Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ISANG GOBYERNONG SASAGOT SA HAMON

“Ang Kapayapaan ay Hindi Magwawakas”

“Ang Kapayapaan ay Hindi Magwawakas”

Itinataguyod ng United Nations ang konsepto ng pagiging “mamamayan ng mundo.” Tunguhin nitong pagkaisahin ang mga bansa, itaguyod ang karapatang pantao, at protektahan ang ating planeta. Bakit? Sinabi ni Maher Nasser sa UN Chronicle na lahat ng bansa ay apektado ng “pagbabago ng klima, mga sindikato, lumalaking agwat ng mayaman at mahirap, digmaan, paglikas ng maraming tao, terorismo, nakakahawang sakit, at iba pang banta.”

May mga nagsusulong pa nga ng iisang gobyerno na mamamahala sa buong mundo. Kasama rito ang Italyanong philosopher, makata, at politiko na si Dante (1265-1321) at ang physicist na si Albert Einstein (1879-1955). Naniwala si Dante na hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung nababahagi ang mundo pagdating sa politika. Sinipi pa nga niya ang sinabi ni Jesu-Kristo na ang “kaharian na nababahagi ay babagsak.”​—Lucas 11:17.

Noong Digmaang Pandaigdig II, dalawang atomic bomb ang pinasabog. Di-nagtagal pagkatapos nito, nanawagan si Albert Einstein sa General Assembly ng United Nations sa pamamagitan ng liham. Sinabi niya: “Dapat na kumilos agad ang United Nations at gawin ang kinakailangan para maging ligtas ang mundo at magtatag ng iisang gobyernong mamamahala sa mundo.”

Pero makatitiyak ba tayo na ang mga politikong bubuo sa gayong gobyerno ay may sapat na kakayahan at hindi magiging tiwali at mapang-api? O magiging kasinsamâ lang sila ng ibang mga tagapamahala? Pinatutunayan lang ng mga tanong na ito ang sinabi ng Britanong istoryador na si Lord Acton: “Ang kapangyarihan ay may tendensiyang magpasamâ at ang ganap na kapangyarihan ay ganap na nagpapasamâ.”

Para magkaroon ng tunay na kapayapaan at pagkakaisa, kailangang magtulungan ang mga tao. Pero paano mangyayari iyon? Posible ba talaga iyon? Ang sagot ng Bibliya ay oo. Mangyayari iyon. Paano? Hindi sa pamamagitan ng isang gobyernong pinapatakbo ng tiwaling mga politiko, kundi ng isang gobyernong itinatag ng Diyos. Sa pamamagitan ng gobyernong iyon, gagamitin niya ang karapatan niyang mamahala sa kaniyang mga nilalang. Anong gobyerno iyon? Ang sabi ng Bibliya, ang “Kaharian ng Diyos.”​—Lucas 4:43.

“DUMATING NAWA ANG IYONG KAHARIAN”

Kaharian ng Diyos ang nasa isip ni Jesu-Kristo nang ituro niya ang kaniyang modelong panalangin: “Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo . . . sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Oo, titiyakin ng Kaharian ng Diyos na mangyayari sa lupa ang kalooban ng Diyos, hindi ang kagustuhan ng mga taong makasarili o sakim sa kapangyarihan.

Ang Kaharian ng Diyos ay tinatawag ding “Kaharian ng langit.” (Mateo 5:3) Bakit? Dahil mamamahala ito sa lupa mula sa langit. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, ang gobyernong ito ay hindi mangangailangan ng pinansiyal na suporta mula sa mga sakop nito. Ang laking ginhawa niyan!

Gaya ng ipinapakita ng terminong “kaharian,” ang Kaharian ng Diyos ay pinamamahalaan ng isang hari. Ang Hari nito ay si Jesu-Kristo, at galing sa Diyos ang awtoridad niya. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus:

  • “Ang pamamahala ay iaatang sa balikat niya. . . . Ang paglawak ng pamamahala niya at ang kapayapaan ay hindi magwawakas.”​—Isaias 9:6, 7.

  • ‘Binigyan siya ng awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian, para paglingkuran siya ng lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas.’—Daniel 7:14.

  • “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging Kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo.”​—Apocalipsis 11:15.

Magkakatotoo ang modelong panalangin ni Jesus dahil lubusang tutuparin ng kahariang ito ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Sa pamamahala nito, lahat ng tao ay matututong mangalaga sa ating planeta para muli itong luminis at gumanda.

Higit sa lahat, tuturuan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng sakop nito. Iisang pamantayan ang ituturo sa kanila. Hindi magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi. “Hindi sila mananakit o maninira . . . dahil ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat,” ang sabi ng Isaias 11:9.

Sa panahong iyon, ang mga “mamamayan ng mundo” ay magkakaisa at mamumuhay nang payapa—isang bagay na pinapangarap ng United Nations. “Mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan,” ang sabi ng Awit 37:11. Mawawala na sa bokabularyo natin ang mga salitang gaya ng “krimen,” “polusyon,” “kahirapan,” at “digmaan.” Pero kailan iyan mangyayari? Kailan mamamahala sa lupa ang Kaharian ng Diyos? Paano ito mamamahala? At paano ka makikinabang sa pamamahala nito? Tingnan natin.