Ang Matututuhan Natin sa mga Nilalang na May Buhay
Ang mga nilalang na may buhay ay lumalaki, gumagalaw, at nagpaparami. Dahil sa kanila, ang ganda-ganda ng planeta natin. Sa ngayon, mas marami na tayong alam tungkol sa kanila. Ano ang itinuturo nila sa atin tungkol sa pinagmulan ng buhay?
May nagdisenyo ng buhay. Ang mga nilalang na may buhay ay binubuo ng mga selula. Ang mga selula ay parang maliliit na factory na napakaraming ginagawa para masuportahan ang buhay ng isang organismo at makapagparami. Ganiyan din kahit sa mga pinakasimpleng nilalang na may buhay. Halimbawa, ang yeast na ginagamit sa paggawa ng tinapay ay organismong may iisang selula. Kumpara sa selula ng tao, parang simple lang ang selula ng yeast. Pero ang totoo, napakakomplikado nito. Sa mga selula ng yeast, makikita ang napakaorganisadong nucleus kung saan naroon ang DNA. Mayroon din itong pagkaliliit na “makina” na gumagawa ng pagkain para mabuhay ang mga selula. Kapag naubusan na ng pagkain ang yeast, bumabagal ang selula at nagiging inactive, kaya puwede itong maitabi sa kusina. Pagkatapos, nagiging active ulit ito kapag gagamitin na sa paggawa ng tinapay.
Matagal nang pinag-aaralan ng mga scientist ang selula ng yeast para mas maintindihan ang selula ng tao. Pero napakarami pa nilang kailangang maintindihan. “Kulang ang mga biologist sa mundo na mag-e-experiment para maintindihan kung paano gumagana kahit man lang ang selula ng yeast,” ang inamin ni Ross King, isang propesor ng machine intelligence sa Chalmers University of Technology sa Sweden.
Ano sa palagay mo? May nagdisenyo ba ng napakakomplikadong selula ng yeast? O basta na lang ito sumulpot?
Ang buhay ay hindi basta nagkataon lang. Ang DNA ay binubuo ng mga molecule na tinatawag na nucleotide. Ang bawat selula ng tao ay may 3.2 bilyong nucleotide. Ang mga ito ay kombinasyon ng mga kemikal na may eksaktong pattern na nagsasabi sa mga selula kung paano bubuo ng mga enzyme at protein.
Ang tsansang nagkataon lang na nakagawa ng tamang pattern ang kahit isang simpleng hibla ng nucleotide ay sinasabing 1 sa 10150 (1 na sinusundan ng 150 zero). Kaya imposible talagang nagkataon lang ito.
Ang totoo, kahit kailan, hindi napatunayan ng mga scientist na puwedeng magkaroon ng buhay mula sa isang bagay na walang buhay.
Espesyal ang tao. Talagang nae-enjoy natin ang buhay kasi may mga katangian at kakayahan tayo na wala ang ibang mga nilalang. Kaya nating mag-imbento o gumawa ng mga bagay, makipagsamahan sa iba, at may damdamin tayo. Nag-e-enjoy din tayo dahil mayroon tayong panlasa, pang-amoy, pandinig, at paningin. Kaya rin nating magplano para sa kinabukasan at alamin ang kahulugan ng buhay.
Ano sa palagay mo? Ang mga katangian at kakayahan bang ito ay resulta ng ebolusyon dahil kailangan natin ang mga ito para mabuhay at makapagparami tayo? O regalo ang mga ito ng isang mapagmahal na Maylalang?