Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Herodotus

Herodotus

PAANO kaya namuhay ang mga tao libo-libong taon na ang nakararaan? Ano ang mga kaugalian nila? Masasagot ng arkeolohiya ang ilang tanong—pero hindi lahat. Para maunawaan natin ang pag-iisip ng sinaunang mga tao, makatutulong ang akda ng isang tao na nag-ulat ng kasaysayan noong panahon niya. Nabuhay siya mga 2,400 taon na ang nakararaan. Siya ay si Herodotus, isang Griegong istoryador na nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E. Ang kaniyang akda? The Histories.

Layunin ni Herodotus na iulat ang sanhi ng mga digmaan ng mga Griego, lalo na ang sanhi ng pagsalakay ng Persia noong 490 B.C.E., at noong 480 B.C.E., nang bata pa si Herodotus. Bukod sa paksang iyan, iniulat din niya ang lahat ng impormasyong nalaman niya tungkol sa mga bansang naapektuhan ng pananakop ng Persia.

HIGIT PA SA KASAYSAYAN

Si Herodotus ay isang mahusay na tagapaglahad. Napakametikuloso niya sa kaniyang mga isinulat, at isinama niya ang bawat detalyeng sa palagay niya ay kinakailangan. Kahanga-hanga ang nagawa ni Herodotus dahil nang panahong iyon, halos wala naman siyang mapagbabatayang opisyal na mga rekord ng bansa na nag-uulat ng tuloy-tuloy na kasaysayan ng mga pangyayari.

Nang panahong iyon, hindi gaanong interesado ang mga tao na iulat ang kasaysayan, malibang para ipagyabang sa mga inskripsiyon sa mga monumento ang kanilang magagandang nagawa. Napilitang manalig si Herodotus sa obserbasyon, tradisyon, at testimonya ng iba tungkol sa mga pangyayaring gusto niyang iulat. Para mangalap ng impormasyon, maraming lugar na nilakbay si Herodotus. Lumaki siya sa Griegong kolonya ng Halicarnassus (ngayo’y Bodrum, sa timugang Turkey) at napuntahan niya ang malaking bahagi ng Gresya.

Para mangalap ng impormasyon, maraming lugar na nilakbay si Herodotus

Naglakbay siya patungong hilaga sa Dagat na Itim at sa Scitia, na lugar ng makabagong Ukraine, at patungong timog sa Palestina at sa Mataas na Ehipto. Sa silangan, tila nakarating siya sa Babilonya, pero malamang na nanatili siya sa kanluran, sa isang Griegong kolonya na ngayon ay timugang Italya, hanggang sa kaniyang kamatayan. Saanman siya pumunta, nagmasid siya at nagtanong, kaya nakakolekta siya ng impormasyon mula sa inaakala niyang pinakamapagkakatiwalaang mapagkukunan nito.

ANG KATUMPAKAN NI HERODOTUS

Pirasong papiro ng The Histories

Gaano katumpak ang impormasyong iniulat ni Herodotus? Pagdating sa mga lupaing pinuntahan niya at sa mga bagay na nakita niya mismo, itinuturing na tumpak ang kaniyang kaalaman. Ang paglalarawan niya sa mga kaugaliang di-kilala sa Gresya—gaya ng paglilibing sa mga maharlika ng Scitia o pag-eembalsamo sa Ehipto—ay tumutugma sa mga tuklas ng mga arkeologo. Sinasabi na ang napakaraming impormasyong naingatan niya tungkol sa Ehipto ay “nakahihigit sa lahat ng naisulat noong sinaunang panahon tungkol sa bansang iyon.”

Pero kadalasan, walang magawa si Herodotus kundi ang manalig sa kaduda-dudang testimonya. Karagdagan pa, paniwalang-paniwala ang mga tao noong panahon niya na ang mga paganong diyos ay nakikialam sa buhay-buhay ng mga tao. Kaya naman hindi lahat ng isinulat niya ay pasado sa pamantayan ng makabagong mga istoryador. Gayunpaman, sinikap ni Herodotus na ihiwalay ang katotohanan sa alamat. May-katalinuhan niyang inamin na hindi siya basta naniniwala sa lahat ng sinasabi sa kaniya. Nakagawa siya ng mga konklusyon matapos salain at paghambingin ang mga pinagkunan niya ng impormasyon.

Masasabing ang The Histories ang obra maestra ng buhay ni Herodotus. Kung isasaalang-alang ang kalagayan niya noon, talagang namumukod-tangi ang nagawa niya.