Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Kaluluwa

Kaluluwa

Iba-iba ang opinyon ng mga relihiyon tungkol sa kaluluwa at sa nangyayari dito kapag namatay ang isa. Pero ang Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na sagot tungkol dito.

Imortal ba ang kaluluwa?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang naniniwalang imortal ang kaluluwa. Iniisip naman ng ilan na ang kaluluwa ay paulit-ulit na ipinanganganak, at lumilipat sa isang bagong katawan pagkamatay ng dating katawan. Sinasabi naman ng iba na ang kaluluwa ay nagpupunta sa ibang lugar, gaya ng langit o impiyerno.

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa ay imortal. Sa katunayan, madalas na sinasabi nito na namamatay ang kaluluwa. Ang propetang si Ezekiel, na ginamit ng Diyos para isulat ang isang bahagi ng Bibliya, ay nagsabing maaaring parusahan ang kaluluwa ng kamatayan. Sa iba pang pagkakataon, ginagamit ng Bibliya ang salitang “patay na kaluluwa” para ilarawan ang isang bangkay. (Levitico 21:11) Maliwanag, hindi itinuturo ng Bibliya na imortal ang kaluluwa.

“Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ang mamamatay.”Ezekiel 18:20.

Magkaiba ba ang kaluluwa at ang katawan?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Kaluluwa ang nagbibigay-buhay sa katawan ng isang tao, pero humihiwalay ito sa panahon ng kamatayan.

ANG SABI NG BIBLIYA

Inilalarawan ng Bibliya ang isang ina na nanganak ng mga “kaluluwa”—buháy at humihingang mga tao. (Genesis 46:18) Sa katunayan, ang salitang Hebreo na ginamit sa Bibliya para sa “kaluluwa” ay maaaring isaling “isa na humihinga.” Kung minsan, ginagamit din ang salitang iyon para tumukoy sa mga hayop. Sa Bibliya, ang salitang “kaluluwa” ay kadalasan nang tumutukoy sa isang buháy na tao, kasama na ang katawan, emosyon, at personalidad.

“Ipinanganak niya ang . . . labing-anim na kaluluwa.”Genesis 46:18.

Ano ang nangyayari sa kaluluwa kapag namatay ang isa?

ANG SABI NG BIBLIYA

Kapag namatay ang ating katawan, “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol.” (Eclesiastes 9:10) Maliwanag, sinasabi ng Bibliya na kapag namatay ang isa, “siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Ang isang patay na kaluluwa ay nasa kalagayan ng kawalang-ginagawa. Kaya kadalasan nang inihahalintulad ng Bibliya ang kamatayan sa ‘pagtulog.’—Mateo 9:24.

BAKIT DAPAT ITONG PAG-ISIPAN?

Kapag namatayan ka ng mahal sa buhay, gusto mong malaman ang sagot sa mga tanong gaya ng: Nasaan kaya sila? Ano kaya ang ginagawa nila? Nagdurusa ba sila? Yamang tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang alam, maaaliw tayong malaman na hindi nagdurusa ang ating namatay na mga mahal sa buhay. Higit sa lahat, nasisiyahan tayo sa pangako ni Jehova na muli niyang bubuhayin ang mga patay na kaluluwa sa hinaharap.—Isaias 26:19.

“Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”Eclesiastes 9:5.