Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
■ Mayroon bang dahilan sa Kasulatan upang ang mga Saksi ni Jehova ay huwag gumamit ng mga panghalili sa dugo o “artipisyal na dugo”?
Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagtangging pasalin ng dugo dahil sa kanilang relihiyon. Mula pa ng panahon ni Noe ang mga tunay na mananamba ay tumangging kumain ng dugo. (Genesis 9:3, 4) Ang dugong nanggaling sa isang hayop ay kailangang itapon; hindi dapat na itinggal. (Deuteronomio 12:22-25) Iniutos sa mga Kristiyano na sila’y ‘lumayo sa dugo.’ Kaya’t ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapasalin ng dugong nanggaling sa iba; at hindi rin nila tinutulutang kunan sila ng dugo, imbakin iyon at sa hinaharap ay muling ipasok iyon sa kanilang katawan sa pamamagitan ng kanilang mga ugat.—Gawa 15:28, 29.
Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumututol na ang tumagos na dugo’y halinhan ng mga solusyon na panghalili sa dugo. Ang ilan sa karaniwang ginagamit ay saline solution, Ringer’s lactate, dextran at Hespan.
Kinikilala ng mga doktor na ang gayong mga plasma-volume expanders ay may dulot na mga bentaha, isa na roon ang hindi paghahantad sa pasyente sa maraming sakit at iba pang mga panganib ng pagpapasalin ng dugo. Isa pa, napatunayan na karamihan ng mga pasyente ay maaaring tumanggap na isang higit na mababang blood count kaysa dating inaakala na posible.
Noong nakalipas na mga taon ay sinubok ang isang flourinated blood substitute (tinatawag na artipisyal na dugo) na waring nakapaghahatid ng oksiheno sa mga selula ng katawan. Tinatayang may panganib ang paggamit nito hangga’t hindi lubusang nasusubok. Subali’t hindi ito galing sa dugo kaya’t ang paggamit nito ay hindi labag sa sinanay-sa-Bibliyang budhing Kristiyano.