Ano ang Epekto ng Teknolohiya sa Inyong Mag-asawa?
Kapag nagamit nang tama ang teknolohiya, mapapatibay nito ang pagsasama ng mag-asawa. Halimbawa, makakatulong ito para makapag-usap pa rin sila sa maghapon.
Pero may ilang mag-asawa na hindi nagagamit nang tama ang teknolohiya. Kaya . . .
-
nauubos nito ang panahon na para sana sa isa’t isa.
-
nagtatrabaho pa rin sila kahit hindi na oras ng trabaho.
-
nagiging dahilan ito ng pagdududa at pagtataksil.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
PANAHONG MAGKASAMA
Sinabi ni Michael: “Minsan, kahit magkasama kami ng asawa ko, parang hindi pa rin kami magkasama. Busy kasi siya sa cellphone niya, ’tapos sasabihin niya, ‘Ngayon ko pa lang nahawakan ang cellphone ko.’” Sinabi naman ni Jonathan na sa ganitong sitwasyon, “magkasama nga ang mag-asawa, pero parang hindi naman.”
PAG-ISIPAN: Gaano kadalas naaagaw ng mga tawag, text, o notification ang panahong para sana sa asawa mo?—EFESO 5:33.
TRABAHO
May mga tao na kailangang laging makontak dahil sa klase ng trabaho nila. May iba naman na kahit hindi ganiyan ang trabaho, nahihirapan pa rin silang iwan ang trabaho kahit nasa bahay na sila. Inamin ng mister na si Lee, “Kahit sa mga panahong inilaan ko na para sa asawa ko, natutukso akong mag-check ng tawag o text tungkol sa trabaho.” Sinabi naman ni Joy: “Sa bahay ako nagtatrabaho, kaya minsan, ang hirap huminto kahit tapos na ang oras ng trabaho. Kaya kailangan talaga ang pagsisikap para maging balanse.”
PAG-ISIPAN: Nakikinig ka bang mabuti kapag kinakausap ka ng asawa mo?—LUCAS 8:18.
KATAPATAN
Ayon sa isang survey, maraming mag-asawa ang nag-aaway dahil pinagsususpetsahan nila ang asawa nila sa mga ginagawa nito sa social media. Sa survey na ito, 10% ang umaming itinatago nila sa asawa nila ang ilang post nila.
Marami ang naniniwala na ang social media ay punô ng patibong na makakasira sa pagsasama ng mag-asawa at na dahil dito, nagiging madali ang pagtataksil sa asawa. Hindi nakakapagtakang sinabi ng ilang abogado na social media ang dahilan ng maraming diborsiyo.
PAG-ISIPAN: Itinatago mo ba sa asawa mo ang pakikipag-usap mo sa di-kasekso?—KAWIKAAN 4:23.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
MAGTAKDA NG MGA PRIYORIDAD
Ang isang taong hindi regular na kumakain ay magkakaroon ng problema sa kalusugan. Ang isang tao rin na hindi regular na nagbibigay ng panahon sa asawa niya ay magkakaproblema sa pagsasama nila.—Efeso 5:28, 29.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—FILIPOS 1:10, TALABABA.
Lagyan ng check ang mga mungkahi na gusto mong subukan, o isulat ang iba pang naiisip mo para hindi makaapekto ang teknolohiya sa pagsasama ninyo.
-
Kumaing magkasama kahit isang beses sa isang araw
-
Mag-set ng panahon na hindi kayo gagamit ng gadyet
-
Mag-iskedyul ng araw para mag-date
-
Patayin at ilayo ang gadyet bago matulog
-
Maglaan ng 15 minuto araw-araw para makausap ang isa’t isa nang walang gadyet
-
Mag-set ng oras na hindi kayo gagamit ng Internet