SULYAP SA NAKARAAN
Mga Batas na Humati sa mga Kontinente
Pagbalik ni Christopher Columbus mula sa unang paglalakbay niya sa mga lupain sa Amerika noong 1493, pinagtalunan ng hari ng Espanya at ng hari ng Portugal kung sino ang dapat kumontrol sa kalakalan at kolonisasyon sa mga bagong-tuklas na lupain. Ang Espanya ay lumapit sa papa, si Alexander VI, para lutasin ang problema.
HINATI NG MGA HARI AT NG MGA PAPA ANG MGA KONTINENTE
Bago nito, inangkin na ng Espanya, Portugal, at ng mga papa ang mga bagong-tuklas na lupain. Noong 1455, ibinigay ni Pope Nicholas V sa mga Portuges ang eksklusibong karapatan na galugarin ang mga lupain at isla sa kahabaan ng Baybaying Atlantiko ng Aprika at angkinin ang anumang matuklasan nila roon. Noong 1479, sa Treaty of Alcáçovas, ibinigay ni Afonso V ng Portugal at ng kaniyang anak na si Prinsipe John kina Ferdinand at Isabella ng Espanya ang pamumuno sa Canary Islands. Bilang kapalit, pinayagan ng Espanya ang Portugal na kontrolin ang kalakalan sa Aprika at pamunuan ang Azores, Cape Verde Islands, at Madeira. Makaraan ang dalawang taon, muling pinagtibay ni Pope Sixtus IV ang kasunduang ito at detalyadong sinabi na anumang matuklasan sa timog at silangang bahagi ng Canary Islands ay magiging pag-aari ng Portugal.
Pero inangkin ni John, ngayon ay John II ng Portugal, na ang mga lupaing natuklasan ni Columbus ay pag-aari ng Portugal. Hindi ito matanggap ng monarkiya ng Espanya, kaya lumapit sila sa bagong papa, si Alexander VI, para hingin ang karapatang sakupin at gawing Kristiyano ang mga lugar na natuklasan ni Columbus.
Gamit lang ang isang panulat, hinati ni Pope Alexander VI ang mga kontinente
Bilang tugon, nagtatag si Alexander ng tatlong opisyal na batas. Ang una, “sa awtoridad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,”
ipinagkaloob sa Espanya ang eksklusibo at permanenteng pagmamay-ari sa mga bagong teritoryo. Ang ikalawa, naglagay ng hangganan mula hilaga patimog na umabot nang mga 560 kilometro sa kanluran ng Cape Verde Islands. Ang lahat ng lupaing natuklasan, o matutuklasan pa, sa kanluran ng hangganang iyon, ang sabi ni Alexander, ay sa Espanya. Gamit lang ang isang panulat, hinati ng papa ang mga kontinente! Sa ikatlo niyang batas, waring lumawak ang impluwensiya ng Espanya pasilangan hanggang India. Siyempre pa, galit na galit si Haring John, dahil kamakailan lang ay narating ng mga sakop niya ang dulo ng Aprika, kung kaya nakaabot na sa Karagatang Indian ang impluwensiya ng Portugal.BAGONG HATIAN SA MAPA
Sa galit kay Alexander, * direktang nakipagnegosasyon si John kina Ferdinand at Isabella. “Dahil takót ang monarkiya ng Espanya sa malulupit na Portuges at abalang-abala ito sa pagkontrol sa Bagong Daigdig [o, mga lupain sa Amerika], malugod silang nakipagkompromiso,” ang sabi ng awtor na si William Bernstein. Kaya noong 1494, nilagdaan sa bayan ng Tordesillas ang isang kasunduan na ipinangalan sa bayang iyon sa Espanya.
Pinanatili ng Treaty of Tordesillas ang hangganan mula hilaga patimog na ginawa ni Alexander pero pinaabot ito nang hanggang 1,480 kilometro pakanluran. Lumilitaw na ang buong Aprika at Asia ay “pag-aari” na ngayon ng Portugal; ang Bagong Daigdig naman ay sa Espanya. Gayunman, ang pagbabagong ito ay nagpalawak sa teritoryo ng Portugal dahil natuklasan nila ang lupain na nang maglaon ay tinawag na Brazil.
Ang mga batas na nagbigay ng awtorisasyon sa Espanya at Portugal na angkinin at depensahan ang mga bagong-sakop nilang lupain ay ginawang dahilan para sa pagdanak ng maraming dugo. Hindi lang binale-wala ng mga desisyong ito ang karapatan ng mga taong naninirahan sa mga lupaing iyon—na nauwi sa panunupil at pananamantala sa kanila—kundi nagdulot pa ng daan-daang taóng paglalabanan ng mga bansa para sa kapangyarihan at kalayaan sa paglalayag.
^ par. 9 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kilaláng tiwaling papa na ito, tingnan ang artikulong “Alexander VI—Isang Papa na Hindi Nalilimutan ng Roma,” sa Ang Bantayan, Hunyo 15, 2003, pahina 26-29.