Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?

PINAGDEDEBATIHAN pa rin ang gay marriage sa maraming bansa. Pero noong 2015 sa United States, ginawang legal ng Supreme Court ang gay marriage sa buong bansa. Mula noon, dumami ang nag-search sa Internet tungkol sa paksang ito. Isa sa pinakamadalas itanong ay, “Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa gay marriage?”

Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa legal na mga karapatan ng mga magkaseksong nagpapakasal. Kaya ang mas mahalagang tanong ay, Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad?

Marami ang nag-aakala na alam nila ang sagot kahit hindi nila sinusuri ang sinasabi ng Bibliya—pero iba-iba naman ang sinasabi nila! May nagsasabing hinahatulan ng Bibliya ang mga homoseksuwal. Sinasabi naman ng iba na dahil iniutos ng Bibliya na ‘ibigin mo ang iyong kapuwa,’ suportado nito ang anumang uri ng pamumuhay at seksuwalidad.—Roma 13:9.

ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA?

Para sa iyo, alin sa mga ito ang tama?

  1. Hinahatulan ng Bibliya ang mga gawaing homoseksuwal.

  2. Kinukunsinti ng Bibliya ang mga gawaing homoseksuwal.

  3. Sinusuportahan ng Bibliya ang homophobia (pagkapoot o diskriminasyon sa mga homoseksuwal).

SAGOT:

  1. TAMA. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki [ay hindi] magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Totoo rin ito sa mga babae.—Roma 1:26.

  2. MALI. Itinuturo ng Bibliya na ang sex ay para lang sa isang lalaki at isang babae na kasal sa isa’t isa.—Genesis 1:27, 28; Kawikaan 5:18, 19.

  3. MALI. Hinahatulan ng Bibliya ang mga gawaing homoseksuwal, pero hindi ito humihikayat ng diskriminasyon, paggawa ng krimen, o iba pang uri ng masamang pagtrato sa mga homoseksuwal.—Roma 12:18. [1]

Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang pamantayang moral ng Bibliya ang pinakamagandang gabay sa pamumuhay, at iyan ang sinusunod nila. (Isaias 48:17) [2] Kaya naman itinatakwil nila ang lahat ng maling paggawi sa sekso, pati na ang homoseksuwalidad. (1 Corinto 6:18) [3] Iyan ang paraan ng pamumuhay na pinili ng mga Saksi, at karapatan nila iyon.

Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang Gintong Aral sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraang gusto nilang pakitunguhan sila

Kasabay nito, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na “itaguyod . . . ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Hebreo 12:14) Bagaman itinatakwil nila ang mga gawaing homoseksuwal, hindi iginigiit ng mga Saksi ni Jehova sa iba ang paniniwala nila. Hindi rin sila sumasali sa mga krimen laban sa mga homoseksuwal ni natutuwa man kapag nabalitaan nila ang mga iyon. Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang Gintong Aral sa pamamagitan ng pakikitungo sa iba sa paraang gusto nilang pakitunguhan sila.—Mateo 7:12.

Sinusuportahan Ba ng Bibliya ang Diskriminasyon?

May mga nagsasabi na sinusuportahan ng Bibliya ang diskriminasyon sa mga homoseksuwal at na panatiko ang mga sumusunod sa pamantayan nito. ‘Makitid pa ang isip ng mga tao nang isulat ang Bibliya,’ ang sabi nila. ‘Tanggap na natin ngayon ang lahat, anuman ang lahi nila, nasyonalidad, at piniling seksuwalidad.’ Para sa kanila, ang hindi pagtanggap sa homoseksuwalidad ay walang ipinagkaiba sa hindi pagtanggap sa mga tao na iba ang kulay ng balat. Makatuwiran ba ang paghahambing na iyan? Hindi. Bakit?

Dahil may pagkakaiba ang hindi pagtanggap sa homoseksuwal na mga gawain at ang hindi pagtanggap sa mga taong homoseksuwal. Inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na igalang ang lahat ng uri ng tao. (1 Pedro 2:17) [4] Pero hindi ibig sabihin nito na tatanggapin na ng mga Kristiyano ang lahat ng uri ng gawain.

Pag-isipan ito: Ipagpalagay na para sa iyo, masama sa kalusugan ang paninigarilyo, at ayaw na ayaw mo ito. Paano kung may katrabaho kang ganito ang bisyo? Masasabi bang makitid ang isip mo dahil iba ang pananaw mo sa pananaw niya? Dahil ba sa naninigarilyo siya at ikaw ay hindi, aayawan mo na ang taong iyon? Kung ikaw naman ang pipilitin ng katrabaho mo na magbago ng pananaw sa paninigarilyo, hindi ba lalabas na siya ang makitid ang isip?

Pinili ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang pamantayang moral na nasa Bibliya. Hindi sila sang-ayon sa mga gawain na ipinagbabawal ng Bibliya. Pero hindi nila hinahamak o tinatrato nang masama ang mga tao na naiiba ang paraan ng pamumuhay sa kanila.

Malupit Ba ang Pananaw ng Bibliya?

Paano naman ang mga taong may homoseksuwal na tendensiya? Isinilang na ba silang ganoon? Kung oo, kalupitan bang sabihin na maling magpadala sa kanilang mga pagnanasa?

Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa biyolohikal na pinagmulan ng homoseksuwalidad, bagaman kinikilala nito na may mga ugali ng tao na malalim ang pagkakaugat. Pero sinasabi ng Bibliya na ang ilang paggawi—kasama na ang mga gawaing homoseksuwal—ay dapat iwasan para mapalugdan ang Diyos.—2 Corinto 10:4, 5.

Sinasabi ng iba na malupit daw ang pamantayan ng Bibliya. Pero nasasabi nila iyon dahil naniniwala sila na dapat nating sundin ang ating mga pagnanasa o na napakahalaga ng seksuwal na mga pagnanasa kung kaya hindi ito dapat—o hindi pa nga maaaring—kontrolin. Pero binibigyang-dangal ng Bibliya ang mga tao dahil sinasabi nito na kaya nilang paglabanan ang kanilang mga pagnanasa. Di-gaya ng mga hayop, puwede silang magpasiya na huwag magpadala sa mga pagnanasa nila.—Colosas 3:5. [5]

Pag-isipan ito: Sinasabi ng ilang eksperto na may mga ugali, gaya ng pagiging magagalitin, na maaaring may biyolohikal na sanhi. Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa biyolohikal na pinagmulan ng pagiging magagalitin, pero kinikilala nito na may mga taong “magagalitin” at “madaling magngalit.” (Kawikaan 22:24; 29:22) Pero sinasabi rin ng Bibliya: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit.”—Awit 37:8; Efeso 4:31.

Karamihan ay hindi tututol sa payong iyan o magsasabing malupit iyan para sa mga taong may tendensiya ng pagiging magagalitin. Sa katunayan, kahit ang mga ekspertong naniniwala na nasa genes na ng isa ang pagiging magagalitin ay nagsisikap na tulungan ang gayong mga tao na kontrolin ang kanilang tendensiya.

Ganiyan din ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova pagdating sa anumang gawain na salungat sa mga pamantayan ng Bibliya, kasama na ang pagtatalik ng lalaki at babae na hindi kasal sa isa’t isa. Sa lahat ng mga kasong iyon, dapat sundin ang payo ng Bibliya: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan [o, katawan] sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso.”—1 Tesalonica 4:4, 5.

“Ganiyan ang Ilan sa Inyo Noon”

Noong unang siglo, iba’t iba ang pinagmulan at istilo ng pamumuhay ng mga gustong maging Kristiyano. Ang ilan sa kanila ay gumawa ng malalaking pagbabago. Halimbawa, may binabanggit ang Bibliya na ‘mga mapakiapid, mananamba sa idolo, mangangalunya, mga lalaking sumisiping sa mga lalaki,’ at pagkatapos ay sinabi nito: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.”1 Corinto 6:9-11.

Sa pagsasabing “ganiyan ang ilan sa inyo noon,” sinasabi ba ng Bibliya na ang mga huminto na sa mga gawaing homoseksuwal ay hindi na nagkakaroon ng homoseksuwal na mga pagnanasa? Hindi. Dahil ipinapayo rin ng Bibliya: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa.”—Galacia 5:16.

Pansinin na hindi sinasabi ng Bibliya na hindi na magkakaroon ng maling pagnanasa ang isang Kristiyano. Sa halip, sinasabi nito na magpapasiya siya na huwag isagawa ang pagnanasang iyon. Pinagsisikapan ng mga Kristiyano na kontrolin ang gayong mga pagnanasa at huwag pag-isipan ang mga iyon para hindi nila iyon maisagawa.—Santiago 1:14, 15. [6]

Batay diyan, ipinakikita ng Bibliya na ang tendensiya ay iba sa pagsasagawa. (Roma 7:16-25) Puwedeng kontrolin ng taong may homoseksuwal na tendensiya ang mga bagay na hinahayaan niyang maglaro sa isipan niya, gaya rin ng gagawin niya sa iba pang maling pagnanasa, kasama na ang tendensiyang magalit, mangalunya, at maging sakim.—1 Corinto 9:27; 2 Pedro 2:14, 15.

Bagaman sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang pamantayang moral ng Bibliya, hindi nila iginigiit sa iba ang kanilang mga pananaw. Hindi rin nila sinisikap na baguhin ang mga batas na nagsasanggalang sa karapatan ng mga taong naiiba ang istilo ng pamumuhay sa kanila. Positibo ang mensahe ng mga Saksi ni Jehova, at gustong-gusto nilang ibahagi ito sa lahat ng makikinig.—Gawa 20:20.

^ 1. Roma 12:18: “Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”

^ 2. Isaias 48:17: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”

^ 3. 1 Corinto 6:18: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”

^ 4. 1 Pedro 2:17: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.”

^ 5. Colosas 3:5: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso.”

^ 6. Santiago 1:14, 15: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”