MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Spain
ANG Spain ay isang lupain na may pagkakasari-sari, sa tanawin man o sa mamamayan nito. Ang kalakhang bahagi nito ay taniman ng mga trigo, puno ng ubas, at punong olibo. Sa gawing timog nito, mga 14 na kilometro lang ng katubigan ang naghihiwalay sa Spain at sa kontinente ng Aprika.
Marami mula sa Fenicia, Gresya, at Cartago ang nandayuhan sa bansang ito na nasa timog-kanlurang bahagi ng Europa. Nang masakop ito ng mga Romano noong ikatlong siglo B.C.E., tinawag nila itong Hispania. Nang maglaon, nanirahan dito ang mga Visigoth at Moro, anupat iniwan ang kanilang minanang kultura.
Noong 2015, mahigit 68 milyon ang bumisita sa Spain. Dinarayo nila ito dahil sa magandang sikat ng
araw at baybayin, pati na ang sining, kasaysayan, at arkitektura ng bansa. Nagugustuhan din ng maraming bisita ang mga pagkain dito. Karaniwang pagkain dito ang lamandagat, hamon, malapot na nilaga, salad, at gulay na niluto o nilagyan ng olive oil. Kilala rin sa buong daigdig ang kanilang omelet, paella, at tapas.Palakaibigan at mababait ang mga taga-Spain. Mas marami ang nagsasabing Romano Katoliko sila kaysa sa mga talagang nagsisimba. Nitong nakaraang mga taon, maraming taga-Aprika, Asia, at Latin Amerika ang lumipat sa Spain. Gustong-gusto nilang pag-usapan ang tungkol sa kanilang relihiyon at kaugalian. Naging maganda ang resulta ng pakikipag-usap ng mga Saksi ni Jehova sa kanila at natulungan sila ng mga Saksi na malaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya sa maraming paksa.
Noong 2015, mahigit 10,500 Saksi ang nagboluntaryong magtayo o mag-renovate ng 70 Kingdom Hall, ang tawag sa kanilang dako ng pagsamba. Naglaan ang munisipyo ng lupa para sa ilang proyektong ito. Para tulungan ang mga dayuhan, nagsaayos ang mga Saksi ni Jehova ng mga pulong sa mahigit 30 wika, bukod pa sa wikang Spanish. Noong 2016, mahigit 186,000 ang dumalo sa espesyal na okasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo.