Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga tunguhin ay parang mga blueprint; kung magsisikap ka, magkakatotoo ang mga ito

PARA SA MGA KABATAAN

12: Tunguhin

12: Tunguhin

ANG IBIG SABIHIN NITO

Ang tunguhin ay hindi lang basta pangarap—isang bagay na gusto mong mangyari. Kasama rito ang pagpaplano, pag-a-adjust, at pagsusumikap.

Ang mga tunguhin ay puwedeng short-range (tumatagal nang ilang araw o linggo para maabot), medium-range (mga buwan), at long-range (isang taon o higit pa). Ang mga long-range na tunguhin ay puwedeng maabot sa pamamagitan ng short-range at medium-range na mga tunguhin.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Ang pag-abot sa mga tunguhin ay makadaragdag sa iyong kumpiyansa sa sarili, magpapatibay ng pagkakaibigan, at magdudulot sa iyo ng kaligayahan.

Kumpiyansa sa sarili: Kapag nagtatakda ka ng maliliit na tunguhin at naaabot mo ang mga iyon, lalakas ang loob mo na magtakda pa ng mas malalaking tunguhin. Lalakas din ang loob mo na harapin ang mga problema sa araw-araw—gaya ng peer pressure.

Pagkakaibigan: Gusto ng mga tao na makasama ang mga taong mayroon ding tunguhin—mga taong alam kung ano ang gusto nila at nagsisikap na abutin iyon. Ang isa sa pinakamagandang paraan para mapatibay ang pagkakaibigan ay ang pagtutulungan para maabot ang iisang tunguhin.

Kaligayahan: Kapag nagtatakda ka ng mga tunguhin at naaabot mo ang mga iyon, magiging masaya ka.

“Masarap magkaroon ng tunguhin. Nagiging abala ako dahil may kailangan akong maabot. At kapag naabot ko na iyon, masasabi ko, ‘Sa wakas! Nagawa ko rin.’”—Christopher.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani.”​—Mangangaral (o, Eclesiastes) 11:4, Magandang Balita Biblia.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Para maabot ang iyong mga tunguhin, gawin ang mga sumusunod.

Alamin. Ilista ang mga tunguhin mo ayon sa priyoridad—una, ikalawa, ikatlo, at iba pa.

Magplano. Sa bawat tunguhin, gawin ang sumusunod:

  • Magtakda ng makatuwirang deadline.

  • Planuhin ang mga hakbang na kailangang gawin.

  • Pag-isipan ang posibleng mga hadlang at kung paano mapagtatagumpayan ang mga ito.

Kumilos. Huwag isiping kailangang kumpleto ang lahat ng detalye bago ka kumilos. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang unang puwede kong gawin para maabot ang tunguhin ko?’ Saka gawin iyon. Bantayan ang pagsulong mo habang natatapos mo ang bawat hakbang.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.”​—Kawikaan 21:5.