Ang Magandang Bunga ng Pagiging Matapatin
Ang Magandang Bunga ng Pagiging Matapatin
□ Nais ni Louis na magkaroon ng polisa sa seguro sa buhay at ng isa pa para sa disabilidad. Nguni’t siya’y isang diabetico. Sa aplikasyon ay kailangang sagutin niya ang tanong na: May diabetes ka ba o sa lahi ninyo’y mayroon nito? Ang sagot ni Louis ay wala. Ang ibig ng kompanya ng seguro ay magkaroon siya ng pisikal, nguni’t nang araw ng pisikal, hindi kumain si Louis, kaya nang siya’y rikonisihin ay walang nakitang labis na asukal sa kaniyang dugo. Kaya’t nakuha ni Louis ang kaniyang mga polisa.
Subali’t binagabag siya ng kaniyang budhi nang makipag-aral na siya ng Bibliya. Sinabi niya sa kaniyang ahente ng seguro ang ginawa niya. Ipinayo sa kaniya ng ahente na huwag niyang sabihin iyon sa kompanya nguni’t nagpumilit si Louis at sumulat doon. Nguni’t pinayagan pa rin siya na ipagpatuloy ang seguro sa buhay, pero kinansela nila ang seguro sa disabilidad, at kanilang isinauli ang lahat ng naibayad sa seguro, pati tubo. Ngayon si Louis ay naglilingkod sa Diyos na may malinis na budhi.
□ Ang mga bata ay maaaring maging matapatin din. Ang siete-anyos na si Eugene ay nagpunta sa Lost and Found Department sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova at ibinigay doon ang barya na kaniyang napulot. Siya’y tinanong ng nangangasiwang ministro kung bakit pa niya dinala iyon doon. Ano ba ang mabibili ng isang penny? “Puedeng bubble gum o isang kendi,” sabi ni Eugene. Bueno, hindi raw kaniya ang baryang iyon, at kung itatago niya iyon ay magagalit si Jehova. Ang sabi ng nangangasiwa: “Mabuti iyan. Maraming salamat, at sana ang nawalan nito ay pumarito at kunin ito.”
□ Sa isa pang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, sa palibot ng stadium ay may napulot na maraming kuwarta, singlaki ng $20, at ibinigay sa Lost-and Found Department ng mga bata, bagaman hindi sila sinabihan ng kanilang mga magulang. Karaniwan ito sa ganitong mga pagtitipon.
Kailangan ang pagiging matapatin sa lahat ng ibig makalugod sa Diyos. Ang “budhing mapagtapat” ay nagdudulot ng kaligayahan. (Hebreo 13:18) Oo, maraming ibinubungang kagandahan ang pagiging matapatin.