Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang disiplina ay pumapatnubay sa bata gaya ng timon na umuugit sa bangka

PARA SA MGA MAGULANG

6: Disiplina

6: Disiplina

ANG IBIG SABIHIN NITO

Ang salitang disiplina ay maaaring tumukoy sa pagpatnubay o pagtuturo. Kung minsan, kasama rito ang pagtutuwid sa isang bata. Pero kadalasan, tumutukoy ito sa paglalaan ng pagsasanay na tutulong sa isang bata na makagawa ng mabubuting pasiya.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Nitong nakaraang mga dekada, halos naglaho na ang disiplina sa mga pamilya. Natatakot kasi ang mga magulang na baka bumaba ang tingin sa sarili ng mga bata kapag itinutuwid sila. Pero ang matatalinong magulang ay nagtatakda ng makatuwirang mga patakaran at sinasanay ang kanilang mga anak na sundin ang mga ito.

“Kailangang malaman ng mga bata ang kanilang limitasyon para lumaki silang responsable. Kung walang disiplina, ang mga bata ay parang barkong walang timon—na puwedeng lumihis o tumaob.”​—Pamela.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Maging matatag. Kapag lumabag sa patakaran ang iyong anak, maglapat ng kaparusahan. Pero agad siyang papurihan kapag sinusunod niya ang mga ito.

“Madalas kong bigyan ng komendasyon ang mga anak ko dahil masunurin sila; bihira na ang masunurin sa mundong ito. Kaya naman, mas madali sa kanila na tumanggap ng pagtutuwid kapag kailangan nila iyon.”​—Christine.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”​—Galacia 6:7.

Maging makatuwiran. Ibagay ang parusa sa edad at kakayahan ng bata. Mas epektibo ang parusa kapag may kinalaman ito sa nagawang pagkakamali—halimbawa, dahil sa hindi tamang paggamit ng cellphone, baka pagbawalan muna siya na gumamit nito. Kasabay nito, huwag ding gawing isyu ang maliliit na bagay.

“Inaalam ko kung sinadyang sumuway ng anak ko o baka nagkamali lang siya. May pagkakaiba ang pagkakaroon ng masamang ugali na kailangang bunutin at ang pagkakamali na kailangan lang itawag-pansin.”​—Wendell.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak para hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21.

Maging maibigin. Mas madali para sa mga bata na tumanggap ng disiplina kapag alam nila na mahal sila ng kanilang magulang.

“Kapag nagkakamali ang anak namin, tinitiyak namin sa kaniya na proud kami sa magagandang desisyon niya noon. Ipinapaliwanag namin na hindi masisira ang reputasyon niya basta itutuwid niya ang kaniyang pagkakamali, at nandito kami para tulungan siya.”​—Daniel.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.”​—1 Corinto 13:4.