Pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa Isang Natatakot na Daigdig
Pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa Isang Natatakot na Daigdig
1. Anong walang katulad na kalagayan ng pagkatakot ng daigdig ang inihula ng pinakadakilang propeta sa kasaysayan ng sangkatauhan?
ANG pinakadakilang propeta sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, si Jesu-Kristo, ay nanghula tungkol sa panahon ng pagbabago ng daigdig na nagsimula sa pagsisiklab ng Digmaang Pandaigdig I noong 1914 at binanggit niya ang ganitong pandaigdig na kaisipan: “Nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagka’t yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.”—Lucas 21:26, 27.
2. Sino ang mga tao na hindi nangatatakot, at bakit?
2 Gayunman, bagaman waring kataka-taka, mayroong mga tao na hindi nangatatakot at hindi nanlulupaypay nang dahil sa panghihina. Sila’y ang mga saksi ni Jehova na matatagpuan ngayon sa 205 mga bansa. Kanilang ginagawa ang ipinayo ni Jesus: “Nguni’t pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28.
3. Bakit ang Mesiyanikong Kaharian ay hindi itinatag sa Jerusalem sa Israel, at bakit hindi nahadlangan ng Liga ng mga Bansa at ng humalili rito ang panahong nuclear?
3 Sa ngayon, higit kailanman, ay lalong mariin ang katibayan na “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” “ang mga panahon ng mga Gentil,” ay natapos noong huling kalahati ng 1914 at na noon ang ipinangakong Kaharian ng Diyos na Jehova sa ilalim ni Jesu-Kristo ay itinatag sa langit upang magpuno sa gitna ng mga kaaway niyaon. (Lucas 21:24, NW, Authorized Version) Samakatuwid, hanggang sa araw na ito ang Mesiyanikong Kahariang iyan ay hindi itinatag sa makalupang Jerusalem. May katuwiran ding sabihin na ang Liga ng mga Bansa ay hindi “ang makapolitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.” Ang humalili sa Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa (UN), sa mahigit na 35 taon ng pag-iral, ay hindi naging kasagutan sa mga panalangin ng Sangkakristiyanuhan; hindi nahadlangan nito ang pagsapit ng panahong nuclear.
4. Ang Liga ng mga Bansa ay talagang isang sabuwatan laban sa ano?
4 Kahit na sa unang-una pa na imungkahi ang pagtatayo ng isang liga ng mga bansa hanggang sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang mga Saksi ni Jehova ay buong tapang ng loob na nagbigay-babala na ang gayong uri ng gawang-taong mga panghalili para sa maharlikang pamahalaan ni Jehova sa ilalim ni Kristo ay mabibigo. Ang kanilang pagkilos ay ginabayan ng hula sa Isaias 8:12: “Huwag ninyong sabihin, Isang pagbabanta, sa lahat ng sasabihin ng bayang ito, Isang pagbabanta; huwag kayong matakot ng kanilang takot, o mangilabot man doon.” (AV) Ang gawang taong panukalang iyon ay talagang sang “sabuwatan.” Oo, isang sabuwatan laban sa mahalagang mga intereses ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo (NW, Revised Standard Version) Paano, kung gayon, pagpapalain at tatangkilikin iyon ng Hari ng mga hari, ang Diyos na Jehova?
5. (a) Sa kabila ng nilalaman ng “balumbon,” ano ba ang lasa niyaon kay Ezekiel nang kainin niya “ang balumbon ng aklat”? (b) Ano bang uri ng karanasan iyon pagka inilagay sa ating mga bibig ang Salita ng Diyos upang tayo’y magsilbing mga saksi niya?
5 Ang mensahe ng Kaharian na patuloy pa ring ibinabalita ng mga Saksi ni Jehova ay isang hamon nga sa kanila sa isang sanlibutan na kasalungat ang lakad. Ang karanasan nila ay gaya ng kay propeta Ezekiel, nang siya’y isang bihag sa lupain ng Babilonya, mga ilang taon bago ang Jerusalem ay niwasak ng mga Babiloniko noong 607 B.C.E. Tulad ng apostol nang bandang huli sa isla ng Patmos, si Ezekiel ay binigyan ng isang “balumbon ng isang aklat.” Sinasabi sa atin ng propeta: “Nasusulatan iyon sa harap at sa likod; at may nakasulat doon na mga panaghoy at pananangis at mga daing.” (Ezekiel 2:9, 10) Pagkatapos na sundin ang tagubilin ng Diyos na kainin itong “balumbon ng isang aklat,” si Ezekiel ay nagsabi: “Sa aking bibig ay naging parang pulot ito sa katamisan.” (Ezekiel 3:1-3) Sa ngayon, kung ang Salita ng Diyos ay ilalagay sa bibig ng sinuman sa atin upang tayo’y magsilbing kaniyang mga tagapaghatid-balita, ito’y isang matamis na pribilehiyo, kahit na anupaman ang laman ng Salitang iyan, maging mga panaghoy, pananangis at mga daing. (Ihambing ang Awit 19:7-10.) Lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang isiniwalat na Salita ng Diyos pagkatapos na kanilang kainin ito magmula na noong 1919 na tapos na ang digmaan. Sila’y pinalakas nito, gaya ng literal na pulot na nagbigay-lakas kay Jonathan.—1 Samuel 14:26, 27.
6. Habang nalalapit ang araw ng paghihiganti ng Diyos, bakit kailangan ang lakas-ng-loob, nguni’t ano ang matitiyak ng mga Saksi ni Jehova?
6 Habang “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos” ay mabilis na nalalapit, kailangan ang lakas-ng-loob para sa mga Saksi ni Jehova na maibalita ang tungkol sa “mga panaghoy at pananangis at mga daing” sa malapit na hinaharap para sa buong lipunan ng sangkatauhan. (Isaias 61:1, 2) Ang naghahanap-ng-ginhawang mga tao ng pinagbabantaan ng panganib na sanlibutang ito ay walang hilig na makinig sa ganiyang pasabi na sinasalita ng mga Saksi ni Jehova. Subali’t yamang sila’y sinusugo ng Diyos upang magpalaganap ng kaniyang Salita, matitiyak nila na sila’y kaniyang tatangkilikin sa mismong araw ng kaniyang paghihiganti.
7. Paano ginawa ni Jehova na si Ezekiel ay maging kasukat ng kaniyang mga pangangaralan?
7 Hindi nakatutuwa na ang mga tao ay tumangging makinig, nguni’t pakinggan natin ang sinabi ng Diyos kay Ezekiel: “Subali’t kung para sa sambahayan ni Israel, hindi nila iibigin ang makinig sa iyo, sapagka’t ayaw nilang makinig sa akin; sapagka’t ang buong sambahayan ni Israel ay matitigas ang ulo at may mapagmatigas na loob. Narito! Aking pinagmatigas ang iyong mukha kagayang-kagaya ng sa kanilang mukha at pinatigas ko ang iyong noo na kagayang-kagaya ng kanilang mga noo. Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kaysa pingkiang bato ang iyong noo. Huwag mo silang katatakutan, at huwag kang masisindak sa kanilang mga mukha, sapagka’t sila’y isang mapaghimagsik na sambahayan. . . . At yumaon ka, pumaroon ka sa mga bihag, na iyong mga kababayan at magsalita ka sa kanila at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova,’ sa dinggin man nila o sa itakuwil man nila.”—Ezekiel 3:7-11.
8. Papaano hinarap ng uring Ezekiel ang nakatatakot na situwasyon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, at ano kaya kung makinig ang mga klerigo?
8 Isang nakatatakot na situwasyon na katulad niyan ang napaharap sa nalabi ng mga Kristiyanong iyon na inianak ng espiritu ng Diyos upang maging kaniyang mga espirituwal na anak at mga pinahiran ng kaniyang espiritu upang maging kaniyang hinirang na mga saksi. Sila ang bumubuo ng ika-20-siglong uring Ezekiel. Sa gayon, tulad din ni Ezekiel, sila’y hindi umurong dahilan sa nakatatakot na mga pagmumukha ng propesyonal na nakaabitong kagulat-gulat na mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan, na marahil ay nag-aangkin na sila’y mga espirituwal na Israelita. Kung pinalambot sana ng gayong mga lider ng relihiyon ang kanilang mga mukha at nakinig sa mensahe ng Kaharian na ipinangangaral ng pinahirang nalabi sapol noong 1919, disin sana’y hindi ibinunsod ng Sangkakristiyanuhan ang ikalawang digmaang pandaigdig na higit na lalong malaki at lalong malaking pinsala ang nagawa sa buong daigdig kaysa roon sa una.
9. Paanong ang nalabi at ang kanilang nag-alay na mga kasama ay ginawang kasukat ng kanilang mga pinangangaralan?
9 Sa ngayon, kahit na sa kabila ng lumulubhang pagbabanta ng isang digmaang nuclear bagaman may organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa (UN), hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo ng mga pinuno ng relihiyon sa mga tagapagbalita ng Kaharian. Kaya’t ang pinahirang nalabi bilang mga embahador ng Kaharian at ang kanilang nag-alay at bautismadong mga kasama buhat sa lahat ng bansa ay kailangang magpatigas ng kanilang mga mukha gaya ng isang diamante dahilan sa mahigpit na pananalansang ng mga relihiyoso. Sila’y patuloy pa ring nagsasalitang walang takot ng Salita ng Diyos.
10. Dapat sanang sa anong dahilan ang mga Saksi ni Jehova ay pinakinggan ng mga klerigo at ng kanilang mga parokyano, at ano ang kailangan pang makilala ng gayong mga relihiyonista?
10 Ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan at ang kanilang mga parokyano ang dapat sanang nakaunawa sa mensahe at sa payo ng mga Saksi ni Jehova. Ang sinasabi ng mga Saksi ay kanilang kinukuha sa mismong Bibliya na inaangking pinaniniwalaan ng mga relihiyonista ng umano’y sanlibutang Kristiyano at ipinamamahagi sa maraming wika ng kanilang mga samahan sa Bibliya. At ang nangyayari’y kagaya ng sinabi ng Diyos na Jehova kay Ezekiel, sang-ayon sa New World Translation: “At ang mga anak ay may mga mukhang walang galang at matitigas na puso—sinusugo kita sa kanila, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.’ At sila, sa dinggin man nila o hindi—sapagka’t sila’y mapaghimagsik na sambahayan—kanilang tiyak na makikilala rin na isang propeta mismo ang naparoon sa gitna nila.”—Ezekiel 2:4, 5.
11. Ano ba ang ipinakita ng Sangkakristiyanuhan sa sinugo ni Jehovang nalabi, at papaano niya pinapangyaring maisagawa ng nalabi ang naghahamong pagkasugong ito?
11 Ang mukhang walang galang at katigasan ng puso ang ipinakita ng nag-aangking espirituwal na Israel, ang Sangkakristiyanuhan, sa pinahirang nalabi na sinugo ng Soberanong Panginoong Jehova upang magdala ng kaniyang pangkatapusang mensahe sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 14) Batid ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na kaniyang maisasangkap sa modernong kahalintulad ni Ezekiel ang kawalang-takot na magbibigay ng lakas ng loob sa pinahirang nalabing ito upang isagawa at tapusin ang naghahamong pagkasugong ito.
12. Anong maling paratang ang sa gayo’y iniilagan ni Jehova, at tungkol dito’y anong pangyayari ang magpapatunay na siya’y may malinis na rekord?
12 Nilayon ng walang kapintasang Diyos na ilagan ang lahat ng marahil ay maling ipaparatang sa kaniya na kapabayaan, ng hindi pagbibigay ng nararapat na babala sa mga nasa panganib. Malapit na ang pangyayari na kung saan patutunayan kung ano tayo talaga. At kung magkagayon, ang mga ayaw makinig ay sapilitang makakakilala sa bagay na si Jehova’y nagkaroon ng propeta sa gitna nila. Ito’y mangyayari pagka ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay dumanas na ng walang-hanggang pagkapuksa sa kamay ng mga kapangyarihang politikal na kaniyang mga kalaguyo nang siya’y walang kahiya-hiyang nagkakasala ng espirituwal na pagpapatutot. Sa ganito’y may malinis na rekord ang Diyos na kinauukulan ng tunay na pagsamba.
13. Dahilan sa pagtupad ni Jehova ng anong pangako sa nalabi, sa papaano nagsilbing isang mabuting halimbawa iyon sa “mga ibang tupa”?
13 Ang kawalang-takot na magsalita na ipinakikita ng pinahirang nalabi hangga ngayon ay dahil sa pagtupad ni Jehova ng kaniyang pangako: “Narito! aking pinagmatigas ang iyong mukha kagayang-kagaya ng sa kanilang mukha at pinatigas ko ang iyong noo na kagayang-kagaya ng kanilang noo. Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kaysa pingkiang bato ang iyong noo. Huwag mo silang katatakutan, at huwag kang masisindak sa kanilang mukha, sapagka’t sila’y isang mapaghimagsik na sambahayan.” (Ezekiel 3:8, 9) Sa ganiyang pagpapatibay sa kanila, ang nalabi ay nagsilbing isang nakapagpapatibay na halimbawa sa dumaraming “mga ibang tupa” na ipinangako ni Jesu-Kristo, ang Mabuting Pastol, na titipunin sa panig ng kaniyang pinahirang nalabi. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9-17) Bilang mga Saksi ni Jehova, itong “mga ibang tupa” ay naging kasingtapang ng isang leon.
14, 15. (a) Dahilan sa anong kaibahan nila kung kaya maraming saksi ni Jehova sa loob at sa labas ng mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ang dumaranas ng pagkabilanggo? (b) Papaanong ang gayong pagkabilanggo ay may naiibang epekto sa malalayang mga Saksi, na iba kaysa maaaring asahan?
14 “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumutulad sa Babilonyang Dakila. Kaya naman, kapuwa sa loob at sa labas ng mga bansa ng Sangkakristiyanuhan, sila’y may mga kapananampalatayang Kristiyano na dumaranas ng pagkabilanggo dahilan sa kanilang lubos na pagkaneutral o pagkawalang pinapanigan. Ito’y hindi nakapaghahasik ng takot sa mga Saksing malalaya pa at hindi nangakabilanggo, anupa’t nakakatulad ito ng pangyayari sa mga kapatid na Kristiyano ni Pablo sa Roma. Sa isang kaso sa hukuman ay umapela si Pablo sa Cesar ng Roma upang bigyan siya ng katarungan, at ang hukom ay nagpasiya: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka tutungo.” (Gawa 25:10-12) Kaya’t si Pablo ay dinalang nakatanikala sa Roma at ipiniit doon, habang naghihintay ng paglilitis. Narito siya sa gayong kalagayan nang sumulat siya sa kaniyang minamahal na mga kapuwa Kristiyano sa siyudad ng Filipos, Gresya, at ang sabi:
15 “At karamihan ng mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y magtitiwala dahilan sa aking pagkabilanggo, ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Filipos 1:14.
16. Sa kabila ng pagkabilanggo ng mga kapatid na Kristiyano, ang mga malalayang saksi ni Jehova ay nagpakita ng anong katangian kaagad pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, at bakit kailangan ang ganiyan ding katangian sa ngayon?
16 Medyo nahahawig dito, nang matapos noong taong 1918 ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga nangungulo at mga kagawad sa punong-tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society ay ibinilanggo nang dahil sa mga maling paratang. Nang manumbalik ang kapayapaan, kaagad gumawa ng lakas-loob na paghakbang ang mga kapatid sa labas upang sila’y makalaya. Noong 1919 ay pinalaya sila buhat sa bilangguan at ang kanilang kaso ay pinawalang-saysay ng hukuman. Sa gayo’y pinawalang-sala sa lahat ng mga maling paratang. Ang gawain na pangangaral ng mabuting balita ng tatag nang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay ipinagpatuloy na taglay ang lakas ng loob na higit pa sa dati, at sinuway ang pag-uutos ng Babilonyang Dakila at ng kaniyang mga kalaguyo. Sa ngayon, na lalong maraming mga saksi ni Jehova na nangabibilanggo kaysa noong Digmaang Pandaigdig I, pananagutan ng kanilang malayang mga kapatid sa labas na “salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”
Yaong mga Naglalagay sa Sangkakristiyanuhan sa Kahihiyan sa Pamamagitan ng Pakikinig
17. (a) Tungkol sa mga may hilig na makinig, ano ang sinabi ni Jehova kay Ezekiel? (b) Pagkatapos na maibuhos ang pagsisikap ay kanino naman ibinaling ang napapanahong atensiyon may kaugnayan sa mga taong may hilig na makinig, at papaano?
17 Ang isang kawili-wiling tanong ay, Sino kaya ang malamang na maging mga tagapakinig? Tungkol dito’y sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Sapagka’t ikaw ay hindi sinugo sa isang bayan na may ibang wika o mahirap na salita . . . na ang mga salita ay hindi mo nauunawa. Kung sa kanila kita sinugo, sila nga ay makikinig sa iyo.” (Ezekiel 3:5, 6) Obligado ang propeta na ipagpatuloy ang kaniyang pagsasalita ng salita ng Diyos sa kaniyang sariling mga kababayan, sa mga nasa bansang Israel nang sila’y bihag sa lupain ng Babilonya. Gayundin naman, hanggang sa kalagitnaan ng ikaapat na decada ng ating ika-20 siglo, ang pinagbuhusan ng pagsisikap ng pinahirang nalabi ng espirituwal na Israel ay matipon ang mga pangkatapusang miyembro ng espirituwal na Israel sa “kulungan” ng “munting kawan,” na sinang-ayunan ng makalangit na Ama na pagbigyan ng Kaharian, upang magharing kasama ng kaniyang Anak para sa ikapagpapala ng tinubos na sangkatauhan. (Lucas 12:32) Pagkatapos ay ibinaling ang napapanahong atensiyon sa mga salita ng kaniyang Anak sa Juan 10:16 at sa kanilang kaugnayan sa Apocalipsis 7:9-17.
18, 19. Bakit kailangan ang kawalang-takot noong 1935 sa pagpapakilala na ang “lubhang karamihan” ay yaong “mga tupa” na gagawing ‘kaisang kawan’ ng pinahirang nalabi?
18 Sa Juan 10:16 ay sinabi ni Jesus, na Anak ng Diyos: “At mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”
19 Para sa mga uuriin na “mga ibang tupa” na makikinig sa tinig ng “isang pastol” sa panahong ito ay kailangan ang kawalang takot. Dumaranas noon ang mga Saksi ni Jehova ng maapoy na pag-uusig sa kamay ng makabansang mga magkakapanalig sa ilalim ni Adolf Hitler, at sila’y tinatangkilik ng klerong Iglesya Katolika Romana na kinaaniban ng Nasing si Hitler. Kaya’t sa gitna ng ganiyang kapaligiran sa sanlibutan, kailangan para sa presidente ng Watch Tower Society ang malaking pananampalataya, matibay na paniniwala at kawalang-takot nang kaniyang itawag-pansin, noong 1935, na ang “lubhang karamihan” sa Apocalipsis 7:9-17 (AV) ay bubuuin nitong “mga ibang tupa” na inihula at sila’y gagawing ‘kaisang kawan’ ng pinag-uusig na pinahirang nalabi na nasa “kulungang ito.” Gayunman, kailangang kaniyang “salitaing walang takot ang salita ng Diyos.” At ganoon nga ang ginawa niya.
20. Ano ba ang itinugon niyaong naging “mga ibang tupa,” kaya’t gaano na ang inilaki ngayon ng “kawan”?
20 Sa unang-una pa lamang, daan-daan ang nagsitugon, at walang pasubaling nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “isang pastol” at kanilang sinagisagan ang pag-aalay na iyon sa pamamagitan ng pangmadlang pagpapalubog sa tubig. At narito na tayo ngayon, bagaman pansamantalang napahinto dahilan sa Digmaang Pandaigdig II, na ang “mga ibang tupa” na ito ay nabuo na sa isang “kawan” na may dalawa at kalahating angaw na miyembro o higit pa, sa 205 mga bansa. Marami sa mga bansang ito ang nasa labas ng tinatawag na Sangkakristiyanuhan, tulad halimbawa ng Hapon, na kung saan may taunang aberids na mahigit na 70,000 nag-alay na mga tagapagbalita ng mensahe ng Kaharian, sa Korea ay mahigit na 30,000 at sa Nigeria ay mahigit na 100,000.
21. Dahil sa pagtugon nino sa panawagan ng “isang pastol” kung kaya napapahiya ang Sangkakristiyanuhan?
21 Hindi maikakaila, ang matigas-mukha at puso na Sangkakristiyanuhan ay napapalagay sa kahihiyan dahilan sa gayong pagtugon sa panawagan ng “isang pastol” sa mga bansa na kung saan ang sinasalitang wika ay baka mahirap at medyo hindi maunawaan niyaong mga nasa Sangkakristiyanuhan, lalo na ang relihiyosong wika ng kanilang mga pamamalakad ng relihiyon. Yaong nagiging “mga ibang tupa” ni Kristo ay nagpapakita ng kapuri-puring tibay-ng-loob samantalang hindi nila alintana kung ano kaya ang iisipin ng sanlibutan at sila’y nakikiisang-kawan sa ilalim ng “isang pastol” bilang kanilang bigay-Diyos na Lider at Tagapagligtas. Tulad ng kanilang Pastol, kanilang sinasalitang walang takot ang Salita ng Diyos.
22. Sa pagsasalita ng Salita ng Diyos, ano ang kailangang maging kaisipan ng mga Saksi ni Jehova, na kabaligtaran ng sa sanlibutan?
22 Lumulubha ang pagkatakot ng sanlibutan. Sa impluwensiya ng mga demonyo ang mga bansa ay mabilis na patungo sa larangang-digmaan ng Har-Magedon para sa pangkatapusang labanan na tagisan ng lakas. Ang mga Saksi ni Jehova ay panatag na tatayo sa isang tabi at kanilang panonoorin ang kaniyang Diyos samantalang kinakamit niya ang tagumpay. Pagkatapos na sila’y makaligtas sa Digmaan ng lahat ng digmaan, sila’y makikisama sa nagsasayang mga hukbo sa kalangitan sa pag-awit ng papuri sa di-maigugupong Diyos, si Jehova, at sa kaniyang makapangyarihang Mariskal de-Kampo, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 16:13-16) Hindi panahon ito ng pag-urong! Sumulong kayo, kung gayon, kayong nagkakaisang kawan ng mga Saksi ni Jehova, sa ‘pagsasalita nang walang takot sa salita ng Diyos’ hanggang sa ang lupa ay mapuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.—Isaias 11:9; Ezekiel 47:1-5.
Natatandaan Mo Ba?
□ Ano ang naging karanasan ni Ezekiel sa Babilonya, at ano ang kahalintulad nito sa modernong panahon?
□ Dahilan sa ipinakikitang saloobin ng mga klerigo, bakit ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang walang takot sa pagpapalaganap ng kaniyang Salita?
□ Papaano ang nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay nagdala ng kanilang mensahe sa “isang bayan na may ibang wika”?
□ Anong kaisipan ang kailangang ipakita mo ngayon at sa hinaharap?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga Saksi ni Jehova ay walang takot sa harap ng pagtutol at katigasan ng mga pinunong relihiyoso