Kalupitan ng Tao sa Tao
Kalupitan ng Tao sa Tao
ANG tanawin—isang bansa sa Kanlurang Aprika, 1961. Mga pulis militar na pawang nakakasa ang bayoneta ang biglang sumibat sa isang tahimik na pagpupulong ng mga Kristiyano. Kanilang kinabitan ng posas ang mga lalaking naroroon at saka buong kalupitang ginulpe sila hanggang sa sila’y “lamug na lamog na.” Ang konduktor ng miting ay grabeng-grabe ang pagkagulpe kung kaya’t sumuka siya ng dugo nang may 90 araw. Inaasahan ng mga pulis na ang mga taong iyon ay mangamamatay.
Ang “kalupitan ng tao sa tao” ay isang kalagim-lagim na pangyayaring ulit at ulit na nagaganap sa kasaysayan. Ang sinaunang mga Asirio ay nagbabayubay ng kanilang mga bihag sa digmaan sa mga tulos na pinaglalagos sa sikmura hanggang sa dibdib ng biktima. Ang mga Romano naman ay may sariling paraan ng paggamit sa tulos. Ang kanilang mga biktima ay hinahagupit muna ng kapapalo hanggang sa ang laman nila ay halos matanggal na sa buto. Pagkatapos ay iginagapos o ipinapako sila sa nakatindig na mga tulos at pinababayaan sila roon hanggang sa sila’y mamatay—unti-unti silang naghihirap.
Nakagigitlang katigasan ng loob at kalupitan ang malimit na ipinakikita ng mga pari. Ang mga Aztec ng Mexico ay naghahain ng mga tao sa kanilang diyos na si Huitzilopochtli sa pamamagitan ng paglaslas sa puso ng kanilang buháy na mga biktima. Noong ika-16 na siglo ay nasakop ni Hernán Cortes ng Espanya ang mga Aztec. Ang kaniya bang relihiyon ay mabuti? Noong mga kaarawang iyon ang Kastilang Ingkuwisisyon ay may pinaaandar na kalagim-lagim na mga silid parusahan at kanilang sinusunog ang mga “erehes” upang mamatay. Ang isang karaniwang anyo ng pagpapahirap ay ang rack, at binabanat nito ang mga bisig at mga binti’t paa ng biktima hanggang sa mabali nang husto. Ang mga ibang pamamaraan ay lalong kalunus-lunos—nguni’t ipinupuwera namin kayo riyan.
‘Nguni’t lahat na iyan ay noong nakalipas na,’ ang sabi ng iba. ‘Ang mga tao ay higit na makatao ngayon at sibilisado. Gayon nga kaya?
Ang pagpaparusa at pagpapahirap ay uso pa rin. Totoo, ang kakila-kilabot na mga pangmadlang panununog sa mga biktima na dating katuwaan lamang noon ng buhong na mga taong walang damdamin at ng mga klerigo ay lipas na. Subali’t sa lihim, sa mga selda sa bilangguan, ang pagpaparusa’t pagpapahirap ay palagian at malimit pa rin na isinasagawa—kadalasan
ay sa pamamagitan ng sopistikadong mga pamamaraan na hindi man lamang nag-iiwan ng kahit bahagyang ebidensiya. Sa isang bansa sa Timog Amerika, isang biktima na dumanas ng mararahas na electric shock, isang modernong paraan ng pagpaparusa, ang nagsabi ng ganito: “Ang tanging sumaisip ay: kanilang nilalaslas ang aking laman. Nguni’t hindi nila nilaslas ang aking laman. . . . Wala man lamang naiwang mga marka.”Isang ulat ng pahayagan ang nagsasabi na maraming bansa ang “bantog na bantog na dahil sa pagpapahirap at pagpatay sa mga politikal na preso nila.” Ang ulat ay nagpapatuloy: “May mga taong hindi na lumilitaw pagkatapos na arestuhin—at hindi na nakikita pa uli.” Ang Human Rights Committee ng United Nations ay mayroong blacklist ng “mga kontrabida na nagpapairal ng paniniil at kalupitan” at binubuo ng mahigit na isang daang estado na mga miyembro ng UN.
Ang madudugong pagpatay ay malimit sa buong nalakaran ng ika-20 siglo. Noong 1915-16 isang lumulusob na hukbo ang ginamit upang puwersahang ideporta ang populasyong Armenian, at posible noon na isang milyong Armenian ang nangapatay. Tinataya na bilang resulta ng rebolusyon sa Rusya, 14 na milyong sibilyan ang nangamatay sa pagitan ng 1914 at 1926. Sa Tsina, mula noong 1949 hanggang 1958, nasa pagitan ng 15 at 30 milyon ang pinatay sa “political liquidation campaigns.” Ang lansakang pagpatay sa mga Judio ay naging malimit sa lumipas na maraming siglo; subali’t walang makakadaig sa ginawang lansakang pagpatay sa mahigit na anim na milyong Judio sa ilalim ng pamamahala ni Hitler.
Datapuwa’t, may mga pagkakasalang dahil sa hindi paggawa ng isang bagay at mayroon ding dahil sa paggawa ng isang bagay. Isang kalupitan na rin ang magbulag-bulagan ka sa mga nangangailangan ng tulong. Kamakailan ay gumawa ng isang pagsubok sa Timog Aprika, kung saan isang babae ang humandusay sa tabi ng kaniyang kotse sa may gilid ng isang malaking kalye upang tingnan kung mayroong sinuman na hihinto at tutulong. May dalawang araw na naroon siya nguni’t walang sinuman na tumulong.
Ang kalupitan ay makikita rin sa mga bansang sobra-sobra ang taglay na pagkain. Ano ang nangyayari roon? Ang karamihan ng pagkain ay itinatapon. Sa kabila nito, ayon sa isang UN report noong 1982, 40,000 mga bata ang namamatay sa malnutrisyon at impeksiyon—araw-araw!
Ang “kalupitan ng tao sa tao,” sa gayon, ay nagpapatuloy kahit na ngayon sa ating “sibilisadong” panahon. Nguni’t paano ba nagsimula ito? Mayroon bang sinumang makapagpapahinto nito?