MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Napakatingkad na Kulay ng Pollia Berry
ANG maliit na berry ng halamang Pollia condensata, na matatagpuan sa Africa, ang may pinakamatingkad na kulay asul sa mga halamang natuklasan. Pero wala itong asul na pangkulay, o pigment. Ano ang sekreto nito?
Pag-isipan ito: Ang mga cell wall sa balat ng berry ay may parang napakaliliit na sinulid na nakaayos na gaya ng mga palito ng posporo. Ang mga sinulid na ito ay bumubuo ng mga salansan, at ang bawat salansan ay bahagyang nakalihis sa pinagpatungan nito. Kaya ang patong-patong na salansan ay bumubuo ng spiral pattern. Hindi rin asul ang kulay ng mga sinulid. Ang dahilan ng matingkad na kulay ng berry ay ang pagkakasalansan ng mga sinulid. Kaya hindi ang kulay ng berry kundi ang kayarian nito ang sekreto kung bakit napakatingkad ng kulay nito. Halos lahat ng selula ay parang kulay asul. Pero mula sa iba’t ibang anggulo, puwede itong maging kulay-rosas, berde, o dilaw dahil sa bahagyang pagbabago sa mga salansan. Isa pa, kapag tinitingnan ito nang malapitan, ang kulay nito ay hindi makintab kundi malabo, o pixelated, gaya ng mga kulay sa screen ng computer.
Walang pigment ang mga Pollia berry, pero nananatiling matingkad ang kulay nito kahit wala na ito sa halaman. Ang totoo, ang ilang berry na mahigit isang siglo nang nakatago ay kasintingkad pa rin ng mga bagong bunga! Ayon sa mga mananaliksik, ang berry ay walang laman, kundi puro buto, pero nakaaakit pa rin ito sa mga ibon.
Naniniwala ang mga siyentipiko na ang pagkakadisenyo sa Pollia berry ay puwedeng gayahin sa mga produktong gaya ng hindi kumukupas na mga pangkulay at ng mga papel na hindi mapepeke.
Ano sa palagay mo? Ang napakatingkad na kulay ba ng Pollia berry ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?