Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

Ang Hamon: Negatibong Damdamin

Ang Hamon: Negatibong Damdamin

NADARAIG ka ba ng matitinding damdamin—marahil ng kalungkutan, galit, o hinanakit? Kung oo, baka nasasaid na ang iyong panahon at lakas para sa mga bagay na talagang importante sa iyo. Ano ang puwede mong gawin? *

HALIMBAWA SA BIBLIYA: DAVID

Nakaranas si Haring David ng iba’t ibang emosyon—kasama na ang pagkabalisa at kalungkutan. Ano ang nakatulong sa kaniya? Ipinaubaya ni David ang mga bagay-bagay sa Diyos. (1 Samuel 24:12, 15) Isinulat din niya ang kaniyang mga nadama. At bilang isang lalaking may pananampalataya, madalas siyang manalangin. *

KUNG ANO ANG GINAGAWA NI GREGORY

Gaya ng nabanggit sa unang artikulo, si Gregory ay may anxiety disorder. “Hindi ko na makayanan at mapigilan ang sobrang pag-aalala ko,” ang sabi niya. Paano muling nakontrol ni Gregory ang buhay niya? “Para maka-recover,” ang sabi niya, “nagpatulong ako sa misis ko at mga kaibigan ko. Kumonsulta rin ako sa isang doktor, kaya mas naintindihan ko ang kondisyon ko. Matapos gumawa ng ilang pagbabago sa aking pamumuhay, nadama kong kontrolado ko na ang aking kondisyon, at hindi na ito ang kumokontrol sa akin. Kahit nababalisa pa rin ako paminsan-minsan, mas naiintindihan ko na ngayon ang sanhi nito, at alam ko na kung ano ang gagawin ko.”

“Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”—Kawikaan 17:22

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kung kinokontrol ng negatibong damdamin ang buhay mo, subukan ito:

  • Isulat ang nadarama mo.

  • Sabihin sa isang malapít na kapamilya o kaibigan ang nadarama mo.

  • Huwag agad magpadala sa iyong nadarama. Halimbawa, tanungin ang sarili, ‘Talaga bang may dahilan para maging negatibo ang tingin ko sa sarili ko?’

  • Huwag magpadaig sa kabalisahan, galit, o hinanakit. Gamitin ang lakas mo sa mas kapaki-pakinabang na mga gawain. *

Tandaan: Kadalasan, ang negatibong damdamin ay hindi resulta ng ating mga kalagayan kundi ng pananaw natin sa mga ito.

^ par. 3 May ilang negatibong emosyon na baka resulta ng sakit at nangangailangan ng tulong ng doktor. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Dapat pag-aralang mabuti ng bawat indibiduwal ang mga mapagpipilian niya bago magdesisyon.

^ par. 5 Maraming awit sa Bibliya ay mga panalangin ni David, na isinulat niya.

^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Paano Mo Haharapin ang Kabalisahan?,” sa Ang Bantayan, Hulyo 1, 2015.