ANG DAAN NG KALIGAYAHAN
Layunin ng Buhay
ANG MGA TAO AY NATATANGI SA MARAMING PARAAN—NAKAPAGSUSULAT, NAKAPAGPIPINTA, NAKAGAGAWA, AT NAKAPAGTATANONG TAYO TUNGKOL SA BUHAY: Bakit mayroong uniberso? Saan tayo nagmula? Ano ang layunin ng buhay? Ano ang mangyayari sa hinaharap?
Umiiwas ang ilan sa mga tanong na iyan, inaakala nilang hindi abót ng kanilang isip ang mga sagot. Sinasabi naman ng iba na hindi na mahalagang magtanong dahil ang mga tao ay resulta lang ng ebolusyon. “Walang mga diyos, walang layunin,” ang sabi ni William Provine, isang propesor ng history at biology. Dagdag pa niya: “Walang sukdulang batayan para sa mga etika, at walang sukdulang kahulugan para sa buhay.”
Pero marami ang hindi naniniwala sa ganiyang pananaw. Nakikita nila na eksaktong-eksakto at napakaganda ng pagkakaayos ng uniberso. Namamangha sila sa disenyo ng kalikasan, ang ilan sa mga ito ay sinusubukang gayahin ng mga tao. At sa araw-araw, napapatunayan nila na ang masalimuot at praktikal na mga disenyong ito ay mula sa isang matalinong disenyador.
Dahil sa pangangatuwirang iyan, sinuri ng ilang ebolusyonista ang kanilang paniniwala. Tingnan ang dalawang halimbawa.
DR. ALEXEI MARNOV, ISANG NEUROSURGEON. “Itinuro sa paaralan namin ang ateismo at ebolusyon,” ang sabi niya. “Itinuturing na walang alam ang sinumang naniniwala sa Diyos.” Pero noong 1990, nagbago ang kaniyang pag-iisip.
“Palagi kong sinisikap na unawain ang lohikal na dahilan ng mga bagay-bagay,” ang sabi niya, “pati na ang utak ng tao. Ang kamangha-manghang organ na ito ay sinasabing pinakamasalimuot na bagay sa buong uniberso. Pero dinisenyo ba ang utak ng tao para lang matuto at mamatay? Hindi makatuwiran ’yan. Kaya naisip ko: ‘Bakit tayo narito? Ano ang layunin ng buhay?’ Dahil dito, nasabi kong mayroong Maylalang.”
Ang paghahanap ni Alexei sa layunin ng buhay ang nag-udyok sa kaniya na suriin ang Bibliya. Nang maglaon, ang misis niya, isang doktora at ateista, ay nag-aral din ng Bibliya para patunayang mali ang mister niya! Pero ngayon, pareho na silang naniniwala sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa mga tao gaya ng ipinaliliwanag sa Kasulatan.
DR. HUABI YIN, ISANG SIYENTIPIKO. Nag-aral si Huabi Yin ng physics, at sa loob ng maraming taon, nag-research siya tungkol sa araw.
“Kapag pinag-aaralan naming mga siyentipiko ang likas na mga pangyayari,” ang sabi ni Huabi, “palagi kaming nakakakita ng magagandang kaayusan, na resulta ng eksaktong mga batas. ‘Paano nagkaroon ng ganitong mga batas?’ ang naisip ko. ‘Kung kahit ang simpleng apoy sa pagluluto ay kailangang kontrolin, sino ang kumokontrol sa araw?’ Nang maglaon, napatunayan ko na ang unang sinabi sa Bibliya ang pinakamakatuwirang sagot: ‘Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.’”—Genesis 1:1.
Talaga namang nasasagot ng siyensiya ang mga tanong na “paano,” gaya ng: Paano gumagana ang utak? At paano naglalabas ng init at liwanag ang araw? Pero nalaman nina Alexei at Huabi na sinasagot ng Bibliya ang mas mahahalagang tanong na “bakit”: Bakit mayroong uniberso? Bakit may mga batas ito? At bakit tayo nabubuhay?
Tungkol sa lupa, sinasabi ng Bibliya: ‘Hindi ito nilalang ng Diyos na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Oo, may layunin ang Diyos para sa lupa, at gaya ng makikita sa susunod na artikulo, ang layuning iyan ay may kaugnayan sa ating pag-asa sa hinaharap.