Ang Pangalan ng Diyos sa Kasulatang Kristiyano
Ang Pangalan ng Diyos sa Kasulatang Kristiyano
NANG ang kaniyang Ama’y tawagin ni Jesus ng Diyos, ang Isang kaniyang tinutukoy ay kilala ng kaniyang mga tagapakinig na Judio. Kanilang nakita ang pangalan ng Diyos sa mga balumbon ng Bibliyang Hebreo na nasa kanilang mga sinagoga. Ang gayong balumbon ay ibinigay kay Jesus sa sinagoga sa kaniyang tinubuang bayan, ang Nazaret. Siya’y bumasa ng isang talata buhat sa Isaias na doo’y makalawang beses lumitaw ang pangalang Jehova.—Lucas 4:16-21.
Nakita rin ng mga alagad ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa Septuagint—ang salin ng Bibliya sa Griego, na ginamit ng mga sinaunang Kristiyano sa pagtuturo at pagsulat. Totoo, minsan ay inakala na wala sa Septuagint ang pangalan ng Diyos, nguni’t tiyakang alam na ngayon na ang pangalang ito ay lubhang iginagalang kung kaya’t ang Tetragrammaton (ang terminong ginagamit ng mga iskolar para sa apat na letra na katumbas ng pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo) ay kinopya sa mga letrang Hebreo, doon mismo sa tekstong Griego.
Isinulat ni Aquila ang pangalan ng Diyos sa mga letrang Hebreo sa kaniyang tekstong Griego noon nang ikalawang siglo. Noong ikatlong siglo isinulat ni Origen na “sa pinakawastong mga manuskrito ANG PANGALAN ay nakasulat sa mga karakter na Hebreo.” Noong ikaapat na siglo ang tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome ay sumulat: “Makikita natin ang apat-na-letrang pangalan ng Diyos (a.b., יהוה) sa mga ilang aklat Griego magpahanggang sa araw na ito sa sinaunang mga letra.”
Si Dr. Paul E. Kahle ay sumulat: “Batid natin ngayon na sa tekstong Griego ng Bibliya [ang Septuagint] na isinulat ng mga Judio para sa mga Judio ang Banal na Pangalan ay hindi isinalin sa kyʹrios [Panginoon], nguni’t ang Tetragrammaton na isinulat sa mga letrang Hebreo o Griego ay pinanatili sa gayong MSS [mga
manuskrito].”—The Cairo Geniza, pahina 222, 224.Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin ay na, Hebreo man o Griego ang kanilang wika, pagka binasa ng mga tagapakinig ni Jesus ang Kasulatan ay nakikita nila rito ang pangalan ng Diyos. Makatuwiran na kung kanilang sinisipi ang mga tekstong ito ay susundin nila ang kaugalian na dati nang sinusunod—na inilalagay nila ang apat na letrang Hebreo ng pangalan ni Jehova sa teksto ng kanilang Kasulatang Griegong Kristiyano.
Sa Journal of Biblical Literature, si George Howard, associate professor ng relihiyon sa University of Georgia, ay sumulat: “Yamang ang Tetragram ay nakasulat pa rin sa mga kopya ng Bibliyang Griego na siyang Kasulatan ng sinaunang iglesya, makatuwirang maniwala na iningatan ng mga manunulat ng B[agong] T[ipan], pagka sila’y sumisipi sa Kasulatan, ang Tetragram sa tekstong biblikal.”—1977, Tomo 96, No. 1 pahina 77.
Hinalinhan ng Iba ang Pangalan ng Diyos
Nang malaunan ay inalis na sa kapuwa Septuagint at sa “Bagong Tipan” ang banal na pangalan nang hindi na maunawaan ng mga Kristiyanong di-Judio ang mga letrang Hebreo. Isinulat ni Dr. Kahle: “Ang mga Kristiyano ang nag-alis sa Tetragrammaton at hinalinhan ng kyʹrios [Panginoon], nang ang banal na pangalan na isinulat sa mga letrang Hebreo ay hindi na maunawaan.”—The Cairo Geniza, pahina 224.
Ano ba ang naging epekto ng pag-aalis na ito? Ang sabi ni Propesor Howard: “Ang pag-aalis na ito sa Tetragram, sa paniwala namin, ay lumikha ng kalituhan sa isip ng mga unang Kristiyanong Gentil tungkol sa kaugnayan ng ‘Panginoong Diyos’ at ng ‘Panginoong Kristo.’”—Pahina 63 ng artikulo na sinipi na.
Halimbawa, ang Awit 110:1 ay nagsasabi: “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay.” Ito’y sinipi sa Mateo 22:44 na kung saan, pagkatapos na alisin ang pangalang Jehova, ganito ang mababasa sa karamihan ng modernong mga salin: “Sinabi ng [ang] Panginoon sa aking Panginoon.” Sa gayon, nakalimutan na ng mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang malinaw na pagkakaiba ni Jehova (“ang Panginoon”) at ni Jesus (“aking Panginoon”).
Mayroong mga kabutihan ang pagsunod sa halimbawang sinusunod ng Bibliya na paggamit sa pangalan ng Diyos: (1) Tinutulungan tayo nito na malasin ang Diyos bilang isang Persona, at hindi lamang isang puwersa. (2) Tinutulungan tayo nito na lalong maging malapit sa kaniya. (3) Inaalis nito ang pagkalito, at pinatatalas ang ating kaisipan tungkol sa kaniya, anupa’t ang ating kaisipan ay lalong napapalapit sa talagang itinuturo ng Bibliya.
[Larawan sa pahina 9]
Ang Banal na Pangalan, sa mga karakter na Hebreo, ay nasa mga unang saling Griego ng Kasulatang Hebreo