Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pagtitipid sa Enerhiya

Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pagtitipid sa Enerhiya

NAKADEPENDE tayo sa enerhiya para mapainit at mapalamig ang ating bahay, mapaandar ang ating sasakyan, at magawa ang marami sa ating pang-araw-araw na gawain. Pero sa buong mundo, ang mga tao ay may mabibigat na problema pagdating sa enerhiya.

Para kay Gary, na taga-South Africa, “ang tumataas na presyo ng gasolina” ay isang malaking problema. Nababahala naman si Jennifer, na taga-Pilipinas, tungkol sa maaasahang mapagkukunan ng enerhiya, dahil sa “madalas na pagkawala ng kuryente.” Si Fernando naman, na taga-El Salvador, ay “nangangamba sa puwedeng mangyari sa ekolohiya.” Sa maraming lugar sa buong daigdig, nagiging dahilan ng polusyon ang pinagmumulan ng enerhiya.

Kaya baka maisip mo, ‘Paano ko kaya mahaharap ang mga problemang ito sa enerhiya?’

Puwede nating gamitin sa matalinong paraan ang enerhiya. Makikinabang tayo kung titipirin natin ito. Kung babawasan natin ang pagkonsumo sa enerhiya, bababà ang bayarin natin. Mapoprotektahan din natin ang kapaligiran, at hindi tayo makadaragdag sa lumalaking pangangailangan sa enerhiya.

Talakayin natin ang tatlong bagay kung saan magagamit ang enerhiya sa mas matalinong paraan: bahay, transportasyon, at pang-araw-araw na gawain.

BAHAY

Magtipid sa paggamit sa mga kasangkapang gaya ng heater at air-con. Sa isang pag-aaral na ginawa sa isang bansa sa Europa, natuklasan na ang pinakamatipid na paggamit ng enerhiya sa loob ng isang taon ay kapag ibinaba nang kahit dalawang digri ang thermostat sa panahon ng taglamig. Sang-ayon diyan si Derek, na taga-Canada. “Nagsusuot ng pangginaw ang pamilya namin sa halip na itodo ang heater, kaya nakatitipid kami sa enerhiya,” ang sabi niya.

Angkop din ang paraang iyan sa maiinit na klima. Binawasan ni Rodolfo, na taga-Pilipinas, ang paggamit ng air-con sa pamamagitan ng tamang pagsi-set ng thermostat nito. Bakit? “Nakatitipid kami sa bayarin at sa enerhiya,” ang sabi niya.

Panatilihing nakasara ang mga bintana at pinto. * Makatitipid tayo sa enerhiya kung hindi natin hahayaang makalabas ang init o lamig. Halimbawa, kung nakabukas ang pinto sa malamig na panahon, mas malaking enerhiya ang kakailanganin para mapainit ang isang gusali.

Bukod diyan, ang ilang tao ay mas nakatipid sa enerhiya sa pamamagitan ng pag-i-install ng mas magagandang insulasyon at energy-efficient na mga bintana.

Gumamit ng ilaw na mas matipid sa enerhiya. “Sa halip na gumamit ng ordinaryong bombilya, gumagamit kami ng mga bombilyang matipid sa enerhiya,” ang sabi ni Jennifer, na nabanggit na. Ang mga ilaw na mas matipid sa enerhiya ay karaniwan nang mas mahal. Pero dahil mas mababa ang konsumo nito sa enerhiya, mas makatitipid ka.

TRANSPORTASYON

Hangga’t posible, gumamit ng pampublikong sasakyan. “Sumasakay ako ng tren o nagbibisikleta papasok sa trabaho kapag kaya ko,” ang sabi ni Andrew, na taga-Great Britain. Sinasabi ng aklat na Energy: What Everyone Needs to Know na “halos tatlong beses na mas mataas ang konsumo sa enerhiya ng mga kotse kada isang pasahero kumpara sa konsumo ng mga bus at tren.”

Planuhin ang iyong biyahe. Kung paplanuhin mo ang iyong biyahe, mababawasan ang biyahe na kailangan mong gawin. Kaya makatitipid ka sa enerhiya, panahon, at pera.

Si Jethro, na taga-Pilipinas, ay nagtatakda ng halagang gagamitin niya para sa gasolina buwan-buwan. “Dahil dito, mas naipaplano ko ang biyahe ko.”

PANG-ARAW-ARAW NA GAWAIN

Bawasan ang dami ng mainit na tubig na ginagamit mo. Ayon sa isang pag-aaral, “ang mga water heater sa mga residensiyal ay kumokonsumo nang halos 1.3% ng kabuoang enerhiyang nagagamit sa mga lunsod sa Australia o nang 27% ng kabuoang enerhiyang nagagamit sa mga bahay.”

Kung babawasan natin ang paggamit ng mainit na tubig, makatitipid tayo sa enerhiya. Sinabi ni Victor, na taga-South Africa: “Hangga’t posible, binabawasan namin ang paggamit ng mainit na tubig sa paliligo.” Ayon sa siyentipikong si Steven Kenway, ang hindi masyadong paggamit ng mainit na tubig ay may tatlong pakinabang: nakatitipid sa enerhiya at tubig, nakatutulong sa mga kompanyang nagsusuplay ng tubig at enerhiya, at bumababa ang bayarin ng bawat pamilya.

Huwag kalimutang patayin o bunutin sa saksakan ang mga kagamitan. Kasama rito ang ilaw at mga kasangkapang de-kuryente, gaya ng TV at computer. Kahit nakapatay na, marami sa mga ito ang kumokonsumo pa rin ng enerhiya kapag nasa standby mode. Iminumungkahi ng ilang eksperto na bunutin ang mga ito sa saksakan o gumamit ng saksakan na may on-and-off switch para mas makatipid. Sinunod ito ni Fernando, na nabanggit na, “Pinapatay ko ang mga ilaw at binubunot sa saksakan ang mga kasangkapang hindi ko ginagamit.”

Wala tayong gaanong kontrol sa halaga ng enerhiya o sa pinsalang naidudulot sa kapaligiran ng pagpo-produce nito. Pero puwede nating gamitin sa matalinong paraan ang enerhiya. Humahanap ang mga tao sa buong daigdig ng paraan para magawa iyan. Totoo, kailangan ng pagsisikap at pagpaplano para makatipid sa enerhiya, pero sulit naman ang mga pakinabang. Sinabi ni Valeria, na taga-Mexico, “Nakatitipid ako sa gastusin, at napoprotektahan ko ang kapaligiran.”

^ par. 10 Sundin ang manwal para sa tamang paggamit ng mga kasangkapang gaya ng heater at air-con. Halimbawa, ang ilang kasangkapang de-kuryente ay may espesipikong mga instruksiyon pagdating sa bentilasyon gaya ng pagbubukas ng pinto o ng bintana.