Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Matututuhan Natin sa Uniberso

Ang Matututuhan Natin sa Uniberso

Hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin ang mga astronomo sa uniberso. Patuloy rin silang gumagawa ng mga equipment para mas mapag-aralan pa ito. Ano ang natuklasan nila?

Organisado ang uniberso. “Ang mga galaxy ay hindi basta nakakalat sa kalangitan kundi nakaayos ito na parang sapot ng gagamba,” ang sabi sa isang artikulo ng magasing Astronomy. Paano nangyari iyon? Naniniwala ang mga scientist na dahil iyon sa di-nakikitang materyal na tinatawag na dark matter. Ang dark matter na ito ay parang ‘di-nakikitang scaffolding na nagpapanatili ng mga galaxy, galaxy cluster, at galaxy supercluster sa puwesto ng mga ito.’

Bakit napakaorganisado ng uniberso? Basta na lang ba ito sumulpot? Pansinin ang sinabi ni Allan Sandage. Nakilala siya bilang “isa sa pinakamahuhusay at maimpluwensiyang astronomo noong ika-20 siglo,” at naniniwala siya sa Diyos.

“Sa palagay ko,” ang sabi niya, “talagang imposible na ang gayong kaayusan [sa uniberso] ay nagkataon lang. Tiyak na may pinagmulan ang kaayusang ito.”

Kayang suportahan ng uniberso ang buhay. Pag-isipan ang tinatawag ng mga scientist na weak force. Napapanatili ng puwersang ito ang araw sa tamang init nito. Kung mas mahina ang puwersang ito, hindi mabubuo ang araw. Kung mas malakas naman, matagal nang naglaho ang araw.

Ang weak force ay isa lang sa maraming puwersa sa uniberso na kailangan para masuportahan ang buhay. Sinabi ng manunulat na si Anil Ananthaswamy na kung naiba ang kahit isa sa mga puwersang ito, “hindi mabubuo ang mga bituin, planeta, at galaxy. Walang mabubuhay.”

May lugar sa uniberso na tamang-tama para tirhan ng mga tao. Tamang-tama ang atmospera ng lupa, eksakto ang dami ng tubig dito, at mayroon itong buwan na perpekto ang sukat kaya nananatili ang lupa sa puwesto nito. “Sa pag-aaral sa geology, ecology, at biology,” ang sabi ng National Geographic, “nakita na ang mundong ito lang ang makakasuporta sa buhay ng tao.” a

Ayon sa isang manunulat, ang solar system ay “malayo sa iba pang mga bituin” sa ating galaxy. At iyan ang dahilan kung bakit posible ang buhay sa lupa. Kung ang lupa ay mas malapit sa ibang bituin, walang mabubuhay dahil sa radiation. Pero tayo ay nasa tinatawag ng ilang scientist na “galactic habitable zone.”

Base sa mga natuklasan ng siyensiya tungkol sa uniberso, sinabi ng physicist na si Paul Davies: “Ang hirap paniwalaan na ang pag-iral natin sa unibersong ito ay basta nagkataon lang o dahil lang sa isang aksidente. . . . Siguradong may layunin kung kaya tayo nandito.” Hindi itinuturo ni Davies na nilalang ng Diyos ang uniberso at ang mga tao, pero ano sa tingin mo? Lumilitaw na kaya ng uniberso at ng lupa na suportahan ang buhay. Hindi kaya ipinapahiwatig nito na talagang may nagdisenyo ng mga ito?

a Hindi gustong ipahiwatig ng artikulo ng National Geographic na nilalang ng Diyos ang lupa at ang mga tao. Pero sinasabi nito na tamang-tama ang lupa para tirhan ng mga tao.