ANG HAMON
Pag-alam sa Ugat ng Problema
Sa palagay mo, masosolusyunan ba ng tao ang mga problemang nag-aalis ng ating kapayapaan at kapanatagan at nagiging banta sa ating kinabukasan? Para magawa ito, dapat malunasan ang pinakaugat ng problema.
Halimbawa, nagkasakit ang pasyenteng si Tom at pagkatapos ay namatay. Bakit siya namatay? “Nang lumabas ang mga sintomas ni Tom, walang nakaisip na alamin ang sanhi nito,” ang sabi ng doktor sa ospital na pinagdalhan kay Tom bago siya namatay. Lumilitaw na binigyan lang si Tom ng gamot ng nauna niyang mga doktor para gumaan ang pakiramdam niya.
Hindi kaya ganiyan din ang ginagawa ng mga tao ngayon sa problema ng mundo? Halimbawa, para mabawasan ang krimen, nagpapatupad ang mga gobyerno ng mga batas, naglalagay ng mga CCTV camera, at pinapalakas nila ang kapulisan. Nakakatulong naman ang mga ito, pero hindi nasosolusyunan ang pinakaugat ng problema, dahil ang totoo, ang paggawi ng tao ay resulta ng kaniyang saloobin, paniniwala, at pagnanasa.
Ganito ang sabi ni Daniel, na nakatira sa isang mahirap na bansa sa South America: “Dati, normal ang buhay namin. Hindi kami takót na magkaroon ng nakawan. Pero ngayon, wala nang tahimik na bayan at lugar sa amin. Dahil bagsak ang ekonomiya, lumabas ang tunay na kulay ng tao—sakim at walang respeto sa buhay at pag-aari ng iba.”
Dahil sa digmaan, isang lalaking tatawagin nating Elias ang lumikas mula sa Middle East at di-nagtagal ay nakipag-aral ng Bibliya. Sinabi niya: “Maraming kabataang lalaki sa amin ang sinasabihan ng kanilang mga kapamilya at mga lider sa relihiyon at politika na sumali sa digmaan para ituring na bayani. Pero iyan din ang sinasabi sa mga kabataan sa kabilang panig! Kaya nakita kong mahirap magtiwala sa mga namumuno.”
Tama ang sinasabi ng isang sinaunang aklat ng karunungan:
-
“Masama ang laman ng puso ng tao mula sa kaniyang pagkabata.”—Genesis 8:21.
-
“Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado. Sino ang makauunawa rito?”—Jeremias 17:9.
-
“Nanggagaling sa puso ang masasamang kaisipan: pagpatay, . . . seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, di-totoong testimonya.”—Mateo 15:19.
Hindi kayang lunasan ng tao ang masasamang ugali na nakasasakit sa iba. Sa katunayan, lumalala pa nga ang mga ugaling ito, gaya ng nabanggit sa naunang artikulo. (2 Timoteo 3:1-5) At iyan ay kahit maraming impormasyong makukuha ngayon, bukod pa sa makabagong paraan ng komunikasyon! Kaya bakit hindi natin magawang ligtas at payapa ang mundong ito? Talaga bang hindi natin kaya? Imposible ba talagang mangyari ito?
IMPOSIBLE BA ITONG MAGAWA NG TAO?
Kahit kaya nating alisin ang masasamang ugali ng tao, hindi pa rin natin magagawang ligtas at panatag ang buong mundo. Bakit? Dahil sa limitasyon ng tao.
Ang totoo, hindi para sa tao ang “ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Hindi tayo nilikha para pamahalaan ang ating sarili. Kung paanong hindi tayo nilikha para mabuhay sa ilalim ng dagat o sa kalawakan, hindi rin naman tayo nilikha para pamahalaan ang ating kapuwa tao!
Pag-isipan ito: Gusto ba ng mga tao na sinasabihan sila ng iba kung paano dapat mabuhay at kung anong pamantayan ang dapat sundin? Gusto ba nilang diktahan sila kung ano ang dapat nilang maging pananaw sa aborsiyon o parusang kamatayan o kung paano sila magdidisiplina ng mga anak? Ilan lang ito sa mga isyung pinagtatalunan ng mga tao. Mahirap mang tanggapin, pero totoo ang sinasabi ng Bibliya. Wala talaga tayong kakayahan o awtoridad na pamahalaan ang ating kapuwa tao. Kung gayon, kanino tayo makakahingi ng tulong?
Siyempre, walang iba kundi sa ating Maylalang. Siya kasi ang gumawa sa atin! Kabaligtaran sa iniisip ng ilan, hindi niya tayo nakalimutan. Ang pagmamalasakit niya ay damang-dama natin sa karunungang makikita sa Bibliya. Kapag naunawaan natin ang aklat na ito, mas mauunawaan din natin ang ating sarili. At maiintindihan natin kung bakit napakasaklap ng naging kasaysayan ng tao. Gaya nga ng isinulat ng isang German philosopher, “ang mga tao at mga pamahalaan ay hindi na natuto mula sa kasaysayan,” o kumilos ayon sa mga aral na mapupulot mula rito.
PINOPROTEKTAHAN TAYO NG KARUNUNGAN MULA SA BIBLIYA
Sinabi ng isang matalinong tao na “ang karunungan ay makikita sa bunga,” o mga resulta, nito. (Lucas 7:35) Isang halimbawa ng karunungang ito ay nasa Isaias 2:22, na nagsasabi: “Para sa sarili ninyong kapakanan, huwag na kayong magtiwala sa hamak na tao.” Ibig sabihin, hindi tayo dapat magtiwala sa di-maaasahang pangako ng mga tao. Ganito ang sabi ni Kenneth, na nakatira sa isang siyudad sa North America na punô ng karahasan: “Lahat ng politiko ay nangangakong bubuti ang mga bagay-bagay, pero hindi nila iyon nagagawa. Pinatutunayan lang nito na totoo ang sinasabi ng Bibliya.”
Isinulat ni Daniel, na nabanggit kanina: “Araw-araw, lalo akong nakukumbinsi na hindi talaga kayang mamahala ng tao. . . . Kahit na may pera ka sa bangko o pensiyon, hindi pa rin siguradong magiging maganda ang pagreretiro mo. Marami akong kilalang nadismaya rito.”
Tinutulungan tayo ng Bibliya na huwag magtiwala sa di-maaasahang pangako. Nagbibigay rin ito ng pag-asa, gaya ng makikita natin sa sumusunod na artikulo.