PARA SA MGA MAGULANG
7: Pamantayan
ANG IBIG SABIHIN NITO
Ang pamantayan ay mga prinsipyong sinusunod mo sa buhay. Halimbawa, sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng bagay? Kung gayon, malamang na gusto mo ring ituro iyan sa iyong mga anak.
Kasama sa pamantayan ang mabuting pag-uugali. Halimbawa, ang taong may mabuting pag-uugali ay masipag, patas makitungo, at makonsiderasyon sa iba—mga katangiang pinakamagandang linangin mula sa pagkabata.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—Kawikaan 22:6.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Dahil sa makabagong teknolohiya, kailangan ang mga pamantayang moral. “Dahil sa mga gadyet, napakadaling malantad sa masasamang impluwensiya anumang oras,” ang sabi ng ina na si Karyn. “Baka katabi nga namin ang aming mga anak pero may pinapanood pala silang malaswa!”
SIMULAIN SA BIBLIYA: ‘Sinasanay ng mga maygulang ang kakayahan nilang umunawa para makilala ang tama at mali.’—Hebreo 5:14.
Mahalaga rin ang mabuting pag-uugali. Kasama rito ang simpleng mga bagay (gaya ng pagsasabi ng “pakisuyo” at “salamat”) at pagmamalasakit sa iba—na bihira na ngayon dahil parang mas interesado ang mga tao sa kanilang mga gadyet kaysa sa ibang tao.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Ipaalám sa kanila ang iyong mga pamantayang moral. Ipinakikita ng mga pag-aaral na mas iiwasan ng mga kabataan ang premarital sex kung itinuro sa kanila na mali iyon.
TIP: Gamitin ang isang pangyayari para pag-usapan ang tungkol sa mga pamantayan. Halimbawa, kung may napabalitang hate crime, puwede mong sabihin: “Grabe nang manakit ang mga tao sa kapuwa nila. Sa palagay mo, bakit kaya sila nagkagano’n?”
“Mas mahihirapan ang mga bata na piliin ang tama sa mali kung hindi nila alam kung ano ang tama at mali.”—Brandon.
Turuan sila ng mabuting pag-uugali. Kahit maliliit na bata ay puwedeng turuang magsabi ng “pakisuyo” at “salamat po” at maging magalang sa iba. “Kapag nakikita ng mga bata na bahagi sila ng mas malaking yunit—pamilya, paaralan, komunidad—mas handa silang gumawa ng mga bagay na makabubuti sa iba, hindi lang sa kanilang sarili,” ang sabi ng aklat na Parenting Without Borders.
TIP: Bigyan ang mga bata ng gawain sa bahay para makita nila ang kahalagahan ng pagtulong sa iba.
“Kung sanáy ang mga bata sa mga gawaing-bahay, hindi sila maninibago kapag bumukod na sila dahil marunong na silang bumalikat ng mga responsibilidad.”—Tara.