Sariwang Hangin at Sikat ng Araw—Likas na mga “Antibiotic”?
NANG madiskubre ng mga siyentipiko ang kemikal na mga antibiotic noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, umasa ang mga doktor na mawawala na ang ilang sakit. Sa simula, parang epektibo naman ang bagong mga gamot na ito. Pero dahil sa malawakang paggamit sa mga ito, lumitaw naman ang mga baktiryang di-tinatablan ng antibiotic.
Para makahanap ng bagong panlaban sa impeksiyon, pinag-aralan uli ng ilang siyentipiko ang sinaunang mga paraan ng pagsugpo sa sakit. Ang isa sa mga ito ay kung paano mapapakinabangan ang sikat ng araw at sariwang hangin.
Aral Mula sa Nakaraan
Sa Inglatera noon, marami ang nagsasabi na nakagagaling ang sikat ng araw at sariwang hangin. Inirekomenda ng doktor na si John Lettsom (1744-1815) ang hangin sa dagat at sikat ng araw para sa mga batang may tuberkulosis (TB). Noong 1840, napansin ng siruhanong si George Bodington na ang mga nagtatrabaho sa labas—magsasaka, mang-aararo, pastol—ay kadalasan nang hindi nagkakasakit ng TB, pero ang mga laging nasa loob ng gusali ay parang mas madaling tablan nito.
Ang nars na si Florence Nightingale (1820-1910) ay nakilala dahil sa bagong pamamaraan niya ng pag-aalaga sa mga sugatáng sundalong Britano noong Crimean War. Itinanong niya: “Nasubukan mo na bang pumasok sa silid-tulugan ng mga tao . . . sa gabi, o sa umaga bago mabuksan ang mga bintana, at napansin mong kulob at masangsang ang hangin?” Iminungkahi niya na ang hangin sa silid ng pasyente ay panatilihing sariwa gaya ng hangin sa labas, pero huwag namang hayaang ginawin ang pasyente. Sinabi pa niya: “Sa mahabang karanasan ko sa pag-aalaga ng mga maysakit, nakita ko na una sa lahat, kailangan nila ng sariwang hangin. Pangalawa, kailangan din nila ng liwanag . . . At hindi lang basta liwanag kundi direktang sikat ng araw.” Nang panahong iyon, marami rin ang naniniwalang
makabubuti sa kalusugan kung paaarawan ang mga punda, sapin sa kama, kumot, at damit.Malaki na ang isinulong ng siyensiya mula noong ika-19 na siglo, pero ganiyan din ang konklusyon ng mga bagong pag-aaral. Halimbawa, natuklasan ng isang pag-aaral sa China noong 2011 na ang mga dormitoryo sa kolehiyo na siksikan at di-maganda ang bentilasyon ay “nauugnay sa mas maraming sakit sa palahingahan.”
Kinikilala ng World Health Organization (WHO) na ang natural na bentilasyon, lakip dito ang hanging pumapasok at lumalabas sa isang gusali, ay mahalaga sa pagsugpo ng sakit. Sa katunayan, ang mga panuntunang inilathala ng WHO noong 2009 ay nagrerekomenda ng paggamit ng natural na bentilasyon para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon sa mga pagamutan. *
Baka sabihin mo, ‘Mukhang tama naman. Pero kaayon ba iyan ng siyensiya? Paano sinusugpo ng sikat ng araw at hangin ang mga sakit?’
Natural na mga Pamatay ng Mikrobyo
May ilang kasagutan ang mga pag-aaral na ginawa sa Ministry of Defence sa United Kingdom. Inaalam ng mga siyentipiko roon kung gaano katagal mananatiling mapanganib ang hangin kung isang biyolohikal na sandatang naglalaman ng mapaminsalang baktirya ang pasasabugin sa London. Para malaman ang itatagal ng mga organismong nagdudulot ng sakit, ang mga mananaliksik ay naglagay ng mikrobyong E. coli sa mga hibla ng sapot ng gagamba at iniwan ang mga ito sa labas. Ginawa ang eksperimentong ito sa gabi, dahil alam na alam naman na mamamatay ang mga baktiryang ito kapag nasikatan ng araw. Ano ang naging resulta?
Pagkaraan nang mga dalawang oras, patay na ang halos lahat ng baktirya. Pero nang ilagay ang mga baktirya sa loob ng isang saradong kahon sa lokasyon ding iyon at sa parehong temperatura at halumigmig, buháy pa ang karamihan sa mga ito makalipas ang dalawang oras. Bakit? Maliwanag na may kung anong bagay sa hangin na pumapatay ng mikrobyo. Hindi pa natutukoy kung ano talaga ito. Pero itinuturo ng mga mananaliksik ang isang substansiyang likas na nasa hangin at “nagsisilbing natural na pamatay ng mga organismo o mikrobyo” na nasa hangin.
Pumapatay rin ng mikrobyo ang sikat ng araw. Ayon sa Journal of Hospital Infection, “karamihan sa mikrobyong nagdudulot ng sakit na dala ng hangin ay hindi nakatatagal sa sikat ng araw.”
Ano ngayon ang gagawin mo? Baka gusto mong lumabas para magpaaraw sandali at lumanghap ng sariwang hangin. Makabubuti iyan sa iyo.
^ par. 8 Sa ilang kadahilanan, baka hindi magandang iwang nakabukas ang bintana. Kasama rito ang maruming hangin sa labas, ingay, at pag-iwas sa sunog at krimen.