Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANO NA ANG NANGYARI SA DISIPLINA?

Epektibong Pagdidisiplina

Epektibong Pagdidisiplina

MAHIRAP talagang magpalaki ng mga anak. Pero lalo itong magiging mahirap kung ipagkakait mo ang disiplinang kailangan nila. Bakit? Kapag walang disiplina (1) hindi masusupil ang mga anak kung kaya masasagad ang mga magulang, at (2) pabago-bago ang magiging patakaran ng mga magulang kung kaya malilito ang mga anak.

Sa kabilang dako, ang timbang na pagdidisiplina sa maibiging paraan ay huhubog sa pag-iisip at sa moralidad ng bata. Tutulong din ito sa kaniya na maging panatag habang lumalaking responsable. Pero saan mo makikita ang mapagkakatiwalaang patnubay para sa pagdidisiplina sa iyong mga anak?

Mahalaga ang mga Simulain sa Bibliya

Ang mga tagapaglathala ng magasing ito, ang mga Saksi ni Jehova, ay naniniwala na ang Bibliya, gaya ng sinasabi nito, ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina.” (2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya ay hindi lang isang aklat na nagtuturo kung paano ka magiging isang magulang. Ang mga simulain nito ay naglalaan ng realistikong patnubay para sa mga pamilya. Pag-isipan ang ilang halimbawa.

SINASABI NG BIBLIYA: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.”—Kawikaan 22:15.

Bagaman ang mga bata ay nakakatuwa dahil maalalahanin sila at mabait, mayroon din silang kapilyuhan. Kaya kailangan ng mga bata ang disiplina. (Kawikaan 13:24) Magagampanan mo ang iyong pananagutan bilang magulang kung kikilalanin mo ang bagay na iyan.

SINASABI NG BIBLIYA: “Huwag mong ipagkait sa bata ang disiplina.”—Kawikaan 23:13.

Hindi mo dapat ikatakot na baka makasamâ sa iyong mga anak ang timbang na disiplina o baka maghinanakit sila sa iyo paglaki nila. Kapag inilapat mo ang disiplina taglay ang pag-ibig, matututo silang tumanggap ng pagtutuwid nang may kapakumbabaan—isang katangiang kakailanganin nila kahit nasa hustong gulang na sila.—Hebreo 12:11.

SINASABI NG BIBLIYA: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.

Natural lang na protektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, at dapat naman. Pero gaya ng nabanggit, kailangang maging timbang. Hindi mo sila matutulungan kung “isasalba” mo sila mula sa masasamang resulta ng kanilang pagkakamali o ipagtatanggol sila kapag itinawag-pansin sa iyo ng isang guro o ng iba pang adulto ang maling ginawa nila. Sa halip, ituring mong kakampi ang mga taong iyon. Sa paggawa nito, matuturuan mo ang iyong mga anak na gumalang sa awtoridad—pati na sa awtoridad mo.Colosas 3:20.

SINASABI NG BIBLIYA: “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.”—Kawikaan 29:15.

Maging mapagmahal, matatag, at makatuwiran

Hindi dapat maging sobrang higpit ang mga magulang sa kanilang mga anak, pero hindi rin sila dapat maging sobrang maluwag, o kunsintidor. “Ang mga anak ng mga magulang na kunsintidor ay hindi nakauunawa na mga adulto ang dapat masunod sa loob ng tahanan,” ang sabi ng aklat na The Price of Privilege. Kung hindi mo gagamitin ang iyong awtoridad, iisipin ng anak mo na siya ang dapat masunod. Tiyak na gagawa siya ng di-matatalinong pasiya na magdudulot sa kaniya—at sa iyo—ng problema.—Kawikaan 17:25; 29:21.

SINASABI NG BIBLIYA: “Pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.”—Mateo 19:5.

Ayon sa Bibliya, kailangan munang ikasal ang lalaki at babae bago sila magkaanak, at dapat na nagsasama pa rin sila hanggang sa lumaki ang kanilang mga anak at bumukod. (Mateo 19:5, 6) Ibig sabihin, ang una mong papel ay bilang asawa, at ikalawa ang pagiging magulang. Kung mababaligtad iyan, baka ang anak mo ay “mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.” (Roma 12:3) Hihina rin ang pagsasama ng mag-asawa kung nakasentro lang sila sa kanilang mga anak.

Tulong sa mga Magulang

Para magampanan mo ang pagiging magulang, dapat mong iayon ang iyong pagdidisiplina sa mga simulaing ito.

Maging mapagmahal. “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”—Colosas 3:21.

Maging matatag. “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.”—Mateo 5:37.

Maging makatuwiran. “Kailangang ituwid [o disiplinahin] kita sa wastong antas.”—Jeremias 30:11. *

^ par. 21 Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa jw.org/tl. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > MAG-ASAWA AT MAGULANG ang mga artikulong gaya ng “Pagdidisiplina sa mga Anak,” “Kapag Nag-aalburoto ang Iyong Anak,” “Ikintal sa Iyong mga Anak ang mga Pamantayang Moral,” at “Kung Paano Didisiplinahin ang Iyong Anak na Tin-edyer.”