Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PAGMAMASID SA DAIGDIG

Pagtutok sa Asia

Pagtutok sa Asia

Asia ang pinakamataong kontinente sa daigdig. Sa China at India pa lang, mahigit sangkatlo na ng populasyon ng mundo ang nakatira. Anong mga problema ang napapaharap sa mga bansa sa Asia pagdating sa paglalaan ng edukasyon at proteksiyon sa kanilang mamamayan?

Proteksiyon sa mga Bata ang Edukasyon

Ayon sa mga eksperto sa batas sa China, mas nanganganib maabuso ang mga batang hindi tinuturuan ng kanilang mga magulang tungkol sa sex. Noong 2010 hanggang 2013, mga 8,000 paratang ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata ang hinawakan ng mga prosecutor sa China. Ang mga bata “ay mahihina at madaling mabiktima,” ang sabi ng isang propesor sa batas sa Beijing Normal University. “Edukasyon ang susi para maiwasan ang seksuwal na pagsalakay.”

ANG SABI NG BIBLIYA: Tinuturuan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak kung paano poprotektahan ang kanilang sarili mula sa “taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.”—Kawikaan 2:1, 10-12.

Mga Namamatay Pagkaraan ng Bagyo

Ayon sa isang pag-aaral, ang average na bilang ng mga batang babaeng sanggol na namamatay sa Pilipinas pagkaraan ng isang bagyo ay 15 beses na mas marami kaysa sa iniulat na namatay dahil sa mismong bagyo. Ang ilang posibleng dahilan ay ang kawalan ng trabaho pagkaraan ng bagyo, gastos ng muling pagtatayo, at paraan ng pagpapaabot ng tulong sa mga babaeng sanggol, lakip na ang nutrisyon at pangangalagang pangkalusugan.

ANG SABI NG BIBLIYA: ‘Magbahagi ng iyong tinapay sa gutóm, dalhin mo sa iyong bahay ang mga taong napipighati at walang tahanan, kung makakita ka ng sinumang hubad ay damtan mo siya.’—Isaias 58:7.

Matatandang Nagpapakamatay sa South Korea

Noong 2011, mahigit 25 porsiyento ng lahat ng nagpakamatay sa South Korea ay edad 65 pataas. Sinasabi ng mga mananaliksik na dahil ito sa nagbabagong saloobin tungkol sa pag-aalaga sa mga may-edad at sa kalagayan ng ekonomiya—halos 50 porsiyento ng matatanda sa South Korea ay namumuhay sa kahirapan. Sa ngayon, wala na sa kalahati ng mga taga-South Korea ang naniniwala na dapat suportahan ng mga anak ang kanilang may-edad nang mga magulang.

ANG SABI NG BIBLIYA: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.”—Efeso 6:2.