Ikaw Ba’y Nagbubulay-bulay o Basta Nangangarap Nang Gising?
Ikaw Ba’y Nagbubulay-bulay o Basta Nangangarap Nang Gising?
SAMANTALANG ang dikawasang kainitan ng Negeb ay nagbibigay-daan sa kalamigan ng gabi, isang binatang nagngangalang Isaac ang lumisan sa kaniyang tolda at namasyal “upang magbulay-bulay sa kabukiran.” Kung ano ang kaniyang mga iniisip noon, ito’y hindi sinasabi ng Bibliya. Gayunman, matitiyak natin na yao’y hindi isang walang saysay na romantikong pangangarap lamang ng gising. Dahil sa napipintong pag-aasawa ni Isaac ay babalikat siya ng mga bago at mabibigat na pananagutan. Ang anak na magiging bunga ng pagsasamang ito ang magpapatuloy ng angkan na pagmumulan ng ipinangakong “Binhi,” o Mesiyas. Hindi nga kataka-taka na si Isaac ay gumugol ng mga sandali ng pagbubulay-bulay. Subali’t nang ang kaniyang pagbubulay-bulay ay sandaling mapahinto nang matanaw niya ang dumarating na mga kamelyo, anong lakas marahil ng pagtahip ng kaniyang dibdib! Sapagka’t nakasakay sa isa sa mga kamelyong iyon ang kaniyang nobya, si Rebeka.—Genesis 24:62-67; 22:17, 18.
Sa salaysay na ito ay itinatampok ang isang bagay na dapat maging bahagi ng pamumuhay ng bawa’t Kristiyano: PAGBUBULAY-BULAY. Totoo, ang salitang “pagbubulay-bulay” ay mga ilang beses lamang makikita sa Bibliya. Gayunman, sa Salita ng Diyos ay malimit na idiniriin ang pangangailangan ng gayong malalim na pag-iisip. “Bulay-bulayin [“Munimunihin,” Authorized Version] mo ang mga bagay na ito tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao,” ang payo ni apostol Pablo.—1 Timoteo 4:15.
Upang “Mapanuto” ang Isip
Bagaman kapaki-pakinabang, ang pagbubulay-bulay ay mahirap para sa karamihan sa atin. Mas gusto ng karamihan ang mangarap lamang ng gising—basta hayaang ang isip ay padala na lamang nang walang kapagud-pagod at walang layunin, tulad ng isang bangkang tinatangay ng agos. Kung sa mga sandali ng pamamahinga nangyayari iyan, malaking ginhawa ang maidudulot. Subali’t kung ang pangangarap nang gising ay ginagawa kung mga oras ng pulong Kristiyano, ng pag-aaral o ng pagtatrabaho, ang gayon
ay nakakatulad ng pagpapaandar ng nakahintong makina ng kotse—isang walang kapararakang pag-aaksaya ng gasolina.Paano ‘mapapanuto’ ang iyong isip? Bago ka dumalo sa mga pulong Kristiyano, kaunti lamang ang kainin mo, sapagka’t aantukin ka kung marami kang kakainin. Makatutulong din nang malaki sa iyong konsentrasyon ang pagkuha ng nota. Subali’t ang pagdisiplina sa isip ang marahil pinakamahalaga. Mas mabilis ang ating pag-iisip kaysa pagbigkas ng pangungusap ng isang tagapagpahayag. Kaya’t sa halip na ang mga salita’y papasukin sa isang tainga at palabasin sa kabila, isip-isipin mo na kung ano kaya ang susunod na sasabihin ng tagapagpahayag. Subaybayan mo ang kaniyang pangangatuwiran. Pag-isipan ang mga argumento sa Kasulatan na kaniyang ginagamit. Pagkatapos, sa bandang huli, bulay-bulayin mo ang narinig mong mga punto, upang manatiling nakaimbak sa bangan ng iyong espirituwal na kayamanan para gamitin sa hinaharap na panahon. Sapagka’t gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso . . . sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.”—Lucas 6:45.
Baka ang iyong isip ay “nagwawala” pagka ikaw ay nagbabasa. Kung gayon, subukin mo ang sanda-sandalian, nguni’t lalong madalas na pag-aaral. Mangyari pa, ang pagpapahalaga sa iyong pinag-aaralan ay mahalaga. At kung ang kakulangan nito ay nagpapangyaring gumala-gala ang isip mo, pag-isipan ang sinasabi ng ating makalangit na Ama sa Kawikaan 4:20-22: “Anak ko, makinig ka sa aking mga salita. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. . . . Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagka’t buhay sa mga nakakasumpong at kagalingan sa buo nilang katawan.”
Ang pakikinig sa mga salita ni Jehova ay kinasasaligan ng buhay o kamatayan. At ang mga salitang ito ay kailangang bumaon nang malalim sa ating puso kung ibig nating pakilusin tayo na sumunod sa mabuti. Diyan pumapasok ang pagbubulay-bulay. Ang pagbabasa ng Bibliya nang hindi mo binubulay-bulay ay katulad lamang ng ambon na biglang dumarating at napapawi at sukat—pansandaliang nakakaginhawa subali’t hindi nagdudulot ng walang hanggang kabutihan. Ang pagbubulay-bulay naman ay tulad sa isang panay-panay na ulan na ang tubig ay tumatagos nang malalim sa lupa at nagpapasigla ng paglaki ng mga halaman. Kung gayon, paano ka matututong magbulay-bulay?
Matutong Magbulay-bulay
Nakapagsuri ka na ba ng isang bulaklak na ligaw at humanga ka sa kaayusan at kagandahan niyaon, o nakatingala ka na ba sa mga bituin at nanggilalas sa kanilang kaningningan? Bueno, ito’y mga simpleng anyo ng pagbubulay-bulay na maaaring magpatibay ng iyong pagpapahalaga sa ating Maylikha, si Jehova, at akayin ka na lubusang magpasalamat at magpahalaga rin. (Awit 8:3, 4) Bakit hindi mo pasukan ang iyong isip ng kahanga-hangang mga kaisipan pagka napaharap ka sa mga pagkakataon?
Datapuwa’t, maaari kang gumawa ng lalong malalim na pagbubulay-bulay. Napanood mo na ba ang isang baka na ngunguya-nguya ng kaniyang kinakain, o (sa Ingles) ruminating ang tawag? Ang isa pang kahulugan ng “ruminate” ay magbulay-bulay. Subali’t ang isang baka ay hindi maaaring mag-ruminate kung walang laman ang tiyan, gaya rin natin na hindi makapagbubulay-bulay kung basyo ang ating mga isip. Samakatuwid, mahalaga ang pag-aaral ng Bibliya, sapagka’t mientras nag-aaral ka ay lalo kang “nakangunguya” ng lalong maraming espirituwal na kaisipan. At kahit na kung ikaw man ay isang mapurol na estudyante, habang nag-aaral ka, ang pag-aaral ay unti-unting magiging lalong madali, lalong nakalulugod. Mapapaugnay ang mga bagong Kawikaan 14:6) Subali’t panahon ang kailangan. At kung ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay hindi mo kinawiwilihan sa kasalukuyan, bakit hindi mo nilaynilayin, o bulay-bulayin, ang bagay na ito sa mismong sandaling ito?
kaisipan sa dati nang mga kaisipan. Ang tila man din walang kaugnayang mga kaisipan ay unti-unting magiging magkakaugnay hanggang sa maging isang kabuuan. At gaya ng sinabi ni Salomon, “sa umuunawa ang kaalaman ay isang bagay na madali.” (Tanungin ang iyong sarili, ‘Bakit nga ba hindi ako gaanong magana sa espirituwal na mga bagay? Ang ipinapasok ko ba sa aking isip ay totoong maraming sukal na pagkain, tulad halimbawa ng romantikong mga nobela at mga subaybaying drama sa TV at radio? Ako ba’y nawiwiling makisama sa mga taong nakapagpapahina ng espirituwalidad?’ Ang malalim na pag-iisip sa bagay na ito ngayon ay maaaring makaakay sa iyo na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.
Ang mga sinaunang Kristiyano ay hindi katulad natin ngayon na bastanteng-bastante sa mga sipi ng Bibliya. Gayunman ay dalubhasa sila sa paghawak ng Salita ng Diyos. (Pansinin, halimbawa, ang kahusayan ni Esteban sa Bibliya sa kaniyang paglalahad sa Gawa 7:2-53.) Tiyak, samantalang pinakikinggan nila ang Banal na Kasulatan na binabasa sa mga pulong, at sila mismo’y bumabasa niyaon sa pana-panahon, kanilang pinagsikapang sauluhin hangga’t maaari ang kanilang pinag-aaralan.
Ganiyan ka ba rin, na nagsaulo ng kahit man lamang mga pangunahing teksto? Hindi naman totoong mahirap kung itutuon mo roon ang iyong isip. Bilang isang simpleng pagsubok, tingnan mo kung nasasaulo mo ang popular na mga tekstong ito sa Bibliya: Mateo 24:14, Genesis 3:15, Apocalipsis 21:3, 4, Awit 83:18, Juan 17:3 at 2 Timoteo 3:1-5.
“Kung mga Oras ng Pagbabantay sa Gabi”
Tinutukoy ng salmista ang kahit man lamang isang kabutihan ng pagkaalam mo ng Kasulatan: “Pagka naalaala kita sa aking higaan, kung mga oras ng pagbabantay sa gabi ako’y nagbubulay-bulay sa iyo.” (Awit 63:6) Malimit, pagka hindi ka makatulog, ikaw ay nangangarap nang gising. Datapuwa’t, lalong mabuti ang ikaw ay manalangin na gaya ni David na nagsabi: “Maging kalugud-lugod nawa sa iyo ang mga salita ng aking bibig at ang pagbubulay ng aking puso, Oh Jehova.” (Awit 19:14) Ang isang nakasasaulo sa mga teksto sa Bibliya ay lalong madaling makakakilos na kasuwato ng panalanging ito.
Baka magising ka sa hatinggabi na lubhang namamanglaw. Baka kung marahang uulit-ulitin mo nang may paglilimi-limi ang mga ilang nakapagpapasiglang pananalita buhat sa Bibliya, gaya niyaong nasa Exodo 34:6, iyon ay makaginhawa at makabuti sa iyo sa mga sandaling iyon: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” O kung ikaw ay totoong nababalisa at hindi ka makatulog, gunitain mo ang nakakaaliw na mga salitang ito: “Huwag kayong mabalisa sa ano mang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Tulong sa Paglutas ng mga Problema
Napakarami ang mga problema ngayon. Halimbawa, ang mga magulang ay laging nakaharap sa mahihirap na pagpapasiya. Ang edukasyon ng isang bata, ang kaniyang kalusugan, damit, progreso sa kongregasyong Kristiyano at ang kaniyang pagpili ng mga kaibigan ay ilan lamang Kawikaan 15:28.
sa mga pitak ng buhay na nagbibigay ng pagkabahala. Paano mo pagtitimbang-timbangin ang waring pagkarami-raming posibilidad at pipiliin ang pinakamagaling na dapat ikilos? Ang padalus-dalos na mga pagpapasiya ay malimit na pinagsisisihan sa bandang huli. Kaya’t ang Bibliya ay nagsasabi, “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang sumagot.”—Kailangang mayroon kang kaalaman sa mga bagay na totoo na mapagbubulay-bulay mo, at ang mga lathalain ng Watchtower Society ay saganang mapagkukunan niyan. Pag-isipan mo ang payo ng may karanasang mga magulang na Kristiyano at/o ng mga hinirang na matatanda sa kongregasyon at makatutulong ito sa iyo na unawain nang husto ang mga bagay-bagay.
Ang pagbubulay-bulay ay tutulong sa iyo sa mga pagsubok ng iyong pananampalataya. Halimbawa, manakanaka ay may mga pagbabago sa ating pagkaunawa sa mga ilang talata o hula sa Bibliya. “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 4:18. Gayunman, mayroong mga naguguluhan sa mga pagbabagong ito. Subali’t ang “mga matuwid” ay may panahong magbulay-bulay at tanggapin ang mga bagong katotohanang ito sa Bibliya, sa halip na magpadalus-dalos ng pagsasabing ang ‘tapat na alipin’ ay nagkamali.
Tulong Upang Makapagtiis Tayo
“Ilalagay ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo’y lubusang masubok,” ang babala ni Jesus. (Apocalipsis 2:10) Tunay na nakatutuliro ang ikaw ay biglang mapasadlak sa isang maruming bilangguan na wala ka kahit Bibliya o mga kasamahang Kristiyano na mahihingan mo ng tulong. Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas nang isang grupo ng mga kabataang Saksi sa Timog Aprika ang matagal na ikinulong nang isa-isa dahilan sa kanilang neutral na paninindigan bilang mga Kristiyano. Mabuti naman at sila’y pinayagan na magkaroon ng Bibliya, at inamin ng isa sa kanila: “Kung wala akong Bibliya ay baka ‘lagot’ na ako sapagka’t wala akong gaanong nasasaulo.” Subali’t, ang isa naman na masugid din ng pagbabasa ng Bibliya—bagaman hindi binubulay-bulay iyon—ay unti-unting humina sa kaniyang espirituwalidad. Kaya’t higit niyang pinag-isipan ang kaniyang binabasa. At nang magtagal ay napatunayan niya na mas magaling na manalangin muna kay Jehova, pagkatapos ay saka magbasa ng mga talata sa Bibliya at magdili-dili: ‘Paano ko kaya maikakapit ito, o maiiwasan ang panganib na ito? Paano ako matutulungan nito na makilala si Jehova? Ano pang mga ibang teksto ang may kaugnayan dito?’ at iba pa. Ang resulta? Bagaman siya ay nasa isang kaaba-abang katayuan, sinabi niya, “Ito ang karanasan ko sa buhay na totoong nagpapatibay ng pananampalataya!”
“Buong Araw”
Nakaharap man sa mga pagsubok sa pananampalataya o sa araw-araw na mga karaniwang suliranin sa buhay, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay dapat na may saloobin na gaya ng sa salmista: “Gaano ba ang pag-ibig ko sa iyong kautusan [ng Diyos]! Buong araw ay nasa alaala ko.” (Awit 119:97) Dahilan sa mga kalagayan mo ay baka hindi ka makapagbulay-bulay “buong araw.” Gayunman, ang pagsunod sa Salita ng Diyos ang dapat na laging nasa alaala natin.
Kuning halimbawa si Jesu-Kristo, na humanap ng mga pagkakataong manalangin at magbulay-bulay. (Mateo 14:13) Kung siya mismo’y nakadama ng gayong pangangailangan at nagbigay roon ng panahon, hindi baga tayo man sa ngayon ay dapat ding gumawa ng gayon?
[Larawan sa pahina 27]
Imbis na mangarap nang gising, lalong mabuti na disiplinahin ang ating mga isip upang magbigay ng matamang pansin!