Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahanga-hangang Arctic Tern

Ang Kahanga-hangang Arctic Tern

MATAGAL nang pinaniniwalaan na mga 35,200 kilometro ang distansiyang nalilipad ng mga arctic tern mula sa rehiyon ng Artiko hanggang sa Antartiko at pabalik. Pero ipinakikita ng bagong mga pag-aaral na mas malayo pa ang nalilipad ng mga ibong ito.

Walang sinusunod na ruta ang mga arctic tern kapag nandarayuhan, gaya ng makikita sa larawan

Kinabitan ng maliliit na instrumentong tinatawag na geolocator ang ilang ibon. Dahil sa kahanga-hangang instrumentong ito na halos kasinggaan ng isang paper clip, natuklasan na ang ilang arctic tern ay nakalilipad nang humigit-kumulang 90,000 kilometro balikan—ang pinakamahabang pandarayuhan ng mga hayop. Nakalipad pa nga ng distansiyang halos 96,000 kilometro ang isang ibon! Bakit may pagbabago sa pagtantiya?

Saanman simulan ng mga arctic tern ang pandarayuhan nila, wala silang sinusunod na ruta. Gaya ng makikita sa larawan, ang karaniwang ruta ng Karagatang Atlantiko ay hugis S. Pero bakit hindi binabagtas ng ibong ito ang rutang iyon? Dahil sinasamantala nito ang direksiyon ng hihip ng hangin.

Sa buong buhay ng mga arctic tern, na mga 30 taon, nakapaglalakbay ang mga ito ng mahigit 2.4 milyong kilometro. Katumbas ito ng tatlo o apat na paglalakbay papunta’t pabalik sa buwan! “Kahanga-hanga ang nagagawa ng ibong ito na mahigit 100 gramo lang,” ang sabi ng isang mananaliksik. Bukod diyan, dahil nararanasan ng mga arctic tern ang tag-araw sa North Pole at South Pole, nararanasan ng mga ito ang “mas mahabang araw taon-taon kaysa sa ibang nilalang,” ang sabi ng aklat na Life on Earth: A Natural History.