TAMPOK NA PAKSA
May Diyos Ba? Mahalaga Ba Kung Mayroon Man?
Para sa marami, ang tanong na ito ay walang kasagutan o hindi mahalaga. Si Hervé, lumaki sa France, ay nagsabi: “Hindi ko sinasabing ateista ako o agnostiko, pero hindi ako naniniwala sa Diyos. Para sa ’kin, pinakamabuti nang gamitin ang sentido kumon. ’Pag ginamit ’yon, hindi na kailangan ang Diyos.”
Ang iba naman ay baka gaya ni John na taga-Estados Unidos. Sinabi niya: “Ang mga magulang ko ay hindi naniniwala sa Diyos. Bilang kabataan, wala akong pakialam kung may Diyos nga. Pero paminsan-minsan, naiisip ko rin ang tungkol dito.”
Naiisip mo rin ba kung may Diyos, at kung mayroon nga, paano ito makaaapekto sa buhay natin? Malamang, may nalaman kang impormasyon na mahirap ipaliwanag kung walang Maylalang, gaya ng siyentipikong impormasyon na nagpapakitang tamang-tama ang kondisyon ng kalikasan para maging posible ang buhay sa Lupa at ebidensiya na hindi puwedeng manggaling ang buhay sa walang-buhay na mga bagay.—Tingnan ang kahong “ Suriin ang Ebidensiya.”
Pag-isipan ang mahahalagang impormasyong iyan. Para itong mga karatulang nakaturo sa isang kayamanan. Kapag nakakita ka ng nakakukumbinsing ebidensiya na may Diyos, pati na ng mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa kaniya, makikinabang ka nang husto. Narito ang apat na halimbawa.
1. KAHULUGAN NG BUHAY
Kung may mas malalim na kahulugan ang buhay, gusto nating malaman kung ano ito at kung ano ang epekto nito sa atin. Tutal, kung may Diyos nga at hindi natin ito alam, namumuhay tayo nang hindi nalalaman ang pinakamahalagang katotohanan sa uniberso.
Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang Bukal ng lahat ng buhay. (Apocalipsis 4:11) Paano makapagbibigay ng kahulugan sa ating buhay ang kaalamang iyan? Tingnan natin kung ano ang itinuturo ng Bibliya.
Sa lahat ng iba pang nilalang sa lupa, natatangi ang mga tao. Ayon sa Bibliya, nilalang tayo ng Diyos na may mga katangian at personalidad na gaya ng sa kaniya. (Genesis 1:27) Itinuturo din ng Bibliya na puwede tayong maging kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:23) Wala nang iba pang makapagbibigay ng higit na kahulugan sa ating buhay kundi ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa ating Maylalang.
Ano ang ibig sabihin ng pagiging kaibigan ng Diyos? Nasasabi ng mga kaibigan ng Diyos ang gusto nilang sabihin sa kaniya. At nangangako siyang makikinig siya sa kanila at kikilos para sa kanila. (Awit 91:15) Bilang mga kaibigan ng Diyos, maaari nating malaman ang kaniyang pananaw sa mga bagay-bagay. Makapagbibigay ito sa atin ng kaunawaan sa mahahalagang tanong tungkol sa buhay.
Kung may Diyos nga at hindi natin ito alam, namumuhay tayo nang hindi nalalaman ang pinakamahalagang katotohanan sa uniberso
2. KAPAYAPAAN NG ISIP
Halimbawa, nahihirapan ang ilan na maniwala sa Diyos dahil sa mga pagdurusang nakikita nila sa buong mundo. Itinatanong nila, ‘Bakit kaya pinahihintulutan ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ang pagdurusa at kasamaan?’
Ang nakaaaliw na sagot ng Bibliya ay na hinding-hindi nilayon ng Diyos na magdusa ang mga tao. Nang panahong lalangin ang tao, walang pagdurusa. Kahit kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao. (Genesis 2:7-9, 15-17) Mahirap ba itong paniwalaan? Kathang-isip lang? Hindi. Kung talagang may makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang at pag-ibig ang pangunahing katangian niya, ganoon mismo ang uri ng buhay na aasahan nating magiging layunin niya para sa mga tao.
Pero bakit ganito ang kalagayan natin sa ngayon? Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na may kakayahan at kalayaang magpasiya. Hindi tayo mga robot na pilit na pinasusunod sa Diyos. Ang unang mag-asawa, na pinagmulan ng lahat ng tao, ay nagpasiyang tanggihan ang patnubay ng Diyos. Sa halip, ginawa nila kung ano ang gusto nila. (Genesis 3:1-6, 22-24) Nararanasan tuloy natin ngayon ang mapapait na resulta nito.
Magiging payapa ang ating isip kapag nalaman nating hindi layunin ng Diyos na magdusa ang mga tao. Pero siyempre, gusto rin natin na mawala ang pagdurusa. Kailangan natin ng pag-asa sa hinaharap.
3. PAG-ASA
Matapos magrebelde ang mga tao, agad nangako ang Diyos na darating ang panahon na tutuparin niya ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupa. Dahil siya ang makapangyarihan-sa-lahat, walang makapipigil sa kaniya na gawin iyan. (Isaias 55:11) Di-magtatagal, aalisin ng Diyos ang lahat ng epekto ng rebelyong iyon, at isasauli niya ang kalagayan ng lupa at ng mga tao ayon sa kaniyang orihinal na layunin.
Paano ka makikinabang dito? Maraming pangako ang Diyos na mababasa sa Bibliya, pero tingnan lang natin ang dalawa sa mga ito.
-
MAGKAKAROON NG KAPAYAPAAN SA BUONG MUNDO AT AALISIN ANG KASAMAAN. “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
-
MAWAWALA NA ANG SAKIT AT KAMATAYAN. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Bakit tayo makapagtitiwala sa mga pangako ng Diyos na makikita sa Bibliya? Dahil marami sa mga hulang mababasa rito ang natupad na. Pero kahit may pag-asa tayo na mawawala ang pagdurusa, marami pa rin tayong problema sa ngayon. Anong karagdagang tulong ang inilalaan ng Diyos?
4. TULONG SA MGA PROBLEMA AT PAGDEDESISYON
Naglalaan ang Diyos ng patnubay para tulungan tayong makayanan ang mga problema at makagawa ng magagandang desisyon. Simple lang ang karamihan sa mga desisyon natin, pero panghabambuhay ang epekto ng ilan sa mga ito. Walang taong makapagbibigay sa atin ng karunungang gaya ng sa Maylalang dahil alam niya ang mga nangyari at ang mga mangyayari pa, at siya ang Bukal ng ating buhay. Kaya siya ang nakaaalam kung ano ang pinakamabuti para sa atin.
Ang Bibliya ay naglalaman ng mga kaisipan ng Diyos na Jehova dahil ginabayan niya ang iba’t ibang tao na sumulat nito. Mababasa natin ang mga salitang ito sa Bibliya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17, 18.
Walang limitasyon ang kapangyarihan ng Diyos at handa siyang gamitin iyon para sa atin. Inilalarawan ng Bibliya ang Diyos bilang maibiging ama na handang tumulong sa atin. Sinasabi nito: “Ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Ang puwersang ito mula sa Diyos ang gagabay at magpapalakas sa atin.
Paano ka makatatanggap ng gayong tulong mula sa Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Para makumbinsi kang may Diyos, kailangan mong suriin mismo ang ebidensiya.
MAGSUSURI KA BA?
Kailangan ang panahon para mahanap ang katotohanan tungkol sa Diyos, pero talagang makikinabang ka sa paggawa nito. Pansinin ang halimbawa ni Xiujin Xiao, na ipinanganak sa China at ngayo’y nakatira sa Estados Unidos. Sinabi niya: “Naniniwala ako sa teoriya ng ebolusyon, pero interesado rin ako sa Bibliya. Kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Noong huling taon ko sa college, naging sobrang abala ako kaya halos wala na akong panahong pag-isipan ang natututuhan ko sa Bibliya. Pero hindi ako masyadong masaya. Nang unahin ko ulit ang pag-aaral ng Bibliya, naging mas masaya ako.”
Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova? Bakit hindi maglaan ng panahon para magsuri?