Alin ang Papaniwalaan Mo?
“Ang uniberso ay nagmula sa wala at basta na lang lumitaw.”—Stephen Hawking at Leonard Mlodinow, mga physicist, 2010.
“Nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Ang Bibliya, Genesis 1:1.
Ang uniberso ba at ang buhay dito ay nilalang ng Diyos o basta na lang lumitaw? Makikita natin sa sinabi ng dalawang physicist at ng unang teksto sa Bibliya ang dalawang magkaibang sagot sa tanong na iyan. May mga sumusuporta sa dalawang physicist at may mga pumapanig sa Bibliya. Pero marami rin ang hindi sigurado. Pinagdedebatihan ang paksang ito sa kilaláng mga aklat at sa media.
Baka itinuro sa iyo ng mga teacher mo na ang uniberso at ang buhay dito ay basta na lang lumitaw at na walang Maylalang. Pero may ipinakita ba silang ebidensiya na wala ngang Maylalang? O baka itinuro naman sa iyo ng mga lider ng relihiyon na mayroong Maylalang. Pero may mga patunay ba sila na ipinakita sa iyo? O basta na lang nila sinabing kailangan mo lang “manampalataya”?
Malamang na napag-isipan mo na rin ang tanong na iyan, at baka pakiramdam mo, wala talagang makakapagpatunay na mayroong Maylalang. At baka naitanong mo rin: Mahalaga pa bang malaman ko ang sagot?
Sa isyung ito ng Gumising!, makikita mo ang mga ebidensiya na nakakumbinsi sa marami na maniwalang mayroong Maylalang. Pagkatapos, tatalakayin nito kung bakit mahalagang malaman mo kung saan nagmula ang buhay.