklat na ipinasulat ng Maylalang—ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Nakumbinsi siya sa sinasabi nito tungkol sa kasaysayan ng tao, at nakita niya rito ang praktikal na mga solusyon sa problema ng tao ngayon. Kaya natiyak niya na ang Bibliya ay produkto rin ng isang matalinong Pinagmulan.
Gaya ni Gerard, dapat mo ring pag-isipan ang mga sagot ng Bibliya. Hinihimok ka naming gawin iyan.