Tapat na mga Ministro ang Nakikibahagi sa Pambihirang Pribilehiyo!
Tapat na mga Ministro ang Nakikibahagi sa Pambihirang Pribilehiyo!
Espesyal Report Galing sa Britanya
NANG katapusan ng Setyembre 1983, pambihira ang dami ng mga nanggaling sa internasyonal na hedkuwarters ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Labintatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala ng relihiyong ito na laganap-sa-daigdig ang nagpunta sa Britanya. Ano bang natatanging okasyon ang umakit sa kanila upang magtawid-dagat sa Atlantiko?
Unang-una, iyon ay ang taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society na gaganapin sa unang-unang pagkakataon sa lupain ng Britanya, Sabado, Oktubre 1. Ang De Montfort Hall sa English Midlands na siyudad ng Leicester ang inupahan para sa okasyong iyon. Ganiyan na lamang ang pananabik ng lahat ng mga Saksi na dumalo sa isang kombensiyon doon noong 1941. Bakit ang taon na iyan ay may natatanging kahalagahan?
Ang Pagbabalik at Alaala ng Lumipas
Nasa sukdulan noon ang Digmaang Pandaigdig II. Pagdadahop, pagrarasyon ng pagkain at walang lagot na bombahan ang nagdala ng kahirapan sa pamumuhay at sa pagpaparoo’t-parito. Subali’t sa kabila ng lahat ng kaguluhang ito ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagsaayos ng isang pambansang limang-araw na kombensiyon na itinakdang ganapin sa De Montfort Hall, noong may pasimula ng Setyembre 1941.
Isang kabataang Amerikano, si Albert D. Schroeder, ang tagapangasiwa ng tanggapang sangay ng Society sa London nang panahong iyon. Ngayon sa miting na ito noong 1983 siya’y presente bilang miyembro
ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, kasama ng mga miyembro ng korporasyon na nagbuhat sa 28 bansa! May kabuuang 3,671 ang naroroon sa bulwagang iyon at sa karatig na toldang ikinatnig doon, bukod pa sa 1,504 na nagsisipakinig din at naroon sa West Midlands Assembly Hall sa Dudley. Lahat ay may kasabikang nakinig sa paglalahad ni Brother Schroeder tungkol sa nakalipas na mga araw na iyon may 42 taon na ngayon nang mayroon lamang 11,000 mga Saksi sa British Isles.Tungkol sa 1941 kombensiyon, ang tanong ni Brother Schroeder: “Ilan sa inyo na narito ngayon ang naroon noon?” At marami ang nagtaasan ng kamay. “My!” ania, “mahigit na kalahati ng mga naririto ngayon! Anong pambihirang pagsasama-sama para sa lahat ng mga tapat na magkakapananampalataya!”
Marami na naroroon ang naglilingkod pa rin bilang mga misyonero sa lahat ng panig ng daigdig. Lahat-lahat ay mga 700 pinahirang Kristiyano ang naroroon. “Marahil ito ang pinakamalaking pagtitipon
ng mga pinahiran sa Europa sa loob ng maraming taon,” ang sabi ni Brother Schroeder. Dahil sa napakarami ang ibig na dumalo pero limitado ang espasyo, ang imbitasyon ay may pahiwatig, ‘Ang bibigyan natin ng pagkakataon ay mga “old-timers”—mga Saksi na nakapaglingkod na kay Jehova nang may katapatan sa loob ng mga 40 taon.’ At marami sa mga ito ang dumalo.Tinapos ni Brother Schroeder ang kaniyang bahagi sa programa na pinamagatang “Patuloy na Maglagak ng Pag-asa kay Jehova Upang Huwag Kayong Manghinawa” sa pamamagitan ng pagsasabi sa naliligayahang mga tagapakinig: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi namumuhay sa nakalipas, gayumpaman, kundi sa nakabibighaning natutupad na kasalukuyan, na ipinangangaral ang mabuting balita hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain.”
Mga Tunay na Ministro ng Diyos
Maaga nang araw na iyon, nang matapos na niya ang pagganap sa pormalang legal na mga kahilingan ng korporasyon, si Frederick W. Franz, presidente ng Watch Tower Society, ang bumigkas ng pinaka-temang pahayag nang araw na iyon. Kaniyang pinasimulang ilahad ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova mula ng panahon ng unang presidente ng Samahan, si Charles T. Russell, at sinabi niyang si Russell, “dahilan sa kaniyang mga aktibidades sa pagpapastol sa kawan ng Diyos, ay karapat-dapat tawaging ‘pastor,’ na walang ibig sabihin kundi ‘pastol.’ Nguni’t sa tuwina’y pinag-aalinlanganan ang autoridad ng mga tunay na ministro ng Diyos, at kasali na rito si Pastor Russell.”
Sina Moises, Jesu-Kristo at ang kaniyang tapat na mga apostol ay binanggit ni Brother Franz bilang mga halimbawa at ipinakitang silang lahat ay pinili ni Jehova nguni’t itinakuwil ng mga tao. “Ang autoridad ng lahat na ito ay hinamon,” aniya, “kaya’t hindi natin ipagtataka kung yaong mga relihiyoso na humamon kay Pastor Russell ay humahamon din sa atin ngayon. Subali’t nagbigay si Jehova ng katibayan.” Sumipi si Brother Franz sa Apocalipsis 7:9 at 2 Corinto 3:1-3 at nagpahayag: “Ang ‘lubhang karamihan’ sa dalawa-at-kalahating milyong mga Saksi ni Jehova ngayon ang ating ‘sulat na rekomendasyon’ na mayroong mga Saksi ang Diyos na talagang kaniyang mga ministro.”
Katapatan kay Jehova
Ang sesyon sa hapon ay pinasimulan ng panalangin ni Lloyd Barry, at pagkatapos ang chairman, si Leo K. Greenlees, ay bumasa ng mga telegrama at mga mensahe na galing sa mga Saksi sa buong daigdig. Subali’t, ang namukod sa lahat ay yaong nanggaling sa Sekretaryo-Tesorero ng Samahan, si Grant Suiter, na dahil sa malubhang sakit ay nakaratay sa ospital ng Brooklyn Bethel. Sinabi niya: “Harinawang suma-inyo ang saganang pagpapala ni Jehova sa okasyong ito na totoong kahanga-hanga at nakapagpapatibay sa espirituwal. Nakalulungkot at hindi ninyo ako kasama. Tanggapin ninyo ang aking pag-ibig at pagpapahalaga.” At agad pinagkaisahan na isang kapalit na mensahe ng pag-ibig ang ihatid sa kaniya.
Nang may bandang huli, si John E. Barr, na naglingkod nang maraming taon sa sangay ng Watch Tower sa London, ay bumigkas ng detalyadong pahayag tungkol sa ika-4 na talata ng Awit 27, at itinampok ang temang “Ang Ating Kaisa-isang Kahilingan kay Jehova.” Isa sa mga kinapanayam tungkol sa kanilang mga karanasan sa ‘pagtahan sa bahay ni Jehova’ ay ang 89-anyos na si Edwin Skinner. Siya’y nabautismuhan noong 1919, at magmula noong 1921 ay nasa buong-panahong ministeryo na, kaya inilahad ni Brother Skinner kung paano tinanggap niya ang imbitasyon na pumaroon sa India noong 1926 upang magtatag ng isang bagong sangay ng Watch Tower Society. “At hangga ngayon ay naroroon pa ako. Ito ang aking tahanan,” aniya.
Pananatiling May Positibong Saloobin!
Ang dalawang katapusang pahayag ay nakatuon sa pangangailangan ng laging nakatingin sa unahan, laging may positibong saloobin. “Bagaman nakalulugod na pakinggan ang mga karanasan ng mga old-timers,” ani Dan Sydlik, “gayunma’y kalooban ng Diyos na ituon natin ang ating pansin sa hinaharap ayon sa kaniyang minagaling.” Ang kaniyang balangkas ay binuo ni Sydlik sa mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 15:19: “Kung sa buhay lamang na ito umaasa tayo kay Kristo, tayo sa lahat ng tao ang pinakakaawaawa.” Kaniyang idiniin: “Ang ating pag-asa ay nasa kay Jehova; wala sa mga tao. Ang kaniyang mga pangako ay lubus-lubusan at sigurado. Ang organisasyon ng Diyos ay mananatili, anuman ang sabihin o gawin ng mga tao,” ang ipinakadiin niya. “At darating pa lamang ang pinakamagaling!”
Sumunod ay ang pagpapatibay-loob ni Milton G. Henschel sa lahat upang patuloy na “Taglayin ang Ating Saloobing Kristiyano.” Kaniyang binanggit ang mga suliranin sa kalusugan na nararanasan ng mga lingkod ng Diyos na matatanda na. Subali’t “kanilang pinalalampas na lamang ang kaunti-kaunting mga sakit at kirot na iyon at sila’y nagpapatuloy,” aniya. “At iyan ay kahanga-hangang halimbawa para sa lahat ng mga kabataan pa sa kongregasyon. Nag-uuulan, maginaw, at malakas ang hangin. Nguni’t sino ang naroroon sa pulong? Sino ang naroroon bagaman umuulan at masungit ang panahon? Makikita ninyo roon ang mga may uban, ang matatanda, at iyan ay hindi natin dapat kalimutang lahat.”
Lahat-lahat, mayroong mga kinatawan buhat sa 37 sangay ng Watch Tower Society sa pandaigdig na pagtitipong ito. Sa wakas, isang taus-pusong panalangin ng pasasalamat kay Jehova alang-alang sa mga nagkakatipong iyon ang binigkas ni Martin Poetzinger, na isang miyembro rin ng Lupong Tagapamahala.
Tayo Na sa Sangay sa London!
Kinabukasan, Linggo, Oktubre 2, maaliwalas at may kainitan para sa panahong iyon ng santaon. Ang Kingdom Hall sa London Bethel home, na nasa hilagang London sa Mill Hill, sa kaakit-akit na green-belt ay napuno ang maraming tao. Sa itaas, sa isang bahagi ng factory complex, naglagay ng karagdagan pang mga upuan. Dahilan sa closed-circuit television ay nasaksihan ng lahat ang palatuntunan sa Kingdom Hall. Halos 400 ang naroroon. Sa layong limang milya, sa North London Assembly Hall, mayroon pa ring 1,250 katao na nakinabang sa malaon nang hinihintay-hintay na programa. Pagkaraan ng dalawang taong pagpaplano at puspusang paggawa ang bagong extension ng London branch office ay natapos din at iniaalay ngayon.
Ang bagong dugtong sa gusaling iyon ay may 41 kuwarto, at bawa’t isa nito’y okupado ng dalawa katao. Ang building complex, na may karagdagang mga kuwarto kasama ng mga dati na, ay hustong matirahan ng 204 na mga tao. Ang kusina at ang karatig na silid-kainan ay kapuwa doble ang laki at may modernong mga gamit. Isang bagong kuwarto na labahan at tahian ang itinayo sa pinaka-silong na palapag kasama ang magandang silid-pahingahan. Sa unang palapag, isang maliit na reading room ang nagsilbing karagdagan sa dati nang aklatan na may 2,300 mga aklat.
Ang Programa sa Pag-aalay
Sa eksaktong ika-10 n.u. ang programa ay nagsimula sa pamamagitan ng maikling pagriripaso sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa British Isles noong nakalipas na sandaang taon. Mga anekdota at mga kuwentong katatawanan ang nagbigay-buhay sa kasaysayan at ang mga nakababatang mga Bethelite ang lalo nang
nakinabang sa personal na mga detalye ng gayong maliliit na pasimula.Pagkatapos ay nagpahayag si Karl Klein sa temang “Pagsagot sa Hamon ng Katapatang Kristiyano.” Kaniyang binanggit na sa Kawikaan 2:8 ay makikitang sa mga pagsubok ng katapatan si Jehova’y laging nagbibigay ng lakas at tulong sa kaniyang mga lingkod na Kristiyano, at ang sabi: “Ang walang buhay na mga bagay ay maaaring maging mga saksi, nguni’t tanging ang matatalinong nilalang lamang ang maaaring maging mga tapat.”
Buhat sa kaniyang sariling mga karanasan, ipinaghalimbawa ni Carey Barber kung paanong si Jehova ay kumuha ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan sa “mga huling araw” na ito. Subali’t, gaya ng binanggit niya, ang gawaing pangangaral ay ginagawa pa rin natin, at ito’y may dalang malaking pananagutan. “Mula noong taóng 1919 at hangga ngayon ang bayan ni Jehova ay pumasok sa pinakamalawak na gawaing pangangaral na ginanap kailanman sa lupang ito!”
Ang programa sa umaga ay tinapos ng pahayag ni Fred Franz sa pag-aalay. Binanggit niya na si Charles T. Russell, na ang mga ninuno’y Scottish-Irish, ang nagtatag ng unang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa London, Inglatera. Binanggit ni Franz na, mula ng taong 1900 nang buksan ang opisina, ito’y naglilingkod na nang may katapatan sa internasyonal hedkuwarters sa Brooklyn, New York. Taglay ang espiritu ng patuloy na katapatan sa Diyos na Jehova, ang napakainam na mga bagong pasilidad ay inialay sa kaniya.
Pinasimulan ni Lyman Swingle ang dalawang-oras na sesyon sa hapon sa pagbanggit na kailangang tiyakin natin na laging niluluwalhati natin si Jehova ng lahat ng ating tinatangkilik. “Atin bang ginagasta ang ating panahon, lakas, kakayahan sa mga bagay na hindi lumuluwalhati at nagdadala ng kapurihan sa Diyos na Jehova?” ang masusing tanong niya sa kaniyang mga tagapakinig. Pagkatapos ay itinampok naman ni Theodore Jaracz ang temang “Pagtatayo ukol sa Hinaharap,” at angkop na pinaghambing niya ang literal na extension ng bagong kaaalay na gusali at ang pangangailangan na magtayo sa espirituwal. “Magtayo upang mapanatili ang integridad na Kristiyano,” ang idiniin niya.
Nang ibigay ni Brother Franz ang kaniyang pangkatapusang pahayag, at bigkasin ni John Booth ang pangkatapusang panalangin, ibinalita niyaon ang pagtatapos hindi lamang ng isang natatanging araw kundi ng isang pambihirang dalawang-araw na kombensiyon.
Pinalakas Para sa Lalong Malaking Gawain
Sa kanilang pagliliwaliw sa palibot, napag-alaman ng mga bisita na ang orihinal na kontrata para sa pagtatayo ng bagong extension ay nilayon na ibigay sa isang komersiyal na kompanya, gaya rin ng dating gusali, na natapos noong 1958. Subali’t sa di-akalain ay nabaligtad ang desisyon. Pagkatapos na kumunsulta sa Lupong Tagapamahala, ang mga Saksi ni Jehova sa Inglatera ay nagpasiyang sila na rin ang hahawak ng trabahong iyon. Agad-agad na bumuo ng isang departamento na mag-aasikaso sa pagkuha ng mga manggagawa at nangalap ng halos isang libong mga Saksi sa lahat ng panig ng bansa para sa trabaho.
Ang mga manggagawa ay pinatuloy sa pansamantalang mga dormitoryo, at sa mga bahay ng lokal na mga Saksi sa buong palibot sa layong hindi lalampas sa sampung milya (16 na km) sa lugar ng konstruksiyon. Kaya’t nangangahulugan ito na mula sa 70 hanggang 100 manggagawa ang maaaring tawagin nang sabay-sabay. Bagaman iyon ang pinakamaginaw na taglamig at pinakamaulang tagsibol sa loob ng lumipas na maraming taon, ang proyekto ay natapos nang nasa panahon. Kasali na rito ang paggugol ng maraming linggo sa paggawa ng mga pagbabago sa dating gusali.
Sa pagliliwaliw sa buong looban, napatunayan na lahat ay nasa magaling na kalagayan. Pinaganda ang buong paligid at ang kaakit-akit na mga damuhan ay tinamnan ng magagandang halamang bulaklakin. Ang 147 mga Bethelite ay masayang-masaya sa gayong pakikibahagi sa kanilang kaligayahan ng mga bisita nila. Isa sa mga ito ang nagsabi: “Ito na ang bukud-tanging karanasan sa tanang buhay ko!” Ang higit na dahilan nito ay sapagka’t napakaraming tapat at matatagal nang mga lingkod ni Jehova na naroroon, kasali na ang karamihan ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang marinig mo ang 13 miyembro ng Lupong Tagapamahala na makibahagi sa pinagsamang programa ay isang pambihirang pribilehiyo.
Ang kahanga-hangang dalawang-araw na okasyong ito ay tiyak na lalo pang magpapasigla sa kaybilis-bilis lumawak na gawaing pang-Kaharian sa Britanya. Sa kasalukuyan ay mayroong isa pang malawak na proyekto sa pagtatayo sa bansang ito. Mayroon nang naitayong isang “quick-build” Kingdom Hall sa loob lamang ng mga ilang araw, at 15 pa ng gayong mga proyekto ang naghihintay.
At, dalawang mga bagong assembly hall ang binabalak na itayo. May mga panibagong pagsulong sa lahat ng larangan ng aktibidad, at 92,000 mga mamamahayag ng Kaharian ang masigasig na nangangaral ngayon sa Britanya. Nakagagalak ngang makita kung paanong ang bayan ng Diyos sa buong lupa ay disididong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian hanggang sa sumapit ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:14.
[Larawan sa pahina 8]
Oktubre 1, 1983, De Montfort Hall, Leicester
Oktubre 2, 1983, Watch Tower House, Mill Hill London
[Larawan sa pahina 9]
Ang De Montfort Hall, na napuno ng mahigit na 3,000 katao buhat sa lahat ng panig ng daigdig at nagtipon doon noong Oktubre 1, 1983, para sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society
[Larawan sa pahina 10]
Si Albert Schroeder, nang idinidirekta niya ang pansin sa ilan sa mga old-timers noong may taunang miting
[Larawan sa pahina 11]
TANGGAPANG SANGAY SA LONDON, INGLATERA NG WATCH TOWER SOCIETY
Ang unang-unang gusali, na may pabilog na daang-auto sa harap ay natapos noong l958. Ang bagong kayayaring gusali na idinugtong dito at may namumuting bubong ay yaong parehong nasa gilid sa kaliwa. Ngayon, 204 na mga manggagawa sa sangay ang maaaring manirahan sa buong complex na ito