HINARAP NILA ANG HAMON
Ang Kuwento Nina Ricardo at Andres
Ang edukasyon mula sa Bibliya ay may kahanga-hangang kakayahang magpabago ng tao. Tingnan ang halimbawa nina Ricardo at Andres.
RICARDO: Sa murang edad na 15, sumali ako sa gang. Malaki ang impluwensiya sa akin ng mga bago kong kaibigan. At nakakatawa mang pakinggan, pinangarap ko pang mabilanggo nang 10 taon! Sa lugar kasi namin, hinahangaan at nirerespeto ang mga nabilanggo. At gusto kong maging gaya nila.
Naranasan ko ang buhay ng mga nasa gang—droga, sex, at karahasan. Isang gabi, nasangkot ako sa isang shoot-out. Akala ko mamamatay na ako, pero nakatakas ako at hindi nasaktan. Mula noon, pinag-isipan ko nang mabuti ang buhay ko at kung ano ang gusto ko. Gusto ko nang magbago. Pero paano? Sino ang tutulong sa akin?
Karamihan sa mga kamag-anak ko ay hindi masaya. Problemado sila, maliban sa pamilya ng isang tiyuhin ko. Mabubuti silang tao, at alam kong sinusunod nila ang mga simulain ng Bibliya. Sa katunayan, sa kanila ko natutuhan na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Kaya pagkatapos ng shoot-out, nanalangin agad ako kay Jehova. Tinawag ko siya sa pangalan at humingi ako ng tulong. Gulat na gulat ako dahil kinabukasan, may Saksi ni Jehova na kumatok sa bahay ko! Siya ang nagturo sa akin ng Bibliya.
Pero may naging problema. Madalas akong tawagan ng mga dati kong kaibigan, na gusto akong makasama. Kahit mahirap, tumatanggi ako. Determinado akong ipagpatuloy ang pag-aaral ko ng Bibliya. ’Buti na lang ganoon ang ginawa ko! Ang laki ng ipinagbago ng buhay ko, at ngayon lang ako naging totoong masaya.
Naaalala kong sinabi ko sa panalangin na dati ay gusto kong mabilanggo nang 10 taon para maging respetadong miyembro ng gang. Kaya hiniling ko sa Diyos na hayaan niyang paglingkuran ko siya nang kahit 10 taon lang bilang buong-panahong ministro, para matulungan ko rin ang iba kung paanong tinulungan ako noon. Sinagot ng Diyos ang panalangin ko, dahil 17 taon na ako ngayon bilang buong-panahong ministro! At kahit kailan, hindi ako nabilanggo.
Pero marami sa mga dati kong kaibigan ang nabubulok na sa bilangguan. Ang iba naman ay patay na. Kapag iniisip ko ang mga nangyari sa akin, nagpapasalamat talaga ako sa mga kamag-anak kong Saksi. Handa silang mapaiba para masunod ang Bibliya. Mas iginagalang ko sila kaysa sa mga nakasama ko sa gang. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos dahil itinuro niya sa akin ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.
ANDRES: Ipinanganak ako at lumaki sa isang mahirap na lugar kung saan laganap ang droga, pangingikil, patayan, at prostitusyon. Lasenggo si Tatay at adik sa cocaine. Lagi silang nag-aaway ni Nanay—nagmumurahan at nagsasakitan.
Bata pa lang ako, umiinom na ako at nagda-drugs. Laman ako ng lansangan; nagnanakaw ako at ibinebenta ko ang mga ninakaw ko. Noong lumalaki na ako, sa kagustuhan ni Tatay na mapalapít sa akin, tinuruan niya akong magpuslit sa bansa ng droga at iba pang kontrabando at ibenta ang mga ito. Napakabilis kong kumita ng pera. ’Tapos, minsan, may mga pulis na nagpunta sa bahay namin. Inaresto nila ako, at nasentensiyahan ako ng limang-taóng pagkabilanggo dahil sa tangkang pagpatay.
Isang umaga, narinig ko sa loudspeaker na iniimbitahan ang mga bilanggo sa isang pagtalakay ng Bibliya na idaraos ng mga Saksi ni Jehova. Nagpunta ako. Nagustuhan ko ang mga narinig ko, kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi. Ipinakita nila ang mataas na pamantayan ng Diyos mula sa Bibliya at hindi nila ito pinababaw.
Naisip kong hindi ko kayang magbago kung walang tutulong sa akin, lalo na’t may mga preso na ayaw ang ginagawa ko at pinagbabantaan ako. Kaya nanalangin ako para sa lakas at karunungan, at tinulungan ako ni Jehova. Sa halip na matakot sa mga banta, nagkalakas-loob akong sabihin sa ibang bilanggo ang tungkol sa Bibliya.
Noong palayain na ako, takot na takot ako at gusto ko pang magtagal sa bilangguan! Nang paalis na ako, may mga presong kumakaway sa akin. Sabi pa nga ng ilan, “Paalam, Pastor!”
Nakakatakot isipin ang naging buhay ko kung hindi ko hinayaang turuan ako ng Diyos. Nagpapasalamat ako dahil mahal ako ng Diyos at hindi niya ako sinukuan. a
a Mababasa sa jw.org/tl ang marami pang halimbawa ng mga nagbagong-buhay sa tulong ng Bibliya. Magpunta sa LIBRARY, at hanapin ang serye ng artikulo na ”Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.”