Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Pakitang-Tao Lamang
“Halos 200 taon nang sa araw-araw ay sinisimulan ng Kongreso ng E.U. ang kaniyang mga deliberasyon sa pamamagitan ng panalangin,” ang sabi ng isang artikulo sa The Oregonian. “Sa may 100 senador, marahil lima ang presente roon uma-umaga . . . Sa Kapulungan, na kung saan ipinakikita sa telebisyon ang pangyayari, mas marami ang naroroon—baka 20 sa 435. Sa mga presente roon, halos walang sinuman na naroon dahil sa panalangin.”
Kung gayon ay bakit pa mayroong gayong mga panalangin? Ang artikulo ay nagpapatuloy pa: “Ang mga dasal sa Kongreso—sa totoo’y hinahamak at itinuturing na isang walang kabuluhang gawang pagbabanal-banalan—ay tinatangkilik ng relihiyosong mga politiko bilang katunayan na sila’y mabubuti. Ang mga botante ay ipinagpapalagay na padadala sa pangangatuwiran na minsa’y sinabi ni A. J. Liebling: ‘Ang taong nagsisimba—mabuting tao, hindi nagsisinungaling. Ang taong hindi nagsisimba—masamang tao, nagsisinungaling.’”
Tinuligsa ni Jesus ang panalanging pakitang-tao lamang. (Mateo 6:5, 6) Ang mga taong gayon kung manalangin ay nasa uri na sinabi ni Jesus na ‘nagpaparangal sa Diyos ng kanilang labi, nguni’t malayo sa kaniya ang kanilang puso.’—Mateo 15:8.
Paralitiko ang UN
“May dalawang taon na magkasunod,” sabi ng The Times ng London, “na si Señor Javier Perez de Cuellar, ang Secretary-General ng United Nations, ay nagpalabas ng report na ipinaghihinanakit ang hilig ng pandaigdig na komunidad na walaing-bahala at labanan ang UN sa pagtataguyod nila ng kani-kanilang mga kapakanang pambansa.” Siya’y sinipi sa kaniyang sinabi na ang sinusunod ng daigdig ay ‘isang pamamalakad na kung saan ang pagkamagkakaribal ang nangingibabaw sa diplomasya at ang mga gantihan ang patakaran imbis na kooperasyon.’
Sinabing ang report sa taóng ito ay “lalong malubha kaysa una,” at nagpatuloy pa ang artikulo: “Para kay Señor Perez de Cuellar ang kaisa-isang pinakamahalagang salik, na humahantong sa tinatawag niyang ‘ang pagkalumpo ng kalahating katawan ng United Nations bilang tagapag-ingat ng internasyonal na kapayapaan at seguridad’, ay ang panghihina ng ipinangakong gagawin ng lahat ng bansa, lalo na ang limang permanenteng miyembro ng Security Council . . . na magtulungan ayon sa binalangkas nila sa UN.”
Sinabi ng artikulo na ang Estados Unidos at ang Union Soviet ang may pinakamalaking pagkakasala at binanggit na “ang mga plano para sa paglutas ng partikular na mga problema . . . ay walang kabuluhan hanggang’t hindi nagkakasundo na magtulungan ang mga superpowers.”
Ang alitan at di-pagtutulungan ng mga makapangyarihang bansa ng daigdig, hanggang sa ating “panahon ng kawakasan,” ay inihula noon pang una ni Daniel, na sumulat: “Ang kanilang puso ay nakahilig sa paggawa ng masama, at sila’y magsasalita ng kabulaanan sa isang dulang. Nguni’t walang anuman na magtatagumpay.” (Daniel 11:27; 12:4) At ngayon na paralitiko ang UN at hindi makapagtatag ng “pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan” ay lalong napatitingkad ang sinabi ni Jesus na “ang bahay na baha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay babagsak.” (Lucas 11:17) Tanging ang Kaharian ng Diyos ang magdadala ng tunay at walang hanggang kapayapaan at katiwasayan sa lupa.—Isaias 9:6, 7.
Ang Paniniwala ng mga Bata
“Maraming batang mag-aarál ang naniniwala sa argumentong si Jesu-Kristo ay isang dayuhan na galing sa ibang planeta,” ang pag-uulat ng
The Guardian. Ito’y natuklasan nang pasulatin ng mga sanaysay ang mga 13-anyos na batang lalaki sa mahigit na isang daang paaralan sa paksang “Ang Aking Paniniwala.” Sang-ayon kay Mr. Martin Rogers, na autor ng report, “si Elias ay isa sa mga propeta sa space age sa kaniyang pagpanaw na nakasakay sa isang karo at si Jesus naman ay isa pang astronaut.” Isang estudyante ang sumulat: “Sa palagay ko’y isang siyentipiko ang Diyos at tayo ay kaniyang mga eksperimento.”“Karamihan ng mga batang mag-aarál ay waring litung-lito sa kanilang natuklasan sa Bibliya,” ang sabi ng The Guardian. “Ang kahima-himalang mga pangyayari na gaya ng pag-urong ng Dagat na Pula ay ‘iniharap na parang Father Christmas story’ at marami ang may akala na ang mga himala ng pagpapagaling ay sosyolohikal.”
Anong laking kaibahan nito sa kaso ng kabataang si Timoteo! Tungkol sa kaniya ay nasulat: “Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” Ang pantas na mga magulang sa ngayon ay magtuturo rin sa kanilang mga anak na kabataan ng wastong kaalaman sa Bibliya, upang magkaroon sila ng matibay na pananampalataya sa Diyos at maingatan laban sa “maling tinatawag na kaalaman.”—2 Timoteo 3:15; 1 Timoteo 2:3, 4; 6:20, 21.