Mangilag sa Musika na Nakasasama!
Mangilag sa Musika na Nakasasama!
“Ituro mo sa akin, Oh Jehova, ang iyong daan, at patnubayan mo ako sa landas ng matuwid.”—Awit 27:11.
1. Papaanong ang regalong musika ni Jehova ay pambihira?
ANG Diyos na Jehova ay may kagandahang-loob na nagbigay sa sangkatauhan ng regalong musika. Ito’y isang pambihirang kapahayagan ng kaniyang di-sana nararapat na kagandahang-loob, sapagka’t bagaman ang musika ay hindi kinakailangan upang sumustine ng buhay, sa pamamagitan nito’y naipapahayag ng mga tao ang kanilang damdamin—ang kanilang kalungkutan, ang kanilang kagalakan. (Genesis 4:21) Ito’y nakapagdadala ng kaaliwan pagka umiiral ang kalungkutan o ng lalong malaking kaligayahan kung panahon ng kagalakan. Angkop, kung gayon, na sulatan ni Santiago ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Natutuwa baga ang sinuman sa inyo? Umawit siya ng mga salmo.”—Santiago 5:13.
2. Ano ang kaugnayan ng musika at awit sa pagsamba kay Jehova?
2 Ang pag-aawitan at ang musika ay malaon nang kaugnay ng pagsamba kay Jehova. Ang kaniyang sinaunang mga lingkod ay may kagalakang nagpuri sa kaniya ng awit sa panahon ng kanilang katubusan. (Exodo 15:1-21; Hukom 5:1-31) Ang Diyos ang mamatnugot sa pagtatatag ng isang musikal na organisasyon para sa paglilingkod sa kaniyang templo. (Awit 68:24-26) Si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga apostol ay nagsiawit ng mga papuri pagkatapos ng Hapunan ng Panginoon. (Marcos 14:26) Si apostol Pablo ay nagpayo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ipahayag ang kanilang mga niloloob sa ‘espirituwal na mga awit, na sinasaliwan ang kanilang sarili ng musika sa kanilang puso kay Jehova.” (Efeso 5:19) At hanggang sa panahong ito, ang pag-awit ay isang palagiang bahagi ng pagsambang isinasagawa ng mga saksi ni Jehova.
3. Ano ang patotoo na ang musika ay may lakas?
3 Hindi maikakaila na may lakas ang musika. Maaaring marating nito ang puso at antigin ang damdamin. Sa gayon, ang makasanlibutang mga awiting-bayan at mga martsa ay ginagamit upang pukawin ang pag-ibig sa bayan. Ang makasanlibutang mga paaralan ay may “panlaban” na mga awitin upang magsilbing inspirasyon sa mga manlalaro nila. Ang mga adbertayser ay gumagamit ng pang-akit na mga himig upang maging mabili ang kanilang mga produkto. Ang ganiyang katibayan ng lakas ng musika ay dapat umakay sa mga Kristiyano na mag-ingat.
Bakit Kailangan na Mag-ingat?
4. Tungkol sa musika, may kinalaman sa ano kailangang lalo nang magpakaingat ang mga sumasamba kay Jehova?
4 Alam din ni Satanas na Diyablo ang bisa ng musika, at kung minsan ay ginagamit niya ito upang maapektuhan ang puso at ihiwalay ang mga tao sa dalisay na pagsamba kay Jehova. Sa bagay na ito, kung gayon, ang tapat na mga Kristiyano ay kailangang ‘pakaingat ng kanilang puso, sapagka’t ito ang pinagmumulan ng buhay.’ (Kawikaan 4:23) Lalo tayong dapat pakaingat upang ang musika na pinakikinggan natin ay hindi maglayo sa atin sa “landas na matuwid” at akayin tayo sa asal na masama at lumalapastangan sa Diyos.—Awit 27:11.
5. Sa pagpili ng musika, bakit tayo dapat na maging labis na pihikan?
5 Napakagandang-loob ni Jehova sa pagbibigay sa mga tao ng regalong musika. Subali’t anong dalas na ito’y ginagamit sa masama! Kung gayon, sa pagpili ng musika, tayo’y kailangang maging labis na pihikan at maunawain. Kahit na hindi natin naririnig ang mga salita, malimit na masasabi natin kung anong uri ng diwa ang nais na pukawin ng ilang mga awit. Kahit na sa malayo, nakilala ni Moises na ang musikang nanggagaling sa kampamento ng mga Israelita ay hindi ‘awitan ng pagtatagumpay o awitan ng pagkatalo.’ Nang marating niya ang kampamento at makita ang ginagawa ng mga tao, nabatid niya na ang musika ay yaong pumukaw sa kanila sa walang patumanggang pagsamba sa idolo. (Exodo 32:15-19, 25) Kaya ngayon ay kailangang suriin natin ang damdamin, o diwa, na pinupukaw sa atin ng musikang pinakikinggan natin. Ito ba’y nakabubuti sa atin, o ito ba’y musika na nagpapasama sa atin?
6. Papaano ginagamit ng Diyablo ang mga ilang musika, kaya’t anong pananalita ni Pablo ang lalong higit na kapit ngayon?
6 Batid ni apostol Pablo na ang hangarin ni Satanas ay pasamain o akayin sa kasamaan ang mga lingkod ni Jehova. Kaya, ipinayo ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na humiwalay sila sa mga taong liko, at ang tanong: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial?” (2 Corinto 6:14-17) Sa ngayon, ang Diyablo ay may katusuhang gumagamit ng sarisaring anyo ng kalikuan sa musika, at sa gayo’y sinisikap na hikayatin ang mga tao tungo sa kasamaan at sa gayo’y italikod sila sa Diyos. Ang nag-alay na mga saksi ni Jehova ay kailangang maging gising sa mga panganib na ito.
Huwag Makibahagi sa mga Demonyo!
7. Papaano masasabi ng isang Kristiyano kung may makademonyong impluwensiya sa isang musika?
7 Sa larangan ng musika ay may mga espirituwal na panganib. Halimbawa, maraming popular na musikero ang kasangkot sa okulto. Mayroong iba na hayagang inaamin nila na sila’y sumasamba kay Satanas, at ang maka-Satanas na impluwensiya ay malimit na mahahalata sa kanilang musika at mga awit. Subali’t papaano masasabi ng isang Kristiyano na may umiiral na makademonyong impluwensiya sa isang musika? Sa mga ilang kaso ay sapat na ang tingnan ang takip ng rekord album. Baka may makita ka rito na nakalarawang mga karakter na nakadamit ng animo’y mga mangkukulam, mga demonyo o mga diyablo. Sa takip ay baka may mga larawang mahiwaga o tungkol sa okultismo. Ang pangalan ng grupo ng mga musikero o mga manganganta o ng isang album ay baka nagpapahiwatig na may kaugnayan iyon sa mga demonyo, pati rin ang mga titulo at mga salita ng mga awit. Halimbawa, ano ang masasabi mo tungkol sa mga titulo ng kanta na gaya baga ng “Sympathy for the Devil” at “Children of the Grave”? Iniulat ng New York Post na isa sa gayong kanta ang “walang lingon-likod na pag-amin” na ang mga musikero niyao’y mga “kanang-kamay ni Satanas.”
8. Sa pamamagitan ng backward masking, anong uri ng mga mensahe ang nasa mga ibang plaka ng musika?
8 Nagkaroon din ng isinaplakang labag-Kasulatan at demonistiko pa ngang mga mensahe sa pamamagitan ng isang pamamaraan na tinatawag na backward masking, na ginamit ng ilang mga grupo sa musika. Kung ang plaka ng isang popular na popular na kanta ay pinatutugtog na pabaligtad, paulit-ulit na sinasabi niyaon, “Decide to smoke marijuana.” (Humitit ka ng marijuana.) Kung patutugtugin nang pabaligtad, isa pang popular na plaka ang may ganitong mensahe: “I will sing because I live with Satan. . . . There’s no escaping it, my sweet Satan.” (Aawit ako sapagka’t kapiling ko si Satanas. . . . Hindi ko maiiwasan iyan, mahal kong Satanas.)
9. Anong uri ng mga idea ang maaaring makapasok sa isip pagka ang isa’y nakikinig sa mga ilang uri ng musika, at papaano ito maaaring maging mapanganib?
9 Mangyari pa, hindi naman karaniwan na pabaligtad kung magpatugtog ng mga plaka ang mga tao. Gayunman, pagka nakikinig sa ilang mga plaka sa musika, baka ang gayong labag-Kasulatan o makademonyong mga idea ay makapasok sa isip na pinabayaang nakatiwangwang upang pasukin ng mga bagay na nakapipinsala. Ang High Fidelity Magazine ay sumipi sa hepe ng isang dibisyon ng isang kompanya na nagsasaplaka bilang nagsasabi: “Ang uri ng pagtanggap na kailangan para sa bagong rock at sa bagong klasikal ay magkaparehung-magkapareho. . . . Kailangang ipaubaya mo ang iyong sarili at pati ang iyong isip sa kanila.” Subali’t isa ba itong kapantasan? Ang isip na nagpapabaya sa espirituwal ay madaling mapanghihimasukan ng mga demonyo!—Mateo 12:43-45.
10. Papaano dapat malasin ng tapat na mga Kristiyano ang ano mang demonistiko?
10 Sa kaniyang minamahal na mga kapananampalataya ay sumulat si apostol Pablo: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos; at hindi ko ibig na kayo’y makisalo sa mga demonyo. Hindi ninyo maiinuman ang kopa ni Jehova at ang kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makisalo sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:20, 21) Ang imoralidad at ang pagkasangkot sa espiritismo, sa okulto o ano mang demonistiko ay walang wastong dako sa buhay ng isang tapat na Kristiyano.—Deuteronomio 18:10-12; Galacia 5:19-21.
11. Ano ang dapat gawin ng Kristiyano kung matuklasan niya na siya pala’y may mga plaka sa musika na demonistiko?
11 Dahilan sa sinasabi ng kinasihang payo, kung gayon, ano ang dapat na gawin ng isang Kristiyano kung sakaling matuklasan niya na siya pala’y may mga plaka sa musika na nagpapakita ng impluwensiya ng mga demonyo? Tunay, dapat na sirain niya ang mga iyon, sapagka’t ang mga lingkod ni Jehova ay hindi kailangang “makisalo sa mga demonyo.” Nang mapasa-katulad na mga kalagayan ang mga sinaunang Kristiyano sa Efeso, sila’y kumilos nang walang pag-aatubili, sapagka’t ating mababasa: “Oo, marami sa mga gumagamit ng mga kabihasnang mahika ang nagsipagtipon ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa harap ng lahat. At kanilang binilang ang lahat ng halaga niyaon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong putol na pilak.” (Gawa 19:19) Ang “mga mangingibig kay Jehova” na iyon ay nangapopoot sa kabalakyutan at hindi sila napigil ng panghihinayang sa mawawalang materyal na kayamanan. Bagkus, sa lubhang ikabubuti ng kanilang espirituwalidad, kanilang pinagsusunog ang makademonyong mga kayamanang iyon.—Awit 97:10.
Iwasan ang Espiritu ng Sanlibutan
12, 13. (a) Anong makasanlibutang espiritu ang kalimita’y kasama ng usong musika ngayon at makikita sa mga musikero, at anong halimbawa mayroon nito? (b) Papaano dapat ikapit ng mga Saksi ni Jehova ang Galacia 6:7?
12 Huwag din nating kaliligtaan ang makasanlibutang espiritu ng walang patumanggang kaguluhan na kalimita’y kasama ng usong musika ngayon at makikita sa mga musikero. (Ihambing ang Efeso 2:1-7.) Halimbawa, nang kanselahin ang isang konsiyerto, libu-libong mga tagahanga ang nagkagulo. Iniulat ng The Toronto Star: “Kanilang pinaghahambalos ang 268 na mga pulis ng mga bote, tanikala at iba pang mga bagay na maihahagis sa walang-taros na pagkakagulo nang may 30 minuto . . . Kanilang winalat ang 200 upuan na nakahinang nang matibay sa mga posteng bakal at nakakabit pa sa kongkreto. Mga silyang bakal ang kanilang binuhat at ipinaghahagis sa entablado. . . . Kanilang pinaglalaslas ang mga molineteng bakal, pinagsisira ang mga bintana sa mga takilya ng tiket at sa restauran sa Grandstand, at pininsala ang kung ilang mga kotse sa labas ng stadium.” Ang Kristiyano ba ay dapat na sumama sa ganiyang mga grupo?
13 Sa ganiyang mga pagtatanghal ay karaniwan nang libreng-libre ang paggamit ng mga inuming may alkohol at ng mga droga. Isa pa, ang musika at mga kilos ng mga nagtatanghal ay nagbibigay-daan sa espiritu ng kawalang-patumangga. Maliwanag, ang uri ng musika na maririnig kung gayong mga okasyon, lakip ang mga elemento na doo’y kasali ang demonismo, mga droga at karahasan, ay tiyak na nakasasama. Kung gayon, ang isang Kristiyano kaya ay maaaring makinig sa musika ring iyan sa kaniyang sariling tahanan nang hindi naapektuhan tungo sa ikapipinsala? Hindi! At walang tapat na saksi ni Jehova na ipagwawalang-bahala ang simulain ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagka’t anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.”—Galacia 6:7.
14. Bakit hindi angkop na makinig at magsayaw sa tunog ng isang kantang nagmumungkahi ng imoralidad?
14 Gayunman, marahil ay sasabihin ng iba: ‘Sa musika’y hindi ang mga salita ang pinakikinggan ko; ang gusto ko lamang ay ang kumpas. Magandang isayaw iyon.’ Subali’t may panganib din ito. Sang-ayon sa The Times-Herald ng Newport News, Virginia, “ang isang masugid na mananayaw ng disco ay baka magsayaw nang magdamagan sa tunog ng isang usong kanta nang hindi na niya napapansin pa ang anuman tungkol sa musika maliban sa kumpas na may kasabay na panginginig at sa hook line, ang tawag ng isang musikero sa isang pananalitang pantawag-pansin na malimit inuulit-ulit.” Totoo, baka ang musika ay may isang kumpas na nakatatawag-pansin sa pagsasayaw, subali’t ano ba ang inihihimok sa atin ng mga salita na gawin? Ano ang pumapasok sa isip ng tagapakinig? Halimbawa, papaanong ang isang tapat na saksi ni Jehova ay makasasayaw sa musika ng isang kanta na nanghihimok sa kaniya, paulit-ulit, na pumaroon at magkasala ng pakikiapid?—1 Corinto 6:9, 10.
15. Ano ang nakasasamang mga kausuhan ngayon sa modernong musika?
15 Sabihin pa, ang nakasisira ng moral na mga liriko ay hindi lamang sa tugtuging rock at disco matatagpuan. Sa maraming lupain o mga bayan-bayan ay mayroong mga anyo ng musika na, marahil ay totoong popular sa isang pamayanan bagaman iyon ay may kumpas o may liriko na marahil ay tunay na hindi minamabuti ng mga tunay na Kristiyano. Tungkol sa country music (sa Estados Unidos), isang artikulo sa The News & Observer ng Raleigh, North Carolina, ang may sabi: “Ang mabababa-lipad na mga anghel at mga lalaking manggagantso ang sa tuwina’y may bahagi sa mga country songs, subali’t kailanma’y ngayon lamang sa kasaysayan ng musika buong linaw na inilalarawan ang kanilang mga pakikiapid.” Sa pagpapahiwatig ng isa pang nauuso at popular nguni’t imoral na musika, ganito ang sinasabi ng The Spokesman-Review: “Ang mga babae ay nagkakantahan tungkol sa sekso sa gabi at sekso sa bulwagang-sayawan at sekso sa kanto ng kalye.” Ang ganiyan kayang mga kanta ay hindi nakasasama?
16. Ano ba ang tutulong sa isang tao na ang puso’y nag-uudyok sa kaniya na makinig o magsayaw sa saliw ng nakasasamang musika tungkol sa sekso?
16 Huwag kalilimutan na ang di-sakdal na puso ng tao ay magdaraya, mapanganib. (Jeremias 17:9) Hinihikayat ka ba ng iyong puso na makinig o sumayaw sa saliw ng musika na alam mong minamasama ni Jehova? Kung gayon, mag-ingat ka! Manalangin ka at humingi ng tulong sa Diyos upang iyong ‘laging matiyak kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon at huwag kang makisali sa mga gawa na ukol sa kadiliman.’ (Efeso 5:10-12; Awit 5:1, 2) Ang iyong matatag na pagtangging makinig o magsayaw kasaliw ng nakasasamang musika tungkol sa sekso ay baka pa makatulong sa pagsaway sa mga iba na ang puso’y inaakay sila sa masama.
17. Kung tungkol sa musika, papaano sa palagay mo maikakapit natin ang payo sa (a) Efeso 5:3? (b) Tito 2:11-14?
17 Yaong mga natabunan na ng espiritu ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay marahil tuwang-tuwang makinig sa nakapipinsalang musika na pumupukaw sa sekso. Nguni’t papaano magiging totoo ito kung tungkol sa tapat na mga Kristiyano? Sila’y pinapayuhan: “Ang pakikiapid at ang ano mang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal.” (Efeso 5:3) Atin na bang ‘itinakuwil ang kalikuan at ang mga pitang makasanlibutan’? Kung gayon ay pakaingat tayo hindi lamang sa ating sinasabi kundi pati sa ating pinakikinggan, na huwag sanang mahaluan ito ng mga kantahin tungkol sa imoralidad. Tayo ay “mamuhay nang may katinuan ng isip at kabanalan at maka-Diyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:11-14.
18. Tungkol sa ating saloobin sa makasanlibutang mga musikero, ano ang mga tanong na maibabangon?
18 Nguni’t ano ba ang iyong personal na damdamin tungkol sa makasanlibutang mga musikero? Tanungin ang iyong sarili: Ang iba ba sa kanila’y ginagaya ko at isinusunod sa kanila ang aking pananamit, pag-aayos at pananalita? Gaano ba ng aking pakikipag-usap ang tungkol sa kanila at sa kanilang musika? Akin bang sinasamba sila bilang idolo sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga T-shirts o jackets na nag-aanunsiyo sa gayong mga iniidolo, o nagbibitin pa man din ng kanilang mga larawan o posters sa kuwarto ko? Ito ba’y nakalulugod kay Jehova, na siyang dapat kong pakundanganan? Sinusunod ko ba ang malinaw na payo ng Bibliya na “magsitakas kayo buhat sa pagsamba sa diyus-diyusan”?—1 Corinto 10:14; Roma 1:24, 25.
Kilalanin ang Ipinagkakaiba ng Mabuti at ng Masama
19. Kung tungkol sa musika, papaano dapat gamitin ang wastong sinanay na mga pang-unawa?
19 Si apostol Pablo ay sumulat: “Ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang, sa kanila na sa kagagamit ay nasanay ang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:14) Ang Kristiyanong mga magulang at mga kabataan ay kailangang gumamit ng kanilang wastong sinanay na mga pang-unawa upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama. Kailangang makilala nila at lubusang itakuwil ang mapandayang mga pang-aakit ng nakapipinsalang musika. Samantalang lalong lumalalim ang pagkakaugat ng kodigo ng moral na “kahit ano puede” sa dominado-ng-Diyablong sanlibutang ito at sa kaniyang musika, ang mga saksi ni Jehova, bata at matanda, ay kailangang maging lalong disidido higit kailanman na iyayon ang kanilang buhay sa mataas na mga pamantayan ng kanilang makalangit na Ama.—Awit 119:9-16; 1 Juan 5:19.
20. Ano ang ipinapayo para sa isang kabataan na nadadala na ng espiritu ng nakapagdududang mga kantang makasanlibutan?
20 Huwag kalilimutan na ang musika ay may lakas. Maaaring maapektuhan nito ang puso. Nadarama mo bang ikaw ay nadadala na ng espiritu ng nakapagdududang mga kantang makasanlibutan? Kung magkagayo’y kumilos ka na kaagad upang maingatan ang iyong puso. Kung isa kang kabataan, ipakipag-usap mo ang iyong kalagayan sa iyong mga magulang na Kristiyano. Manalangin ka kay Jehova na tulungan ka sana sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.—Kawikaan 4:23; Lucas 11:13; Galacia 5:22-24.
21. Papaano matutulungan ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak upang makaiwas sa nakasasamang musika?
21 Mga magulang, ano ba ang ginagawa ninyo upang tulungan ang inyong mga anak na makilala ang ipinagkakaiba ng nakabubuting musika at ng nakasasamang musika? Bilang mga Kristiyano, tumpak ba na payagan ninyo sila na makinig sa mga kanta na nagtatampok ng demonismo, imoralidad ng sekso, pag-aabuso sa droga at karahasan? Kung gayon, bago kayo bumili ng mga plaka o bago ninyo payagan ang inyong mga anak na makinig sa ano mang musika, inyong suriin muna ang takip ng album at alamin kung mayroon iyon ng masamang impluwensiya. Suriin ang mga titulo at ang mga pananalita ng mga kanta. Kung ang mga kanta ay nakapipinsala, may kabaitang ipakipag-usap ninyo iyon sa inyong mga anak. Maaari ninyong banggitin na lahat ng Kristiyano ay dapat na maging ‘mga sanggol kung sa kasamaan nguni’t mga taong lubos kung sa pang-unawa,’ na hindi ang sinisikap ay makaalam ng masama o punuin ang kanilang mga isip ng nakasasamang mga bagay. (1 Corinto 14:20) Pagkatapos ng gayong pag-uusap, tiyak na kayo at ang inyong mga anak ay kikilos upang sirain ang taglay pa ninyong mga plaka na labag sa Kasulatan at magkakaisa kayong magpasiya na hindi na kayo makikinig sa musika na nakasasama.
22. (a) Bakit walang nawawala sa atin na anumang kapalit-pakinabang kung itatakuwil natin ang musika na nakasasama? (b) Ano ang dapat na maging ating saloobin at punto-de-vista sa pagpili ng musika?
22 Napakaraming mabubuti at nakapagpapatibay na mga musika na naaayon sa Kasulatan, at kasali na rito ang nakalulugod na mga awiting pang-Kaharian na nagbibigay-ligaya sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Kaya’t walang nawawala sa atin na anumang kapaki-pakinabang kung itatakuwil natin ang musika na nakasasama. Sa regular na pag-aaral ng Bibliya at ng kaugnay na mga lathalaing Kristiyano, sana’y masanay natin ang ating mga pang-unawa upang makilala ang ipinagkakaiba ng mabuti at ng masama. Pagkatapos ay kumapit tayo nang mahigpit sa mabuti. Kung ang ano mang musika ay labag sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, itakuwil iyon. Makinig sa kaniyang turo at maging matatag ng pananatili sa “landas na matuwid.” (Awit 27:11) Sa ano mang paraan, mangilag sa musika na nakasasama! Gayundin, sana nga ang iyong napiling musika ay maging isang kapurihan sa Diyos, na “saganang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay na ating ikasisiya.”—1 Timoteo 6: 17.
Ano ang Sagot Mo?
□ Ano ang patotoo na ang musika ay may lakas?
□ Papaano mo masasabi na may makademonyong impluwensiya sa isang musika?
□ Ano ang dapat gawin kung matuklasan mo na ikaw pala’y may mga plaka sa musika na nagpapakita ng impluwensiya ng mga demonyo?
□ Kung hinihikayat ang isang tao ng kaniyang puso na makinig o sumayaw sa saliw ng nakasasamang musika, ano ang tutulong sa kaniya?
□ Papaano matutulungan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak upang maiwasan ang musika na nakasasama?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12]
Ang musika na nakasasama ay hindi para sa mga lingkod ni Jehova
[Larawan sa pahina 14]
Dapat bang gayahin ng mga tunay na Kristiyano ang makasanlibutang mga musikero sa pananamit, pag-aayos at istilo ng pamumuhay?