Itakuwil ang Makasanlibutang mga Pita!
Itakuwil ang Makasanlibutang mga Pita!
1, 2. (a) Papaano dapat sambahin si Jehova? (b) Ano ang hinihiling nito sa kaniyang mga Saksi?
ANG Diyos na Jehova ay karapat-dapat sambahin sa isang malinis at matuwid na paraan ng lahat ng mga nag-alay ng kanilang sarili sa kaniya. Sa lahat ng panahon at sa bawa’t paraan ay dapat nilang parangalan siya sa salita at sa gawa. Tunay na hindi nila dapat taglayin ang “espiritu ng sanlibutang ito”—ang taglay nito na makasalanan at mapag-imbot, kadalasa’y napakasama at dominanteng damdamin o nagpapakilos na puwersa. (1 Corinto 2:12, Today’s English Version) Bilang isang bayan na organisado upang magbigay-lugod sa Diyos, ang mga saksi ni Jehova ay kailangang kapuna-puna bilang naiiba sa sanlibutang ito. Kailangang buong-pusong ikapit nila ang kinasihang payo na “itakuwil ang kalikuan at ang makasanlibutang mga pita at mamuhay nang may katinuan ng isip at katuwiran at banal na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistema ng mga bagay.”—Tito 2:11-14.
2 Nakalulungkot sabihin, hindi lahat ng nag-aangking umiibig kay Jehova ay laging nagpaparangal sa kaniya at nagpapatunay na kanilang itinakuwil na ang makasanlibutang mga pita o pamumuhay. Mayroon daw mga nag-alay na Kristiyanong gayak-babae na dumalo sa isang masguerade party. Hindi ba iyan pagkamakasanlibutan o pagwawalang-galang kay Jehova? Ang ganiyang mga kilos ay hindi natin aasahan sa mga “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Aba, kadalasan ang lalaking nakapeluka at nakadamit ng babae ay hindi lamang nagtitinging bakla kundi nag-aanyaya rin na makipagtalik sa kaniya sa sekso ang kaniyang mga kapuwa lalaki!—Deuteronomio 22:5.
3. Tungkol sa makasanlibutang mga pamamalakad at mga pita, anong mga tanong ang dapat pag-isipan?
3 Bilang mga saksi ni Jehova, marahil ay tatanggapin natin na tayo’y ‘hindi dapat labis na mahumaling sa pamamalakad ng sanlibutan,’ gaya ng ipinakita sa naunang artikulo. (1 Corinto 7:31, The New Testament: A New Translation, ni Olaf M. Norlie) Baka alam natin na sa pamamagitan ng di-sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos ay “tinuturuan tayo na magsabi ng ‘Hindi’ sa kalikuan at makasanlibutang mga pita.” (Tito 2:11, 12, New International Version; NW) Subali’t ano kung ang ating puso ay hindi talagang sumasang-ayon sa ganiyan? O baka ibig nating patibayin ang ating pasiya na itakuwil ang makasanlibutang mga pita. Ano ang makatutulong sa atin?
Manalangin sa “Dumirinig ng Panalangin”
4, 5. (a) Sa pamamagitan ng ating mga panalangin ano ang wastong maipababatid natin? (b) Tungkol sa ating puso, kung minsan, sa panalangin ay kailangang humiling tayo ng ano?
4 Upang maitakuwil ang makasanlibutang mga pita kailangan ang taimtim at regular na paghingi ng tulong sa “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Subali’t papaano tayo mananalangin kung ang ating puso ay medyo naghahangad ng makasanlibutang mga bagay?
5 Bilang mga saksi ni Jehova, dapat na ‘ipahatid natin sa Diyos ang ating mga kahilingan sa lahat ng bagay.’ Kung gagawin natin ito nang may pananampalataya, ang walang kapantay na “kapayapaan ng Diyos” ang mag-iingat sa ating isip at puso. Oo, si Jehova mismo ang nagsabi na “ang hilig ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata.” (Filipos 4:6, 7; Genesis 8:21) Kung minsan, sa panalangin ay kailangang humiling tayo ng naiibang saloobin, isang binagong puso. Halimbawa, kung ang mga pang-aakit ng sanlibutan ang hangarin ng ating puso, hilingin natin sa ating Ama sa langit na tulungan tayong ang gayong mga hangarin ay halinhan ng mga hangaring magpapatibay ng ating espirituwalidad.
6. Kung ang mga daan at mga pang-aakit ng sanlibutan ay waring nakaaakit sa atin, papaano tayo dapat manalangin?
6 Ang salmistang si David ay nanalangin sa Diyos: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova . . . Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako.” (Awit 25:4, 5) Ito’y ginawa ni Jehova para kay David, at tiyak na Kaniyang masasagot ang gayong panalangin para sa Kaniyang mga lingkod ngayon. Yamang ang kay Jehovang “mga daan” at “katotohanan” ay hindi makasanlibutan, ang dalangin na tulad ng kay David ay makatutulong kung waring tayo’y naakit sa mga daan ng sanlibutang ito.
7. Ano ang dapat gawin kung tayo’y naaakit sa nakasasamang mga libangan ng sanlibutan?
7 Ang sanlibutan ay may imoral na pangmalas at puno ng kabalakyutan. Malimit na mahahalata ito sa makasanlibutang mga awitin, sayaw, mga aklat, dula, pelikula, mga programa sa telebisyon, at iba pa. Kung tayo, na nag-alay na mga Kristiyano, ay naaakit sa nakasasamang mga libangan ng sanlibutan, ano ngayon? Una, ating suriin ang mga libangang iyon sa liwanag ng Salita ng Diyos. Ipinakikita nito na dapat nating “kapootan ang masama, makisanib sa mabuti.” (Roma 12:9) At humingi tayo ng tulong kay Jehova na sana ang puso natin, bagaman di-sakdal, ay huwag nang maghangad ng masasamang bagay. Oo, ang Diyos natin ay ‘makalilikha sa atin ng isang malinis na puso’ kung taimtim na hihilingin natin ito.—Awit 51:10.
Tulong sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu
8. Sang-ayon sa Awit 51:11, ano ang maaaring mangyari kahit na ngayon ay taglay natin ang banal na espiritu?
8 Pagkatapos na ang kalubhaan ng kaniyang pagkakasala tungkol kay Bathsheba ay lubusang makaapekto kay Haring David ng Israel, siya’y nagmakaawa kay Jehova: “Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu Oh huwag mong bawiin sa akin.” (Awit 51:11) Sinagot ng Diyos ang panalanging iyan. Subali’t pansinin na ang banal na espiritu ay maaaring mawala o bawiin.
9. Ano ang maaaring kumaladkad sa atin sa makasanlibutang kabalakyutan, at ano ang baka maging bunga nito?
9 Kung tayong nag-alay na mga Kristiyano ay muling pakakaladkad sa sanlibutan sa kaniyang “pamumuhay sa hamak na kahalayan,” baka malunod doon ang ating espirituwalidad. (1 Pedro 4:4) Baka ito’y nagsimula lamang sa pag-uusyoso, marahil pinasukan natin ang isip at puso ng mga kaisipang imoral at makasanlibutan na galing sa mga babasahin at mga libangan na labag sa Kasulatan. Ipinapayo ng Salita ng Diyos na tayo’y “magpakasanggol sa kasamaan,” at huwag nang magsikap na maalaman pa ang ano mang imoral o kabalakyutan. (1 Corinto 14:20) Subali’t ang pag-uusyoso ang baka kumaladkad sa atin sa umaalimpuyong kabalakyutan, at baka isipin natin na tayo’y may sapat na gulang at lakas sa espirituwalidad upang huwag tayong maimpluwensiyahan ng masama. Baka magpatuloy ang kapalaluang ito hanggang sa ayaw na natin na sinuman—kahit na ang Diyos—ay ‘magsabi sa atin ng dapat nating gawin.’ Maaaring ito ang magpahamak sa atin, yamang walang sinumang makalalaban sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamatigas laban sa kaniyang payo at “hindi mapipinsala.”—Job 9:1-4.
10. Tungkol sa banal na espiritu, ano ang maaaring mangyari sa atin kung ang makasanlibutang mga pita ay hindi susupilin? (b) Kaya’t ano ang tutulong sa atin upang madaig natin ang sanlibutan at ang mga pang-aakit nito?
10 Kung hindi susupilin, baka hilahin tayo ng makasanlibutang mga pita na pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagbibigay-pansin dito, at paglakad nang kasalungat nito at hindi paglalagak ng ating puso sa mga tunguhin na doon tayo inaakay ng espiritu. Ang “pagpighati sa banal na espiritu ng Diyos” ay nangangahulugan din ng pagtanggi sa kaniyang Salita. (Efeso ; ihambing ang 4:30Gawa 7:51-53.) Ito’y maaaring humantong sa sadyang paghihimagsik laban sa malinaw na paghahayag ng espiritu ni Jehova at baka isang pamumusong laban sa espiritung iyon, isang pagkakasalang di-pinatatawad. (Mateo 12:31, 32; Marcos 3:29; ihambing ang Hebreo 6:4-6; 10:26-31.) Huwag nawa tayong maging makasarili at mahulog sa makasanlibutang mga gawain na doo’y sinagip tayo sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa ni Jehova. Sa halip, tayo’y manalangin na bigyan tayo ng banal na espiritu at paakay tayo rito, upang madaig natin ang sanlibutan at ang mga pang-aakit nito.—Awit 143:10; Lucas 11:13.
Isang Tulong ang Salita ng Diyos
11. Ano ngayon ang ating isasaalang-alang na tutulong sa atin na daigin ang tukso na ‘magpakalabis ng paggamit sa sanlibutan’?
11 Isang kamangha-manghang bunga ng banal na espiritu ng Diyos ay ang kaniyang Salita. (2 Samuel 23:2; 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:20, 21) Nasa mga dahon nito ang ‘mga bagay na isinulat noon pa mang una para sa ikatututo natin’ at ‘babalang mga halimbawa para sa atin na mga dinatnan ng katapusan ng mga sistema ng mga bagay.’ (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Kung gayon, para sa mga ilang tauhan sa Bibliya paano ba nila minalas ang sanlibutan?
12. Sino ba si Demas, at paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang ng kaniyang ginawa?
12 Ang isang pangit na halimbawa ay mapapakinabangan din, sapagka’t ipinakikita sa atin kung ano ang dapat iwasan. Halimbawa: Si apostol Pablo ay pinabayaan ng kaniyang kamanggagawang si Demas ‘dahilan sa pag-ibig nito sa kasalukuyang sistema ng mga bagay.’ Hindi isinisiwalat kung ano talaga ang dahilan at kalubhaan ng ginawa niya kay Pablo, nguni’t ang pag-ibig sa makasanlibutang mga kalayawan at materyal na mga bagay ang baka naging matindi kaysa pag-ibig sa espirituwal na mga bagay. Anuman iyon, hindi sinamantala ni Demas ang kaniyang napakainam na pagkakataon upang patibayin ang kaniyang kapatid na si Pablo. (2 Timoteo 4:10) Huwag nating iwanan ang ating mga kapananampalataya, dahil sa napadaig tayo sa pag-ibig sa kasalukuyang sistema ng mga bagay!
13. Ano ang patotoo na si Abraham at si Sara ay hindi ‘labis na nahumaling sa pamamalakad ng sanlibutan’?
13 Sa ngayon ang buong Bibliya ang ating patnubay. Bagaman wala sila kahit isa ng buong aklat ng Bibliya—ang Genesis—ang maka-Diyos na mga patriyarkang sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang kani-kanilang tapat na asawa, ay ‘hindi nagpakalabis ng paggamit sa sanlibutan.’ Halimbawa, sumunod si Abraham (Abram) sa tagubilin ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng paglisan sa Ur, isang Caldeong lunsod na may magagandang tahanan at maraming kaginhawahan. Oo, sa mga paghuhukay na ginawa roon ay napatunayan na siya at ang kaniyang sinisintang asawang si Sara (Sarai) ay tiyak na gumawa ng malaking pagsasakripisyo sa pag-iiwan ng materyal na kayamanan upang pumaroon kung saan sila pinapupunta ng Diyos, at nanirahan sa mga tolda na tulad ng mga dayuhan sa lupaing ipinangako sa kanila. Si Isaac at si Jacob ay nanampalataya rin bilang “mga tagapagmanang kasama [ni Abraham] sa mismong pangakong iyon.” Hindi minahalaga ni Abraham ang sanlibutan, “sapagka’t siya’y naghihintay ng lunsod na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.”—Hebreo 11:8-10.
14. (a) Paano maipakikita na si Moises ay ‘hindi nagpakalabis ng paggamit sa sanlibutan’? (b) Sa ating pangmalas sa espirituwal na mga intereses, paano tayo makikinabang sa halimbawa ni Moises?
14 Ang propetang si Moises ay isa pang mainam na halimbawa ng isa na tumiwala kay Jehova at nagtakuwil ng makasanlibutang mga pita. Sa pananampalataya, pinili ni Moises na siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos at kaniyang “inaring mga kayamanan ang kadustaan ng Kristo [ang pagiging pinahirang lingkod ng Diyos] bilang nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.” Kaya, siya’y nagkaroon ng kahanga-hangang mga pribilehiyo habang naglilingkod nang buong katapatan na ‘para bang nakikita niya ang Isang di-nakikita,’ si Jehova. (Hebreo 11:2427) Wala nang iinam pa sa pasiya ni Moises na unahin ang espirituwal na mga intereses sa kabila ng mga pang-aakit ng sanlibutan. Ganoon din naman tayo.—Mateo 6:33.
15. Ang pagsasaalang-alang natin ng anong karanasan ng mga Israelita ay dapat magpakilos sa atin upang iwasan ang makasanlibutang pang-aakit tungo sa imoralidad?
15 Sa mga bagay ng sanlibutan na malapit nang lumipas na kasama nito ay kasali “ang pita ng laman,” na makikita sa sarisaring paraan, ang iba sa mga ito ay balakyot. (1 Juan 2:15-17) Ang makasanlibutang pang-aakit sa imoralidad ay napakarami at kung minsan ay kapaha-pahamak kahit na sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, bagaman ang mga Israelita ay pinalaya na buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, libu-libo sa kanila ang nang malaunan pinatay dahil sa “pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab.” (Bilang, kabanata 25; 1 Corinto 10:8) Dapat nating iwasan ang makasanlibutang pang-aakit tungo sa imoralidad!
16. (a) Nang tuksuhin si Jose na gumawa ng imoralidad, ano ba ang kaniyang ginawa? (b) Papaano tayo maaaring makinabang sa halimbawa ni Jose?
16 Nariyan din ang mainam na halimbawa ni Jose, na anak ni Jacob. Paulit-ulit na tinukso siya ng asawang babae ng kaniyang panginoon upang sipingan niya. Nguni’t, mahigpit na tinanggihan niya. Hindi sinasabing pagkapangit-pangit ng babaing iyon para layuan ng isang lalaki. Kundi, si Jose ay tumakas sa kaniyang harapan dahil sa ayaw niyang magkasala kay Jehova. (Genesis 39:7-20) Kailangan bang magbago tayo sa ating binabasa, libangan o iba pa upang huwag tayong magkasala sa Diyos? Kung gayon, kumilos na tayo agad, gaya ng matuwid na si Jose.—1 Pedro 2:11, 12.
17. (a) Ang makasanlibutang kaisipan ay malimit na kunsintidor sa anong saloobin? (b) Papaano gumayak ang palalong mga babae ng Juda, at ano ang nangyari sa kanila at sa kanilang mga kagayakan?
17 Ang makasanlibutang kaisipan ay malimit na kunsintidor sa pagkamakasarili at kapalaluan. Ang pagpapahalaga ng sanlibutan sa materyal na bahagi ng buhay ay umaabot hanggang sa paggayak, na lalo nang makabuluhan sa mga babaing ibig na magtinging kaakit-akit. Sa sinaunang Juda noong kaarawan ni Isaias, ang palalong mga babae ay nagsasakbat ng napakaraming palamuti. Marahil upang makasunod sa moda, sila’y nagsusuot ng mga “step chains,” o mga kadenilya, na nakakabit sa kanilang mga sakong. Ito’y “kumakalansing” habang lumalakad ang isang babae, at dahan-dahan ang kaniyang hakbang na parang siya’y “madudupilas,” kaya’t ang tingin sa kaniya ay isang babaing mayumi. Nang sakupin ng Babilonya ang Juda noong 607 B.C.E. natapos iyon at pati ang kalayaan.—Isaias 3:16-24.
18. Ano ba ang maka-Kasulatang pamantayan sa kagayakang pambabae?
18 Sa kagayakang pambabae, anong laki ng pagkakaiba ng saloobin ng masagwa at makasanlibutang si Jezebel at ng mayumi, maka-Diyos, at magandang-bumihis na si Esther! (2 Hari 9:30; Esther 2:7; 5:1) Nais ng mga babaing Kristiyano na tularan si Esther. Sila’y nagsisigayak ng “maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip.” Ang kanilang pinakamahalagang gayak ay “ang lihim na pagkatao ng puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu, na napakahalaga sa paningin ng Diyos.”—1 Timoteo 2:9; 1 Pedro 3:3-5.
19. Papaanong si Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa ng pagka-di-makasanlibutan?
19 Si Jesu-Kristo ang pangunahing halimbawa ng pagka-di-makasanlibutan. Bagaman siya’y isang sakdal na tao na may higit na potensiyal na magtagumpay sa sanlibutan kaysa kanino mang tao, ang pangunahing pinagkaabalahan niya ay ang espirituwal—anupa’t “wala man lamang kahiligan ang kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Siya’y hindi naakay ng sanlibutang ito sa likong asal, kaya si Jesus ay tinutukoy na “banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Tayo na mga hindi sakdal ay hindi na ngayon makasusunod nang may kasakdalan sa mga yapak ni Jesus. Nguni’t dapat na gawin natin ang pinakamagaling na magagawa natin, sa tulong ni Jehova.—1 Pedro 2:21, 22.
Patuloy na Itakuwil ang mga Pitang Makasanlibutan
20. Kung isa kang sumasamba kay Jehova, papaano ka makapananatiling malaya buhat sa espiritu ng sanlibutang ito?
20 Kung ikaw ay narito na sa maligayang pulutong ng mga sumasamba kay Jehova, tunay na pinagpala ka. Nasumpungan mo ang makapupong higit kaysa lahat ng maiaalok ng balakyot at namamatay na sanlibutang ito. Kumapit ka nang buong higpit sa tunay na pagsamba at manatiling malaya buhat sa espiritu ng sanlibutang ito. Kaya, manalangin kang malimit sa “Dumirinig ng panalangin,” patulong sa kaniyang banal na espiritu, laging makinig sa payo ng Salita ng Diyos at huwag nang aalis sa—ngayo’y siglu-siglo na ang edad—na hanay ng mga tapat na saksi ni Jehova.—Ihambing ang Hebreo 12:1-3.
21. Tungkol sa sanlibutang ito, sa ano tayo dapat maging disidido?
21 Harinawang maging disidido kayong huwag magpakalabis ng paggamit sa sanlibutang ito. Bagkus, ang inyong isip at puso ay maipako sana ninyo sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Kung gagawin ninyo iyan, kayo ay magtatamo ng walang sablay na pagsuporta ng “walang hanggang mga bisig” ni Jehova. (Deuteronomio 33:27, An American Translation) Taglay ang pagtitiwala sa ganiyang makalangit na tulong, harinawang patuloy na mamuhay kayo nang may katinuan ng isip, katuwiran at banal na debosyon samantalang itinatakuwil ninyo ang kalikuan at ang mga pitang makasanlibutan.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Huwag hayaang ang pag-uusyoso ang kumaladkad sa iyo sa makasanlibutang kabalakyutan
[Larawan sa pahina 23]
Tumakas si Jose upang huwag magkasala. Tayo man ay dapat na kumilos agad upang maiwasan ang masamang gawa