Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INTERBYU | ANTONIO DELLA GATTA

Kung Bakit Iniwan ng Isang Pari ang Kaniyang Relihiyon

Kung Bakit Iniwan ng Isang Pari ang Kaniyang Relihiyon

MATAPOS ang siyam-na-taóng pag-aaral sa Roma, si Antonio Della Gatta ay itinalagang pari noong 1969. Nang maglaon, naglingkod siya bilang rektor, o ulo, ng isang seminaryo malapit sa Naples, Italy. Habang naroroon, matapos ang masusing pag-aaral at meditasyon, napatunayan niyang hindi salig sa Bibliya ang relihiyong Katoliko. Ikinuwento niya sa Gumising! kung paano niya hinanap ang Diyos.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Ipinanganak ako sa Italy noong 1943. Lumaki kaming magkakapatid sa isang maliit na nayon. Magsasaka at karpintero ang tatay namin. Pinalaki kami ng mga magulang namin bilang mga debotong Katoliko.

Bakit ka nagpari?

Noong bata pa ako, gustong-gusto kong makinig sa mga pari sa loob ng simbahan. Hangang-hanga ako sa boses nila, at sa magagandang ritwal. Kaya ipinasiya kong maging pari balang-araw. Noong 13 anyos ako, ipinasok ako ni Inay sa isang boarding school para sa mga batang inihahanda sa mas mataas na edukasyon para sa pagpapari.

Kasama ba sa pagsasanay ninyo ang pag-aaral ng Bibliya?

Hindi. Noong 15 anyos ako, isa sa mga titser ko ang nagbigay sa ’kin ng kopya ng mga Ebanghelyo—mga ulat tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus—at maraming beses kong binasa ang aklat na ’yon. Noong 18 na ako, pumunta ako sa Roma para mag-aral sa mga Katolikong unibersidad na direktang pinangangasiwaan ng papa. Pinag-aralan ko ang mga wikang Latin at Griego, kasaysayan, pilosopiya, sikolohiya, at teolohiya. Nire-recite namin noon ang mga talata sa Bibliya at nakikinig kami sa mga sermon tuwing Linggo, pero hindi namin aktuwal na pinag-aaralan ang Bibliya.

Naging rektor ka. Kasama ba roon ang pagtuturo?

Pangunahin nang may kinalaman sa pangangasiwa ang trabaho ko. Pero nagturo din ako tungkol sa mga batas ng Second Vatican Council.

Bakit ka nagduda sa relihiyon ninyo?

May tatlong dahilan. Nakikialam kasi sa politika ang relihiyon namin. Kinukunsinti rin ang maling ginagawa ng klero at ng mga miyembro ng parokya. At may ilang turong Katoliko na parang hindi tama. Halimbawa, paano magagawa ng isang maibiging Diyos na parusahan nang walang hanggan ang mga tao pagkamatay nila? At saka, talaga nga kayang gusto ng Diyos na ulitin natin nang daan-daang beses ang mga dasal gamit ang rosaryo? *

Ano’ng ginawa mo?

Lumuluha akong nanalangin at humingi ng tulong sa Diyos. Bumili rin ako ng Jerusalem Bible ng Katoliko, na kalalathala pa lang noon sa wikang Italyano, at binasa ko ’yon. Isang Linggo ng umaga, habang isinasabit ko ang aking abito matapos ang Misa, dalawang lalaki ang dumating sa seminaryo. Nagpakilala silang mga Saksi ni Jehova. Mahigit isang oras kaming nag-usap tungkol sa Bibliya at sa sinasabi nito tungkol sa kung paano makikilala ang tunay na relihiyon.

Ano’ng masasabi mo sa kanila?

Humanga ako sa pananalig nila at husay sa pagtukoy sa mga tekstong nasa edisyong Katoliko ng Bibliya. Nang maglaon, isa pang Saksi, si Mario, ang dumalaw sa ’kin. Matiyaga siya at tapat sa usapan—tuwing Sabado ng umaga, umulan man o umaraw, tumitimbre siya sa seminaryo tuwing alas nuwebe.

Ano ang reaksiyon ng ibang pari?

Niyaya ko silang sumali sa pag-uusap namin, pero hindi nila sineryoso ang pag-aaral ng Bibliya. Pero ako, gustong-gusto ko. Ang gaganda ng natututuhan ko, gaya ng kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa—isang bagay na matagal nang palaisipan sa ’kin.

Sinabihan ka ba ng mga nakatataas sa iyo na ihinto na ang pag-aaral ng Bibliya?

Noong 1975, ilang beses akong pumunta sa Roma para ipaliwanag ang pananaw ko. Gusto nilang baguhin ang pag-iisip ko, pero wala man lang sa kanila ang gumamit ng Bibliya. Nang bandang huli, noong Enero 9, 1976, sumulat ako sa Roma para sabihing hindi na ako Katoliko. Pagkaraan ng dalawang araw, umalis ako sa seminaryo at sumakay ng tren para dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon. Isa palang asamblea ’yon na dinaluhan ng maraming kongregasyon. Ibang-iba ang nakita ko roon kaysa sa nakasanayan ko! Bawat Saksi ay may Bibliya at sumusubaybay sa mga tagapagsalita habang tinatalakay ang iba’t ibang paksa.

Ano naman ang naging reaksiyon ng pamilya mo?

Marami sa kanila ang nagalit. Pero nalaman kong nakikipag-aral din pala ang isang kapatid ko sa mga Saksi sa Lombardy, sa hilagang Italya. Pinuntahan ko siya, at tinulungan ako ng mga Saksi roon na makahanap ng trabaho at matitirhan. Nang taon ding ’yon, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

Sa wakas, nadama kong malapít ako sa Diyos

Nagsisisi ka ba?

Hinding-hindi! Sa wakas, nadama kong malapít ako sa Diyos, dahil ang mga natututuhan ko tungkol sa kaniya ay salig sa Bibliya, at hindi sa pilosopiya o tradisyon ng simbahan. Natuturuan ko rin ang iba nang may pananalig at kataimtiman.

^ par. 13 Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.