Nagkakaisa ng Pagsamba sa Ilalim ng Ating Pastol-Hari
Nagkakaisa ng Pagsamba sa Ilalim ng Ating Pastol-Hari
“Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel . . . , at isang hari ang magiging hari sa kanilang lahat.’”—Ezekiel 37:21, 22.
1, 2. (a) Sa ano ba kumakatawan ang dalawang tungkod sa Ezekiel 37:16? (b) Anong nangyari sa dalawang “tungkod” na ito?
PAGKAKAISA ng Kaharian, sabi namin. At ito’y kasuwato ng huling bahagi ng kabanata 37 ng hula ni Ezekiel. Doon, sa talatang 16, sinabihan ni Jehova si Ezekiel na kumuha ng dalawang tungkod. Ang isa ay susulatan niya, “Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kaniyang mga kasama.” Sa isa naman ay kaniyang isusulat, “Sa Jose, na siyang tungkod ng Ephraim, at sa buong sambahayan ni Israel na kaniyang mga kasama.” Ano ba ang ibig sabihin ng mga tungkod na ito?
2 Ito’y kumakatawan sa dalawang bahagi ng kaharian ng Israel, na nahati at naging Juda sa timog at Ephraim sa hilaga. Bawa’t isa nito ay nabihag—ang hilagang kaharian ay noong 740 B.C.E. at ang timugang kaharian ay noong 607 B.C.E. Subali’t noong 537 B.C.E. isang nalabi buhat sa lahat ng 12 tribo ng Israel ang nagbalik sa Jerusalem, upang muling itayo roon ang nagkakaisang pagsamba kay Jehova. Paano ito ipinakikita sa hula ni Ezekiel?
3. Gaya ng ipinaghalimbawa sa Ezekiel 37:19, ano ba ang kailangang umiral sa gitna ng isinauling bayan ng Diyos?
3 Pakinggan ang mga salita ni Jehova kay Ezekiel, sa talatang 19:
“Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, aking kukunin ang tungkod ng Jose, na nasa kamay ng Ephraim, at ang mga tribo ng Israel na kaniyang mga kasama, at akin silang isasama roon, samakatuwid nga, sa tungkod ng Juda, at aking aktuwal na gagawin silang iisang tungkod, at sila’y magiging isa sa aking kamay.”’”
Ah, kailangang umiral ang pagkakaisa sa gitna ng isinauling bayan ni Jehova!
Nagkakaisa ng Pagsamba
4. Paano natupad ang Ezekiel 37:21 (a) noong 537 B.C.E.? (b) sa modernong panahon?
4 Ang bayan ng Diyos ay hindi na mahahati sa dalawang bansa, na ang itinataguyod ay dalawang kaharian, isa sa hilaga at isa sa timog, kundi sila’y aktuwal na magiging “isang bansa sa lupain.” Sila’y inaaliw ni Ezekiel, gaya ng iniutos ni Jehova:
“At sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroonan, at pipisanin ko sila sa lahat ng dako at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain . . . at isang Hari ang magiging hari sa kanilang lahat.”’” (Ezekiel 37:21, 22)
Ang mga salitang ito ay natupad sa pinagkaisang nalabi ng Israel sa kanilang pagbabalik galing sa pagkabihag noong 537 B.C.E., kaya naman ang ibinalik na nalabi ng pinahirang mga Saksi sa modernong panahon ay dumanas din ng kagalakan nang pagkaisa-isahin sila sa kanilang malaparaisong lupain ng espirituwal na kasaganaan.—Tingnan din ang Ezekiel 36:33-36.
5. Paanong ang bayan ng Diyos ay nilinis buhat sa karumihan?
5 Gayundin, ang bayan ng Diyos ay nilinis na buhat sa lahat ng espirituwal na karumihan na nilikha ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas, ang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5; 18:2, 4) Ang pagkalaya nila buhat sa mga turo at mga gawain ng huwad na relihiyon ang modernong-panahong malawak na katuparan ng hula na natupad sa maliit na paraan sa sinaunang Israel nang ito’y magbalik galing sa pagkabihag sa literal na Babilonya:
“At hindi na nila parurumihin ang kanilang sarili dahil sa kanilang salaulang mga idolo at sa kanilang kasuklam-suklam na mga bagay at sa lahat ng kanilang pagsalansang; at tiyak na ililigtas ko sila sa lahat nilang tahanang dako na kanilang pinagkasalanan, at lilinisin ko sila, at sila’y magiging aking bayan, at ako’y magiging kanilang Diyos.”—Ezekiel 37:23.
6. (a) Bakit ang espirituwal na Israel ngayon ay nagtatamasa ng matalik na kaugnayan sa kaniyang Diyos? b) Anong pagkakaisa ang kailangang sundin natin, kahit na kung mayroong isa na lumihis sa katotohanan?
6 Ang nakasusuklam na idolatriya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at sangkapaganuhan ay iniwaksi na ng ibinalik na bayan ni Jehova. Hindi na nila iniidolo ang mga nilikha o sinusunod man ang mga kaugalian ng makasanlibutang relihiyon, tulad halimbawa ng pagganap sa “mga kapistahan” na sumisirang-puri sa Diyos. Ang kanilang pagsamba ay hindi na baha-bahagi sa tatlong diyos sa iisa, ang umano’y pagkadiyos ng isang mahiwagang Trinidad, kundi sila ay nangagkakaisa bilang ang kaisa-isang bayan na sumasamba sa iisang Diyos, si Jehova. Sila’y nagkakaisa-isang pumupuri sa Soberanong Panginoon ng sansinukob, at ito ang nagbubuklod sa kanila na sama-sama sa pagkakaisang hindi makikita sa ano mang ibang bayan sa lupa! (Isaias 52:8) Kahit na kung isang dating kasama ang tinubuan ng isang mabalakyot na budhi, at lumihis sa kalipunan ng katotohanan na inilaan ni Jehova, tayo’y nakatayong nagkakaisa at kaisa ng organisasyon ng Diyos sa gawain nito at sa matalik na kaugnayan sa ating Diyos.—Kawikaan 3:32; Hebreo 10:22, 23.
Pagkilala sa Hari
7. Bukod sa tunay na pagsamba, ano pang isang tagapagkaisa ang ipinangako para sa bayan ng Diyos?
7 Nang ang sinaunang Israel ay ibalik sa kaniyang “lupain,” ang tunay na pagsamba ang naging tagapagkaisa sa kanila. Subali’t ang kaharian ay hindi isinauli. Kung gayon, bakit sa Ezekiel kabanata 37, talatang 22 at 24 ay tinutukoy ni Jehova ang isang “hari” na maghahari sa kanila? Sa talatang 24 at 25 ay mababa sa:
“At ang aking lingkod na si David ay magiging hari sa kanila, at silang lahat ay magkakaroon ng isang pastol; at sila’y magsisilakad ayon sa aking mga kahatulan, at susundin nila ang aking mga palatuntunan, at isasagawa. At sila’y aktuwal na tatahan sa lupain na aking ibinigay sa aking lingkod, kay Jacob, na tinahanan ng inyong mga ninuno, at sila’y aktuwal na mananahan doon, sila at ang kanilang mga anak at ang mga anak ng kanilang mga anak magpakailanman, at si David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman.”
8. (a) Bakit sa espirituwal na Israel kapit ang mga talatang ito? (b) Paano natin titiyakin ang panahon ng katuparan nito?
8 Ang bahaging iyan ng hula ay hindi kailanman natupad sa likas na Israel, at hindi na matutupad kailanman sa kaniya. Samakatuwid ang katuparan ay sa espirituwal na Israel. Subali’t kailan? Bueno, kailan ba lumuklok uli sa trono ni David ang isang hari na may “legal na karapatan“? Ito’y naganap nang matapos “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa” sa modernong taon ng 1914. Sa pagkatapos ng mga Panahong Gentil, “ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon” na si Jehova, na “magpupuno bilang hari magpakailan-kailanman,” at gayundin “ng kaniyang Kristo,” na ang pinaka-tipo ay si David.—Ezekiel 21:26, 27; Lucas 21:24; Apocalipsis 11:15.
9. Anong dalawang mga tunay na bagay ang nagsisilbing tagapagkaisa sa atin ngayon?
9 Kaya naman, sa ngayon, tayong mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang pinagkakaisa-isa ng tunay na pagsamba—bagaman mahalaga ang ganiyang pagsamba—kundi tayo rin naman ay pinagkakaisa-isa ng pagkatipon natin sa ilalim ng ating “Pinuno” na Hari! Kapuwa ang ating pagsamba at ang Kaharian ay mga tunay na bagay sa atin. At kapuwa ito nagsisilbing tagapagkaisa sa atin sa ating pagkakapatiran sa buong daigdig.
10. (a) Paano natin itinuturing ang ating Pastol-Hari? (b) Paano natin isinasagawa ang “mga kahatulan” ni Jehova?
10 Anong laki ng ating pag-ibig sa Hari natin! Sa ating lahat siya ay “isang pastol”—isang may kabaitang Pastol na umaakay sa atin sa tubig ng walang hanggang buhay. Kilala niya sa pangalan ang bawa’t isa sa atin at siya’y interesado sa pagtawag sa atin upang makalabas at sa pag-akay sa atin tungo sa saganang espirituwal na pastulan. Subali’t tulad sa mga tupa ng isang kawan, tayo’y kailangang manatiling nagkakaisa, ‘na lumalakad ayon sa mga kahatulan ni Jehova.’ Kailangang manatili tayong hiwalay sa sumusunod na tatlong bahagi ng organisasyon ni Satanas: ang kaniyang bulok na politika, ang kaniyang masakim na komersiyalismo at ang kaniyang idolatrosong relihiyon. Sa isang pagkakaisa na katulad niyaong kay Jesus at ng kaniyang mga unang alagad, ating ipinakikita na tayo ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” At kasali rin dito ang pag-iwas sa imoralidad ng sanlibutan. (Juan 17:14, 16, 20, 21; 18:36) Hindi dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna natin, samantalang tayo’y sumusunod sa mga palatuntunan ni Jehova at ating “isinasagawa.”
11. Paanong ang ating pamumuhay ay ibang-iba sa pamumuhay ng makasanlibutang mga relihiyonista?
11 Anong laking pagkaiba-iba nga ng pamumuhay na ito sa pamumuhay ng makasanlibutang mga relihiyonista! Sa kanila, karaniwan na, kahit ano puede. Ang maluwag sa disiplinang lipunan at ang nakasusuklam na asal nito ang pinapayagan nilang umakay sa kanila. Kadalasan ay mayroon silang ibat-ibang pamantayan para sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Halimbawa, sa mayayamang mga bansa, sila’y sumusunod humigit-kumulang sa kaayusan ng isang asawang-lalaki—isang sawang babae; sa ibang panig naman ng mundo kanilang tinatanggap na mga miyembro yaong mga nahirati nang magkaroon ng napakaraming asawang babae, at sa kasalukuyan ay mayroon pa ring marami. (Ihambing ang Mateo 19:4-6; 1 Timoteo 3:2, 12.) Subali’t tayong mga nagkakaisa-isa sa ilalim ni Kristo, na Pastol-Hari, ay sumusunod sa mga palatuntunan at mga simulain ng Bibliya sa lahat ng panig ng daigdig. At pagka ang mga bansa ay lumahok sa digmaan, tumatanggi tayo na patayin ang ating mga kapatid na mga tagaibang bansa, sapagka’t sa mga salita ni Isaias ay sinasabi tungkol sa atin: ‘Sila’y hindi na mag-aaral pa man ng pakikidigma.’—Isaias 2:3, 4.
12. Paano natin ipinakikitang tayo’y nagkakaisa-isa, “na parang isang kawan sa kulungan”?
12 Ang pagkakaisang ito ng nalabi ng espirituwal na Israel ay may kagandahang inilarawan sa hula sa Mikas 2:12, na kung saan sinasabi ni Jehova: “Akin silang ilalagay na magkakasama sa pagkakaisa, na parang isang kawan sa kulungan, na parang kawan ng mga tupa sa gitna ng kanilang pastulan; sila’y magkakaingay dahil sa karamihan ng mga tao.” Ito’y nasasaksihan natin sa mga asamblea ng mga lingkod ni Jehova: Libu-libo ang nakikinig nang puspusan, tahimik, sabik na marinig ang bawa’t salita habang tayo’y nasa pastulan at pinapastol ni Jehova at ng kaniyang Pastol-Hari. Mga Oriental, itim, puti—ang pinahirang nalabi at ang “mga ibang tupa”—lahat ay nagkakaisa sa kawan na ito. Ang ating mga kombensiyon, mga asamblea, mga pulong ng kongregasyon, ay pawang di-matututulang patotoo na ang pagkakaisa ng Kaharian ay natutupad na sa buong globo ngayon!
13. Paanong ang kawan ay “magkakaingay dahil sa karamihan ng mga tao”?
13 Subali’t, ano ba ang ibig sabihin ng mga salita ni Mikas na, “Sila’y magkakaingay dahil sa karamihan ng mga tao”? Ano ba ang nararanasan natin bago at pagkatapos ng ating mga pulong at mga asamblea? Aba, ang ingay ng masayang pagsasamahan, sa ating masayang pag-uusap-usap ay nadarama natin ang kagalakan ng ating pagsasama-sama bilang mga Kristiyano at ng mga pagkukuwentuhan natin tungkol sa ating paglilingkod sa ating Diyos. At ang pambuong daigdig na kongregasyon ay nagiging ‘maingay’ din, dahil sa bagay na ito’y patuloy na lumalago; habang mga bagong kongregasyon ang patuloy na napapatayo, lalo namang lumalakas ang nagkakaisang awitan ng pagpupuri kay Jehova sa buong lupa.—Awit 96:1-3.
14. Bumanggit ng mga halimbawa kung paano napapansin ng sanlibutan ang ating pagkakaisa.
14 Ang maligayang pagkakaisang ito, tulad ng isang kawan sa kulungan, ay napapansin ng sanlibutan. Halimbawa, noong panahon na ginaganap ang 1983 “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, ang pulisya sa Taegu, Korea, ay nagpapunta ng 30 mga opisyales sa assembly hall noong unang araw, subali’t nang makita ang pagkamaayos niyaon at kung paano kontrolado ng mga Saksi ang trapik sa labas, dalawa lamang opisyales ang pinapunta nila noong tatlong natitirang araw. Sa Taejon, ganito ang sabi ng hall manager: “Wari ko’y kayong mga tao ay inspirado ng langit—hanga-hanga ito.” Isang labis na pangungusap, pero naidiin niya ang punto! Sa Rangoon, Burma, sabi ng isa sa kagawad ng Gandhi Hall: “Kung ang buong daigdig ay mayroong samahan na katulad ng sa inyo, hindi magkakaroon ng mga problema sa daigdig.”
Ang “Tipan ng Kapayapaan” ni Jehova
15. Anong kanais-nais na kapayapaan ang inilalarawan sa Ezekiel 37:26?
15 Tunay na kapayapaan ang dumoroon sa inaakay ng ating Pastol-Hari, na si Kristo Jesus, sa pastulan. Ito’y isang kapayapaan na nanggagaling sa pagkakaisa, at ang pagkakaisang iyan ay natutupad na nga sa Kaharian sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ngayon. Kahanga-hangang inilalarawan ito ni Jehova sa kaniyang mga salita kay Ezekiel sa kabanata 37, talatang 26:
“At makikipagtipan ako sa kanila ng tipan ng kapayapaan; magiging tipan na walang-hanggan sa kanila. At aking ilalagay sila at pararamihin sila at itatatag ko ang aking santuaryo sa gitna nila magpakailanman”!
Pakikipagpayapaan sa Diyos! Pakikipagpayapaan na maaaring maging walang hanggan, salamat na lamang sa maibiging paghahain na ginawa ng ating Pastol-Hari nang siya’y narito sa lupa!
16. Ano ang umakay tungo sa pagdami ng “mga tupa”?
16 Ngayon na ang espirituwal na Israel ay dumami na ang mga kasapi hanggang sa hustong bilang na 144,000, isang malaking pulutong ng “mga ibang tupa” ang nakikisama sa kanila sa banal na paglilingkod sa santuaryo ni Jehova. Hindi matatapos ang pagdami ng “mga tupa”—sila’y angaw-angaw na ngayon! Nagkakaisa-isa sa buong daigdig, na ang mga tagapagbalitang ito ng Kaharian ay nagbabahay-bahay. Ang pangmadlang pagsambang ito ay tunay at may layunin sa atin, na nagtatangi sa atin bilang ang kaisa-isang bayan sa buong lupa na interesado sa pagbubunyi sa pangalan ni Jehova at sa pagbabalita ng kaniyang Kaharian ng kapayapaan. Anong laki ng ating kagalakan na makibahagi sa kaniyang tipan ng kapayapaan!
17. (a) Anong pampalakas-loob ang ibinibigay ni Jehova sa Ezekiel 37:27, 28? (b) Paano natin nalalaman na ang bantay-alagang ito ni Jehova ay hindi lamang sa espirituwal na Israel isinasagawa?
17 Sa Ezekiel 37, talatang 27 at 28, mababasa natin ang pangwakas na mga salita ni Jehova na nagpapalakas-loob sa kaniyang nagkakaisang kawan:
“At ang aking tabernakulo naman ay mapapasaibabaw nila, at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. At makikilala ng mga bansa na ako, si Jehova, ang nagpapabanal sa Israel pagka ang aking santuaryo ay napasa-gitna nila magpakailanman.”
Anong laki ng ating kagalakan at ang pagkukupkop ni Jehova sa kaniyang bayan ay tulad ng isang tolda na nakakadkad sa ibabaw nila! Ang mapagmahal na bantay-alagang ito ay hindi lamang sa espirituwal na Israel isinasagawa, sapagka’t mababasa natin tungkol sa “malaking pulutong” na “lulukuban sila ng kaniyang tolda ng Isang nakaupo sa trono.” Hindi na sila tatamaan pa ng init ng araw ng kaniyang pagkapoot.—Apocalipsis 7:9-17.
18. (a) Paano ‘pinababanal [ni Jehova] ang Israel’? (b) Paanong ang “malaking pulutong” ay napapalagay din sa isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?
18 Anong galak din natin na si Jehova ay tumatahan sa gitna ng espirituwal na Israel, at ang kaniyang santuaryo ay nasa gitna nila “magpakailanman”! Ang sentrong ito ng pagsamba sa kaniya ay banal, kaya yaong mga pumaparoon upang sumamba sa kaniya ay kailangang banal din, pinabanal, ibinukod ukol sa paglilingkod sa kanilang Diyos. Ang pinahirang mga Kristiyano ay tinutukoy na “hinugasang malinis, . . . pinabanal, . ipinahayag na matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at may espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:11) At gaya ng ipinakikita ng tinukoy nang teksto sa Apocalipsis 7:9-17, ang “malaking pulutong” na may makalupang pag-asa ay katulad din nila na “naglaba na ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero,” upang sila’y makapaghandog sa Diyos ng “banal na paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” Anong pagkalaki-laking patotoo ang resulta ng nagkakaisang paglilingkod na iyan sa buong globo!
19. Paano mapipilitan ang mga bansa na kilalanin ang mga salita ng Ezekiel 38:23? (b) Hanggang sa pagsapit ng panahong iyon, ano ang kailangang ipasiya nating gawin?
19 Gayunman, ang ating pinakamalaking kagalakan, samantalang tayo’y patuloy na sumusulong nang may-pagkakaisa sa Kaharian, ay darating sa araw ng pagbabangong-puri kay Jehova. At kung magkagayon ay babanalin ang kaniyang maningning na pangalan—maaalisan nang lahat ng nakaririmarim na paninira na ikinabit doon. Mapipilitan ang mga bansa na masaksihan ang pagliligtas sa mga lingkod ni Jehova na may taglay ng pangalan niya. Subali’t ang lalong mahalaga, gaya ng sabi na rin ng ating Soberanong Panginoon: “Kanilang makikilala na ako ay si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Harinawang tayo’y kumapit nang mahigpit sa pagkakaisa natin sa Kaharian, ngayon na isa na itong katunayan, hanggang sa ang maluwalhating pangalan ni Jehova ay pakabanalin nga sa buong sansinukob!
Paano natupad ang Ezekiel 37:15-28 tungkol sa:
□ Paggawa sa bayan ni Jehova na “isang tungkod”?
□ Paglalagay ng ‘isang hari at pastol’?
□ “Tipan ng kapayapaan” ng Diyos sa kaniyang bayan?
□ Tabernakulo ng Diyos na “mapapasa-ibabaw nila”?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 28]
Ang “tipan ng kapayapaan” ni Jehova ay dumaraan sa kaniyang nagkakaisang bayan ngayon at tumitiyak ng patuloy na kasaganaan hanggang sa lupang Paraiso