Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalupitan—Matatapos Na!

Kalupitan—Matatapos Na!

Kalupitan—Matatapos Na!

ANG isang bagay na maganda ay isang kagalakan magpakailanman,” ang isinulat ni Keats na isang makata. Maraming magagandang bagay—mga painting, iskultura at lalo na mga obra maestra sa panitikan—ang may isinisiwalat tungkol sa maylikha sa mga iyan. Ang lupang ito, na “isang bagay na maganda,” at ang mga kababalaghang buhay dito, pati mga bagay na nagsisilalaki, may kulay, lasa at libu-libo pang mga iba, ay nagsisiwalat na mayroon itong Maylikha na sakdal-dunong, sakdal-kapangyarihan at sakdal-sa-pag-ibig.

Ang pinakadakilang obra maestra sa sining sa lahat ng panahon, ang Bibliya, ay isa ring “bagay na maganda” at “isang kagalakan” sa angaw-angaw sa loob ng daan-daang taon. Sinasabi nito na “ang Diyos ay pag-ibig,” na siya’y “maawain at magandang-loob” at na ang tao ay ginawa “ayon sa kaniyang larawan.” (1 Juan 4:8; Exodo 34:6; Genesis 1:27) Sa maraming mga tao ay malinaw na mababanaag ang mga katangian ng kanilang Maylikha at nagpapakita ng tunay na habag at kabaitan. Kanilang kinapopootan ang kalupitan at ang ugaling di-makatao. Kung gayon—

Paano ba Nagsimula ang “Kalupitan ng Tao sa Tao”?

Hindi ito nagmula sa Diyos. Bago niya nilikha ang unang mag-asawa, naghanda muna siya ng isang magandang tahanan para sa kanila. Ang isang bahagi ng lupa ay pinaganda at nilagyan ng mga punungkahoy, bulaklak, prutas, mga ilog at mga hayop nang sagana—ang Paraiso! Upang maging kanila magpakailanman ang kagandahang ito, sila’y kailangang maging masunurin sa Diyos, gawin ang mga bagay ayon sa gusto niya. Subali’t sila’y hindi mga robot, na ikinundisyon na sumunod; sila’y may kalayaan na gawin ang kanilang sariling kalooban at kagustuhan. Ibig ng Diyos na ang kaniyang mga nilikhang tao, na pinaka-obra maestra ng kaniyang nakikitang paglalang, ay maglingkod sa kaniya dahilan sa kanilang iniibig siya at nalulugod silang gawin ang kaniyang kalooban.

Sa Diyos at sa kaniyang nilalang na mga anghel na di-nakikita, tiyak na ang hardin ng Eden at ang maligayang mga naninirahan doon ay tiyak na isang magandang tanawin. Ang layunin ng Diyos ay na, buhat sa maningning na pasimulang ito, ang buong lupa ay magiging isang pangglobong Paraiso na puno ng maliligayang mga tao, na nagdadala sa kaniya ng karangalan at kapurihan.

Subali’t ang mga anghel ay may kalayaan ding magpasiya sa ganang sarili. Isa sa kanila ang nagbigay-daan sa kasakiman at ambisyon upang umugit sa kaniya. Kaniyang nakini-kinitang siya ang diyos ng sangkatauhan. (2 Corinto 4:4) Kaya’t nagpakana siya na akitin sa kaniyang panig ang unang dalawang taong ito. Upang mahikayat niya si Eva na sumali sa paghihimagsik na ito, kaniyang ipinangako, “Kayo’y magiging parang Diyos,” at, isa pa, “tiyak na hindi kayo mamamatay”—iyan unang-unang kasinungalingan. (Genesis 3:4, 5) Si Adan ay nahikayat, at nang malaunan ay sumama siya kay Eva sa pagpapadala rin sa kanilang naghimagsik na tagapag-andukhang anghel. Ang dating anghel na ito ay ganoon naging kalaban ng Diyos, o “Satanas” sa Hebreo.

“Tiyak na mamamatay kayo.” Ganito ang paalaalang ibinigay ng Diyos kay Adan kung siya’y maghihimagsik. (Genesis 2:17) Yamang ang pangako ni Satanas na hindi siya mamamatay sa laman ay di-totoo at totoo naman ang babala ng Diyos, si Adan at si Eva ay namatay, at sa ganoon si Satanas ay naging isang “mamamatay-tao buhat pa noong una.” (Juan 8:44) Dahilan sa kaniyang makadiyablong impluwensiya, nasira rin ang kapayapaan at pagkakasundo sa sangkatauhan. Nang malaunan, ang panganay na anak ni Adan, si Cain, ay nanaghili sa kaniyang kapatid na si Abel dahil sa tinanggap ni Jehova ang kaniyang handog, nguni’t ang kay Cain ay tinanggihan. Dahilan sa “pagsisiklab sa malaking galit,” walang patumanggang pinaslang ni Cain si Abel. Nagsimula ang “kalupitan ng tao sa tao.”—Genesis 4:2-8.

Dahil sa pamamaslang na ito ay napatampok din ang isyu ng dalisay na pagsamba laban sa huwad na pagsamba. Si Abel ang unang-una sa isang mahabang hanay ng mga saksi ni Jehova na naging martir dahil sa kanilang pananampalataya.

Makalipas ang ilang panahon pagkatapos paslangin si Abel, ang mga ibang anghel ay nahikayat ni Satanas na magkatawang-tao upang makasiping sa magagandang babae sa lupa, at sa ganoon sila ay napasa-ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Ang ganitong di-likas na pagtatalik ay nagbunga ng mga Nefilim,” o mga “makapangyarihan”—mga malulupit na maton. Hindi nagtagal at “ang lupa ay napuno ng karahasan”—nag-ibayo ang “kalupitan” ng tao. (Genesis 6:1-11) Si Jehova ay makatarungan at maawain, kaya hindi niya pinayagang magpatuloy ang gayong kasamáng mga kalagayan. Sa pamamagitan ng Baha ay nilipol niya ang matandang sistemang iyon ng mga bagay noong kaarawan ni Noe.—2 Pedro 2:5.

Subali’t hindi rin naalis ang masamang impluwensiya ni Satanas. Pagkatapos ng Baha ay napilitan ang masuwaying mga anghel na mag-iwan ng kanilang mga katawang-tao, at, ngayon na nakahiwalay na sila sa banal na organisasyon ni Jehova, sila ay naging isang di-nakikitang organisasyon ng mga demonyo sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. (Efeso 6:12) Upang kanilang masupil ang sangkatauhan, sila’y gumamit ng espiritismo, necromancy, astrology at iba pang mga sistema ng okultismo. Bagaman hindi na sila nakapag-aanyong tao, malimit na pinapasukan nila ang mga tao, mga hayop at mga bagay na walang buhay. Sa impluwensiya ng mga demonyo at udyok ng bulag na panatisismo ng huwad na relihiyon, nasyonalismo at racismo, ang mga tao ay gumagawa ng kalupitan na karaniwang hindi nila gagawin.

Sa gayon, hindi kataka-taka na nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang relihiyosong pag-uusig. Sa pambungad na parapo natin sa pahina 3 binanggit ang isang grupo ng mga Kristiyano na halos pinatay sa gulpe. Ang mga ito’y ginanoon dahil sa sila’y mga Saksi ni Jehova. Sa okasyong ito ay hindi sila naano sa gayong pagkagulpe sa kanila. Samantalang pangatawang binubugbog ang konduktor ng grupo, siya’y manalangin kay Jehova na “ingatan ang buhay ng mga taong ito, ang Kaniyang ‘mga tupa.’” Takang-taka ang mga pulis, sapagka’t walang isa man sa kanila na namatay. Maaaring ingatan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod kung ibig niya.—2 Cronica 16:9.

Sa Estados Unidos, dahilan sa mga diperensiya at pagkakapootan ng mga lahi ang naging resulta’y pang-uumog at lynching o pagpatay ng walang paglilitis. Kilalang-kilala rin ang kalupitan at paghamak sa mga negro ng mga ibang puti sa Aprika. Malimit na ang relihiyon ay kasapakat ng politika sa pagbuo ng isang mahaba at tigmak-dugong rekord ng kalupitan na siyang laman ng mga aklat ng kasaysayan. Si E. Bolaji Idowu, propesor ng mga araling relihiyoso sa Ibadan University, Nigeria ay sumulat: “Ang pagkapari at lahat ng taglay nito na . . . kalagim-lagim na kalupitan na ginagawa sa ngalan ng Diyos—ito’y laging nagdadala ng kahihiyan sa relihiyon . . . Paano makakalimutan ng kasaysayan ang mga Krusada, ang Jihads, ang Ingkuwisisyon, ang mga panununog at mga pagluluray-luray at pananalanta?”

Paano Ito Matatapos?

Tunay na hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. May mga organisasyon sa pagkakawanggawa na nagsisikap na pahusayin ang kalagayan ng tao, subali’t napakalalim na ang pagkabulusok ng sanlibutan sa lusak ng kabulukan at karahasan upang magtagumpay pa ang pagsisikap ng tao.

Gayunman, sinabi ni Jesus: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Lucas 18:27) Sinabi rin niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Bilang pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas ay napoot kay Jesus at ginamit niya ang politikal at relihiyoso na mga lider upang atakihin si Jesus—magmula kay Haring Herodes na sumubok na patayin si Jesus bilang isang sanggol hanggang sa mga saserdote na ang lakas ng Roma ang ginamit upang patayin siya sa tulos. Sinikap din ni Satanas na hikayatin si Jesus na kumagat sa isang kaakit-akit na patibong—“lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian”—kung sasamba sa kaniya si Jesus. (Mateo 4:8) Subali’t dinaig ni Jesus ang pagsisikap ni Satanas na masupil siya; siya’y patuloy na naging tapat sa kabila ng kalagim-lagim na pagdurusa buhat sa panggugulpe sa kaniya at hanggang sa kamatayan sa tulos.

Makabuluhan ang masaklap na sandaling iyon ng waring pagkabigo, sapagka’t ipinahiwatig ni Jesus na ang totoo’y nakamit na ang isang tiyak na tagumpay laban kay Satanas. Isa sa kaniyang katabi na nagdurusa, isang magnanakaw, ang nagmakaawa: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sa pamamagitan ni Jesus, maging ang karaniwang kriminal na ito ay nakaunawa nang bahagya tungkol sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng tao. Si Jesus ay matagumpay na tumugon: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo ngayon. Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:42, 43.

Dito ang kaniyang Kaharian ay malinaw na iniugnay ni Jesus sa Paraiso at ipinakita niyang gaganap ito ng pangunahing bahagi sa pagsasagawa sa orihinal na layunin ni Jehova para sa lupang ito. Subali’t kailan? Paano? Maliwanag na ang masamang sanlibutan ay dapat munang maalis. Ipinakikita ng mga pangyayari na ito’y magaganap pagkalapit-lapit na.

Nang tanungin ng kaniyang mga alagad kung kailan iyon mangyayari, binanggit ni Jesus ang mga digmaang pandaigdig, taggutom, lindol, mga salot, pagdami ng krimen, pambihira at nakasisindak na mga pangyayari sa langit, malaking pagkabalisa tungkol sa hinaharap, at iba pang mga bagay, bilang bumubuo ng isang maraming-bahaging tanda na malapit na “ang wakas.” (Mateo 24:3-14; Lucas 21:10, 11, 25, 26) Ang mga bagay na ito ay nagaganap na sa lawak na wala pang nakakatulad sapol noong 1914. Kaya, gaya ng sinabi ni Jesus: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid . . . sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan . . . Talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 21:28, 31) Sa wakas, matatapos na rin ang “kalupitan ng tao sa tao”!

Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa na ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya at pagsasagawa ng sinasabi nito. Hindi sila sumasangkot sa mga politikal na alitan at sila’y ‘hindi na nag-aaral ng digmaan.’ Sinisikap nilang maging mahihinahon at ibigin ang kanilang kapuwa. Sinabi ni Jesus: “Maliligaya ang mga mapagpayapa” at “maligaya ang maaamo, sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”—Isaias 2:4; Mateo 5:5, 9.

Pagsasauli sa Paraiso

Sa takdang panahon ng Diyos, si Kristo Jesus ay makikipagbaka laban sa “mga hari sa lupa at sa kani-kanilang mga hukbo” at lubusang lilinisin ang lupang ito buhat sa lahat ng bakas ng sanlibutan ni Satanas. Ang malaking tagumpay na ito ang sukdulan ng isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang pasimula ng sanlibutan.” Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pagkatapos nito “igagapos,” o susugpuin upang huwag na nilang maakay sa kasamaan ang sangkatauhan, sa loob ng isang libong taon.—Mateo 24:21; Apocalipsis 16:14-16; 19:11-20; 20:1-3.

At pagkatapos? “Mga bagong langit at isang bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran”—ang Kaharian ng Diyos ang lubusang mamamahala at lahat ay ‘gaganap ng kaniyang kalooban kung paano sa langit ganoon din sa lupa.’ (2 Pedro 3:13; Mateo 6:10) Sa ilalim ng pamamanihala ng Kaharian, ang lupa ay unti-unting maisasauli sa pagka-Paraiso. At sa Paraisong ito bubuhayin ang magnanakaw na namatay katabi ni Jesus bilang isa sa angaw-angaw na “nasa mga libingang pang-alaala” na nakakarinig sa tinig ni Jesus “at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.

Ano ba ang makikita ng kriminal na ito? Wala na magpakailanman ang kabulukan at kalupitan ng Roma at ng lahat ng iba pang mga imperyo at mga pamahalaan! Sa halip na ang umiral ay maka-Satanas na diwa ng kasakiman, mahalay na pita, pagkapoot at pagkatakot na gaya ng umiiral ngayon sa lupa, magkakaroon ng isang kahanga-hangang kalagayan ng kapayapaan, kagalakan, pagkakaisa at pag-ibig. Ang espirituwal na paraisong kinaroroonan na ngayon ng angaw-angaw na mga lingkod ni Jehova ay lalaganap sa buong lupa. “Mga gawa ng laman,” tulad baga ng “pakikiapid, karumihan, kalibugan, idolatriya, gawaing espiritismo, pagkakapootan, pag-aalitan, paninibugho, mga silakbo ng galit, pagtatalo, pagkakabahabahagi, mga sekta, pagkakainggitan, paglalasing, kalayawan, at mga bagay na tulad nito,” ay wala na, sapagka’t “ang mga namimihasa sa ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.

Marahil ang magnanakaw ay nagkasala ng ilan sa mga nabanggit, subali’t pagkatapos na siya’y buhayin uli ay magsisimula na naman siya nang panibago sapagka’t “ang isang namatay ay napawalang-sala na sa kaniyang kasalanan.” Ang magnanakaw ay nakapagbigay na ng “kabayaran ng kasalanan . . . kamatayan” at mapapasa-hanay ng mga tatanggap ng “kaloob na ibinibigay ng Diyos,” samakatuwid nga, “buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:7, 23.

Anong laking kaginhawahan, at anong kagila-gilalas na pag-asa para sa magnanakaw at sa angaw-angaw pa! Samantalang ang Kaharian ng Diyos ang matuwid at pantas na namamanihala sa buong lupa, ito’y mamumunga nang sagana at gaganda. Lahat ng nabubuhay na mga kinapal sa lupa, na pawang kabigha-bighani at sarisari, ay minsan pang pasasakop sa tao na gaya noong pasimula. (Genesis 1:28; Isaias 11:6-9) Ang makalupang Paraisong ito, na “isang bagay na maganda,” ay magiging isang “kagalakan magpakailanman.”

Nguni’t lalong mahalaga, samantalang saganang dumadaloy ang banal na espiritu ni Jehova, ang bunga ng espiritung iyon ay sasagana rin—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Lahat ng lahi at bansa ay magiging isang malaking pagkakapatiran. Sa paano? Sa pamamagitan ng ‘pagbibihis ng pag-ibig—ang sakdal na buklod ng pagkakaisa.’ Mapaparam na magpakailanman ang “kalupitan ng tao sa tao.”—Colosas 3:14.