Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang personal na pangalan ng Diyos na nakasulat sa sinaunang letrang Hebreo ay maraming ulit na lumitaw sa naunang mga manuskrito ng Bibliya

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pangalan ng Diyos

Pangalan ng Diyos

Milyon-milyon ang tumatawag sa Diyos gamit ang kaniyang mga titulo gaya ng Panginoon, ang Walang Hanggan, Allah, o basta Diyos. Pero may personal na pangalan ang Diyos. Dapat mo ba itong gamitin?

Ano ang pangalan ng Diyos?

ANG SINASABI NG ILAN

 

Maraming nag-aangking Kristiyano ang naniniwalang Jesus ang pangalan ng Diyos. Sinasabi ng iba na dahil isa lang naman ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi na kailangang gamitin ang kaniyang personal na pangalan. At may mga nagsasabi rin na di-angkop gamitin ang pangalan ng Diyos.

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Hindi Jesus ang pangalan ng Makapangyarihan-sa-lahat, dahil hindi naman si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa katunayan, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga kapuwa mananamba na manalangin sa Diyos: “Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Lucas 11:2) Si Jesus mismo ay nanalangin sa Diyos: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”—Juan 12:28.

Sa Bibliya, sinasabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.” (Isaias 42:8) Ang “Jehova” ay mula sa saling Ingles para sa apat na Hebreong katinig na YHWH, na kumakatawan sa banal na pangalan. Lumilitaw nang mga 7,000 ulit ang pangalang ito sa Hebreong Kasulatan. * Mas madalas itong lumitaw kaysa sa anumang titulo gaya ng “Diyos,” “Makapangyarihan-sa-lahat,” o “Panginoon,” at mas marami kaysa sa anumang pangalan gaya ng Abraham, Moises, o David.

Walang binabanggit sa Bibliya na ipinagbawal ni Jehova ang magalang na paggamit sa kaniyang pangalan. Sa halip, ipinakikita ng Kasulatan na ang banal na pangalan ng Diyos ay laging ginagamit ng kaniyang mga lingkod. Isinama nila ito sa pangalang ibinigay nila sa kanilang mga anak, gaya ng Elias na nangangahulugang “Ang Aking Diyos ay si Jehova,” at Zacarias na nangangahulugang “Inalaala ni Jehova.” At hindi sila nag-atubiling gamitin ang pangalan ng Diyos sa pang-araw-araw nilang pag-uusap.—Ruth 2:4.

Gusto ng Diyos na gamitin natin ang kaniyang pangalan. Pinasisigla tayo na ‘magpasalamat kay Jehova at tumawag sa kaniyang pangalan.’ (Awit 105:1) Nagbibigay-pansin pa nga siya sa mga taong “palaisip sa kaniyang pangalan.”—Malakias 3:16.

“Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.

Ano ang kahulugan ng pangalan ng Diyos?

Naniniwala ang ilang iskolar na sa Hebreo, ang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Ipinahihiwatig nito na pinangyayari ng Diyos ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga nilalang na maging anuman na kailangan para matupad ang kaniyang kalooban. Tanging ang Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat ang karapat-dapat sa pangalang iyan.

ANG KAHULUGAN NITO PARA SA IYO

 

Kapag alam mo ang pangalan ng Diyos, mababago ang pananaw mo tungkol sa kaniya. Magiging mas madali sa iyo na lumapit sa kaniya. Sa katunayan, paano ka mapapalapít sa isang tao kung hindi mo alam ang pangalan niya? Kaya dahil ipinaalam ng Diyos ang pangalan niya sa iyo, katunayan iyan na gusto niyang mapalapít ka sa kaniya.—Santiago 4:8.

Makatitiyak ka na laging tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan niya. Kaya sinasabi ng Bibliya: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.” (Awit 9:10) Magkakaroon ka ng gayong tiwala habang natututuhan mo na ang pangalan ni Jehova ay nauugnay sa kaniyang mga katangian gaya ng matapat na pag-ibig, awa, habag, at katarungan. (Exodo 34:5-7) Nakapagpapatibay malaman na habang tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako, hindi siya kikilos ng anumang salungat sa kaniyang mga katangian.

Isa ngang karangalang malaman ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat! Magdudulot ito ng pagpapala sa iyo ngayon at sa hinaharap. Ipinapangako ng Diyos: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.”—Awit 91:14.

“Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.”Joel 2:32.

Pangalan ng Diyos na isinalin sa iba’t ibang wika

^ par. 9 Inalis sa maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos at pinalitan ng titulong “PANGINOON” sa malalaking letra. Sa ibang salin naman, inilagay ang pangalan ng Diyos sa pilíng mga talata lang o mga talababa. Ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ang banal na pangalan ng Diyos nang maraming ulit.