Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikipag-usap ang tulay na mag-uugnay sa inyo at sa inyong mga anak

PARA SA MGA MAGULANG

5: Pakikipag-usap

5: Pakikipag-usap

ANG IBIG SABIHIN NITO

Nagiging makabuluhan ang pag-uusap kapag kayo at ang mga anak ninyo ay malayang nagpapalitan ng inyong iniisip at nadarama.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Mas mahirap ang pakikipag-usap sa mga anak na tin-edyer. Noon, “para bang may backstage pass ka sa buhay ng mga anak mo,” ang sabi ng aklat na Breaking the Code. Pero ngayon, isa ka na lang sa audience at baka hindi pa nga maganda ang view mula sa puwesto mo. Sa kabila nito, mas kailangan ng mga anak mo ng makakausap sa ganitong mga panahon.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Makibagay sa iyong anak. Maging handang makipag-usap kapag gusto nila—kahit dis-oras pa ng gabi.

“Baka masabi mo, ‘Ngayon mo pa gustong makipag-usap? Maghapon tayong magkasama!’ Pero bakit tayo magrereklamo kung gusto tayong kausapin ng mga anak natin? Hindi ba’t iyan nga ang gusto ng bawat magulang?”—Lisa.

“Masarap matulog nang maaga, pero ang ilan sa pinakamagagandang pag-uusap namin ng mga tin-edyer ko ay nangyari nang pasado hatinggabi.”​—Herbert.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”​—1 Corinto 10:24.

Magpokus. Ganito ang inamin ng isang ama: “Kung minsan, kung ano-ano ang tumatakbo sa isip ko habang kinakausap ako ng mga bata. Pero hindi ko iyon maitatago dahil nahahalata nila!”

Kung nangyayari iyan sa iyo, patayin ang TV at lahat ng gadyet. Magpokus sa sinasabi ng anak mo at seryosohin iyon, kahit sa tingin mo ay maliit na bagay lang iyon.

“Kailangan nating ipadama sa mga anak natin na mahalaga ang damdamin nila. Kung hindi, sasarilinin na lang nila iyon o sa iba sila hihingi ng tulong.”​—Maranda.

“Huwag mag-overreact, kahit medyo lihis ang paraan ng pag-iisip ng anak mo.”​—Anthony.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.”​—Lucas 8:18.

Samantalahin ang iba’t ibang pagkakataon. Kung minsan, mas madali sa mga anak na magsabi ng kanilang niloloob kapag hindi sila nakaupong kaharap ng mga magulang nila.

“Ginagamit namin ang panahon habang nagbibiyahe. Mas maganda ang pag-uusap namin kapag nakaupo kaming magkakatabi sa halip na magkakaharap.”​—Nicole.

Magandang pagkakataon din ang oras ng pagkain para makapag-usap.

“Sa hapag-kainan, ikinukuwento ng bawat isa sa amin ang pinakamaganda at pinakapangit na nangyari sa araw na iyon. Dahil dito, tumitibay ang buklod namin bilang pamilya at alam naming magkakasama kami sa pagharap sa mga problema.”​—Robin.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Maging mabilis sa pakikinig [at] mabagal sa pagsasalita.”​—Santiago 1:19.