MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa New Zealand
MALAMANG na mga 800 taon na ang nakalipas nang maglakbay nang libo-libong milya sa karagatan ang mga tribong Maori at manirahan sa New Zealand. Natagpuan nila roon ang isang lupain na ibang-iba sa tropikal na mga isla ng Polynesia na kanilang iniwan. Ang New Zealand ay bulubundukin, may mga glacier, maiinit na bukal, at niyebe. Pagkalipas ng mga limang siglo, may iba pang lahi na dumating mula sa malayong bahagi ng Europa. Sa ngayon, parehong tinatanggap ng maraming taga-New Zealand ang mga tradisyon ng Anglo-Saxon at Polynesia. Halos 90 porsiyento ng populasyon ang nasa lunsod. Ang lunsod ng Wellington ay nakilala bilang ang pinakatimugang kabisera sa mundo.
Dahil sa iba’t ibang magagandang tanawin sa New Zealand, hindi nga kataka-takang pasyalán ito ng mga tatlong milyong turista taon-taon kahit nakabukod ito.
Ipinagmamalaki ng New Zealand ang kakaibang pagkakasari-sari ng maiilap na hayop. Ito ang may pinakamaraming uri ng di-nakalilipad na ibon sa buong mundo. Makikita rin dito ang tuatara, isang tulad-butiking reptilya, na nabubuhay nang hanggang 100 taon! Ang tanging mamalya na makikita rito ay iilang uri ng paniki at ilang malalaking mamalya, gaya ng balyena at dolphin.
Halos 120 taon nang may mga Saksi ni Jehova sa New Zealand. Itinuturo nila ang Bibliya sa mga 19 na wika, kasama na ang wika sa Polynesia na Niuean, Rarotongan, Samoan, at Tongan.