Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SULYAP SA NAKARAAN

Alhazen

Alhazen

BAKA hindi mo pa kilala si Abū ‘Alī al-Ḥasan ibn al-Haytham. Sa Kanluran, kilala siya bilang Alhazen, ang anyong Latin ng kaniyang pangalang Arabe na al-Ḥasan. Pero malamang na nakikinabang ka sa mga nagawa niya. Inilarawan siya bilang “isa sa mga pinakamahalaga at pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng siyensiya.”

Si Alhazen ay ipinanganak sa Basra, na nasa Iraq ngayon, noong mga 965 C.E. Mahilig siya sa astronomiya, kemistri, matematika, medisina, musika, optika, pisika, at mga tula. Ano ang partikular na pasasalamatan natin sa kaniya?

ISANG DAM SA NILO

May kumalat na kuwento noon tungkol kay Alhazen. Plano raw niyang kontrolin ang daloy ng Ilog Nilo. Lumipas pa ang halos 1,000 taon bago aktuwal na nagawa ang proyekto sa Aswân noong 1902.

Ayon sa kuwento, pinlano ni Alhazen na maglagay ng dam sa Nilo para mabawasan ang siklo ng pagbaha at tagtuyot sa Ehipto. Nang mabalitaan ito ng tagapamahala ng Cairo na si Caliph al-Hakim, inimbitahan niya si Alhazen sa Ehipto para itayo ang dam. Pero nang makita mismo ni Alhazen ang ilog, naisip niyang imposibleng mangyari ang plano niya. Sa takot na maparusahan ng sumpunging tagapamahalang iyon, nagkunwaring baliw si Alhazen na tumagal nang mga 11 taon, pagkamatay ng caliph noong 1021. Samantala, nagkaroon ng maraming panahon si Alhazen na gawin ang ibang mga bagay habang nakakulong dahil sa pagkukunwari niyang baliw.

ANG BOOK OF OPTICS

Bago makalaya, naisulat na ni Alhazen ang karamihan sa kaniyang pitong-tomong aklat na Book of Optics, na itinuring na “isa sa pinakamahahalagang aklat sa kasaysayan ng pisika.” Tinalakay niya rito ang mga eksperimento tungkol sa katangian ng liwanag, kung paano ito nahahati-hati sa iba’t ibang kulay, nagre-reflect sa salamin, at lumilihis kapag tumama sa isang bagay. Pinag-aralan din niya ang kayarian ng mata.

Pagsapit ng ika-13 siglo, ang mga isinulat ni Alhazen sa wikang Arabe ay naisalin na sa Latin, at pagkalipas ng ilang siglo, ginamit ng mga iskolar na Europeo ang mga ito bilang reperensiya. Ang mga isinulat ni Alhazen tungkol sa katangian ng mga lente ay naging basehan ng mga Europeong gumagawa ng salamin sa mata sa pag-iimbento nila ng teleskopyo at mikroskopyo sa pamamagitan ng pagtatapat ng dalawang lente.

ANG CAMERA OBSCURA

Nakita ni Alhazen ang mga pamamaraang magagamit sa potograpiya nang gawin niya ang masasabing unang camera obscura. Isa itong “madilim na kuwarto” kung saan pumapasok sa isang napakaliit na butas ang liwanag na kapag tumama sa kabilang dingding ay nagpapakita ng nakabaligtad na larawan ng anumang nasa labas ng kuwarto.

Ginawa ni Alhazen ang masasabing unang camera obscura

Noong mga taon ng 1800, idinagdag ang mga photographic plate sa camera obscura para makakuha ng permanenteng larawan. Ang resulta? Isang kamera. Lahat ng modernong kamera—at ang mata mismo—ay gumagamit ng pamamaraang gaya ng sa camera obscura. *

ANG PAMAMARAAN SA SIYENSIYA

Ang pinakamahalagang naiambag ni Alhazen ay ang metikuloso at sistematikong paraan niya ng pagsasaliksik. Hindi pangkaraniwan ang kaniyang pamamaraan noong panahong iyon. Isa siya sa unang mananaliksik na nag-eksperimento para masubok ang isang teoriya, at hindi siya takót kuwestiyunin ang isang pinaniniwalaang ideya kung walang ebidensiyang sumusuporta rito.

Maaaring ibuod nang ganito ang makabagong siyensiya: “Patunayan mo ang pinaniniwalaan mo!” Itinuturing ng ilan si Alhazen bilang “ama ng makabagong pamamaraan sa siyensiya.” Dahil diyan, marami tayong ipagpapasalamat sa kaniya.

^ par. 13 Ang pagkakapareho ng mata at ng camera obscura ay lubusan lang naintindihan sa Kanluran nang ipaliwanag ito ni Johannes Kepler noong ika-17 siglo.