Ang Mamatay Alang-alang sa Isang Turo
Ang Mamatay Alang-alang sa Isang Turo
SIYA ay isinilang sa Tudela, Espanya, noong mga bandang 1511. Siya’y nag-aral ng medisina sa Paris at naging praktikante sa mga ilang lunsod sa Pransiya. Siya’y napabantog dahilan sa nagawa niya tungkol sa pagkatuklas ng sistema na may kaugnayan sa pulmon at sirkulasyon ng dugo.
Datapuwa’t, sa malaking bahagi ng kaniyang buhay nang siya’y maging isang adulto siya’y napilitang mamuhay bilang isang takas, at binago pa man din niya ang kaniyang pangalan. Noong Agosto 13, 1553, nang siya’y papunta sa Italya, siya’y huminto sa Geneva, Switzerland. Siya’y nakilala, inaresto at, noong Agosto 14, siya’y iniharap sa paglilitis ukol sa kaniyang buhay, sa kahilingan ng Protestanteng repormista na si John Calvin. Ang desisyon? Siya’y may kasalanan! Ang sentensiya? Kamatayan! Kaya’t noong Oktubre 27, 1553, sa labas ng Geneva, siya’y sinunog sa tulos.
Sino ba siya? Siya’y si Michael Servetus. Ano ba ang kaniyang nagawang kasalanan? Pagpatay? Pangingikil? Iba pang karima-rimarim na krimen? Hindi, siya’y pinatay bilang isang erehes sapagka’t itinakuwil niya ang ortodoksong turo ng Sangkakristiyanuhan, “ang kabanal-banalang Santa Trinidad.”
Hanggang sa araw na ito ay pinagtatalunan ang Trinidad. Halimbawa, isang Amerikanong ebanghelista, si Billy Graham, ang nagsabi: “Ang Bibliya ay nagtuturo na si Jesu-Kristo ay lubos na Diyos, at sa ano mang paraan ay hindi mababa sa Diyos na Ama.” Sa panig na sumasalansang, mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, sa seksiyon sa pag-aanunsiyo ng The Denver Post, isang ministro ng mga Pentecostal ang nag-alok ng $1 milyon (U.S.) sa kaninuman na makakasumpong sa Bibliya ng turo ng Trinidad. Kaniyang tinagurian ang Trinidad na isang gawang-taong pilosopya “na magulo at hindi maiintindihan.”
Subali’t ano ang diperensiya? marahil ay itatanong mo? ‘Talaga bang mahalaga kung ano ang dapat mong paniwalaan?’ Oo, mahalaga. Bakit? Sapagka’t si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Ang buhay na walang hanggan ay nangangahulugan ng pagkakilala sa iyo bilang ang tanging tunay na Diyos, at ang pagkakilala kay Jesus na iyong sinugo bilang Kristo.” (Juan 17:3, An American Translation) Ang walang hanggang kapakanan natin ay nakasalig sa ating tumpak na pagkakilala sa “tanging tunay na Diyos.” Kaya’t alin ba ang katotohanan? Si Jesu-Kristo ba “ang Anak ng Diyos” o Diyos Anak? May malaking pagkakaiba iyan!