Ang Nagkakaisang “Matibay na Bansa” ng Diyos ang Lalaganap sa Buong Lupa
Ang Nagkakaisang “Matibay na Bansa” ng Diyos ang Lalaganap sa Buong Lupa
“Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”—ISAIAS 60:22.
1, 2. (a) Ano ba ang nangyari sa pagkakaisa at kaayusan ng daigdig? (b) Sa gitna ng isang nagpakasamang daigdig, ano ang nangyayari sa mga lingkod ni Jehova?
ANG mga taong may kabatiran ay sumasang-ayon na ang daigdig na ito ay nagiging lalong baha-bahagi at magulo. Isang editoryal sa The New York Times ang nasabi: “Ang karahasan sa politika ay lumalaganap sa buong mundo na bihira ang nakakatulad noong una. . . . Pagkarami-raming karahasan ngayon na anupa’t mahirap na masubaybayan.” Ang puna niyaon: “Wala nang nagpapaandar sa daigdig ngayon at nagpapairal ng kaayusan man lamang.” Datapuwa’t, ang ganitong kalagayan ay mismong Salita ng Diyos ang humula para sa kaarawan natin.—2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3-13.
2 Sa nagkakaisang mga lingkod ni Jehova, ang lumalaganap na kaguluhan ay isang tiyak na tanda na ang matandang sistema ng mga bagay ay malapit nang magwakas, samantalang isang bagong sistema ng mga bagay ang hahalili. (Lucas 21:28) Gayunman, sa gitna ng isang sanlibutan na higit at higit na si Satanas na Diyablo, na kaniyang nagpakasamang diyos, ang tinutularan, ang kaniyang bayan ay nililinis ni Jehova at inaakay sila tungo sa isang maningning na Bagong Kaayusan. Kaniyang tinitipon sila sa kaniyang dalisay na pagsamba, na naitaas na tulad baga kung ito’y nasa isang bundok, mataas kaysa lahat ng iba pang anyo ng pagsamba. Ang mga taong bumabaling sa nagkakaisang pagsambang ito sa tunay na Diyos ay nagsasabi naman sa iba: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:2, 3) Yaong mga napapasama sa nagkakaisang pagsambang ito ay naghihintay nang buong pananabik sa ‘bagong mga langit at isang bagong lupa na tatahanan ng katuwiran.’—2 Pedro 3:13.
Pagbubukod ng “mga Tupa” sa “mga Kambing”
3, 4. (a) Anong mga pangyayari ang nagaganap sapol noong 1914? (b) Paanong ang mga tao ay pinagbubukud-bukod para sa kaligtasan?
3 Sang-ayon sa talaorasan ng Diyos ng hula sa Bibliya, ang “mga bagong langit” (ang makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ni Kristo) ay itinatag sa napakamahalagang taon ng 1914. Sapol noon ang pagpili sa 144,000 mga makakasamang hari sa “mga bagong langit” ay sa pangkalahatan natapos na. (Apocalipsis 14:1-4) Ngayon si Jehova ay nananawagan ng mga tao upang maging mga sakop dito sa lupa ng Kahariang iyan. Sila’y “magsisilabas buhat sa malaking kapighatian” bilang mga nakaligtas upang magsimulang magtayo ng isang matuwid na bagong kaayusan sa ilalim ng pamamanihala ng Kaharian.—Apocalipsis 7:9, 14; Mateo 24:21.
4 Ganito ang pagkahula ni Jesus sa pagtitipong ito: “Pagdating ng Anak ng tao [si Kristo] na nasa kaniyang kaluwalhatian [sa makalangit na kapangyarihan sa Kaharian], na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, nguni’t ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” At ano ang resulta? Sinabi ni Jesus: “At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan [tulad-tupang mga tao], ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.’ . . . Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa [tulad-kambing na mga tao], ‘Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang-hanggan [walang-hanggang pagkapuksa] na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel.’ . . . At ang mga ito ay tutungo sa walang-hanggang pagkaputol, nguni’t ang mga matuwid“ ay sa walang-hanggang buhay.”—Mateo 25:31-46.
5. Paano ipinakikita ngayon ang awa ni Jehova?
5 Si Jehova ay isang maawain at maibiging Diyos. “Siya ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat.” (2 Pedro 3:9) Bago puksain ng Diyos ang baha—bahaging sanlibutang ito, ang kaniyang mga lingkod ay pinagdadala niya ng pabalita ng pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa isang matuwid na Bagong Kaayusan. Kaya naman, sinabi ng kaniyang Anak: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
6. Sino ang ginagamit ni Jehova sa pangangaral ng Kaharian?
6 Sino ba ang magsasagawa ng pangangaral na ito ng Kaharian bago dumating ang wakas? Maliwanag na hindi gagamitin ni Jehova yaong mga ayaw na maglingkod sa kaniya. Ang mga ginagamit niya sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay yaong mga kusang nagpapasakop sa kaniya. Sa nalabi ng espirituwal na Israel ay natupad ang hula: “Akin silang ilalagay na magkakasama sa pagkakaisa, na parang isang kawan sa kulungan.” (Mikas 2:12) Ang “mga ibang tupa” ay kasama na nila sa pagkakaisang iyan. (Juan 10:16) Lahat na ito ay ang nagkakaisang mga saksi ni Jehova sa buong daigdig. Kasali sa kanila ang matatanda at mga bata, mga lalaki at mga babae, sapagka’t ang kinasihang mga awit ay nagsasabi: “Purihin mo bayan si Jah! . . . Kayong mga binata at gayundin kayong mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova.” “Ang mga babae na nangangaral ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—Awit 68:11; 148:1, 12, 13.
Pangangaral sa Pagkakaisa
7. (a) Anong pagkakaisa mayroon ang mga Saksi ni Jehova? (b) Paano natin matitiyak na ang pagkakaisang ito iingatan upang magpatuloy?
7 Pinangyayari ni Jehova, ni Jesu-Kristo at ng mga banal na anghel na ang pabalita ng Diyos ay maipangaral sa pagkakaisa ng makalupang organisasyon ng mga tagapangaral ng Kaharian. (Mateo 28:19, 20; Juan 14:26; Apocalipsis 14:6, 7) Samakatuwid ay ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos. Sila ay “lubusang nagkakaisa, na may iisa lamang kaisipan at isang layunin.” ‘Sa pamamagitan ng iisang pag-iisip at iisang bibig ay kanilang niluluwalhati ang Diyos at Ama ng kanilang Panginoong Jesu-Kristo.’—1 Corinto 1:10, Today’s English Version; Roma 15:6.
8. Ano ang kailangan upang makamit ang pagkakaisa ng pagsamba?
8 Upang makamit ang pagkakaisang ito ng kaisipan, layunin at pangangaral, ang mga Saksi ni Jehova ay regular na nag-aaral ng Salita ng Diyos na katotohanan. Kanilang ginagawa ito nang sarilinan, sa taun-taon na mga kombensiyon at gayundin sa limang pulong ng kongregasyon sa linggu-linggo. Sa ganito’y tumatanggap sila ng nagdudulot-pagkakaisang espirituwal na pagkain buhat sa hapag ni Jehova. (Mateo 24:45-47; Hebreo 10:24, 25) Ang edukasyong ito sa Bibliya ay kinikilalang siyang pinaka-susi sa kanilang nagkakaisang pagsamba. Gaya ng sinabi ng Katolikong manunulat na si William Whalen sa magasing U.S. Catholic: “Sa ano mang kingdom hall [ng mga Saksi ni Jehova] ay makakamtan ang higit na edukasyong pang-adulto sa loob ng isang buwan kaysa makakamtan sa karamihan ng mga parokyang Katoliko sa buong santaon.” Oo, ang edukasyon sa Bibliya ang pinaka-susi sa pagkakaroon ng ‘iisang kaisipan,’ “isang layunin,“ “iisang bibig.”
9. Paano natin makikilala yaong mga ginagamit ni Jehova upang ipangaral ang pabalita ng Kaharian?
9 Kung mayroon kayong ano mang alinlangan kung sino ang ginagamit ni Jehova sa pangangaral ng kaniyang “mabuting balita ng kaharian,” tanungin ang inyong sarili: Pagka mayroong mga dumadalaw sa bahay-bahay upang makipag-usap tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, sino ba ang mga nagsisidalaw na ito? Kilalang-kilala na sila’y mga Saksi ni Jehova. Gaano bang kadalas dinadalaw kayo ng mga taong may ibang relihiyon upang makipag-usap sa inyo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian? Gaanong kadalas ang gayong mga tao’y nakikipag-usap tungkol sa mga bagay na ito, saanman? Ang mga tagatangkilik ng baha-bahaging mga relihiyon ng sanlibutang ito ay hindi nagsasalita tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Kakaunti sa kanila ang nakakakilala man lamang kay Jehova o sa kung ano ang pangyayarihin ng kaniyang Kaharian para sa lupang ito. Gayunman, ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ay mga balita na yumayanig sa daigdig, sapagka’t, gaya ng inihula ng Daniel 2:44, malapit nang kumilos ang Kaharian ni Jehova upang ‘durugin at wakasan ang lahat ng iba pang mga pamahalaan at ito lamang ang maghahari magpakailanman.’
Mabilis na Paglago Buhat sa Maliliit na Pasimula
10. Gaano bang karami ang mga lingkod ni Jehova bago sumapit ang 1914, subali’t paano natin dapat malasin ang nagawa noon?
10 Ang modernong-panahong pagbabalita ng Kaharian ay nagsimula sa maliit na paraan. Mula noong 1870’s hanggang sa pinaka-saligang taon ng 1914, kakaunti ang mga tagapagbalita ng Kaharian. Subali’t ang mga tapat na tagapagbalitang ito ang naglatag ng patibayan para sa darating. Bagaman maliit ang pasimulang iyon, nagugunita natin ang talatang nagsasabi na huwag nating ‘hamakin ang araw ’ng maliliit na bagay.’ (Zacarias 4:10) Para sa mga lingkod ni Jehova, iyon ay isang “araw ng maliliit na bagay” bago sumapit ang 1914, subali’t higit pa ang nakatakdang dumating.
11, 12. (a) Anong ebidensiya ang nagpapatunay na kumilos na ang banal na espiritu pagkaraan ng 1914? (b) Ano ang naging komento tungkol sa gawaing pang-Kaharian mahigit nang 30 taon ngayon ang nakalipas, at ano ang masasabi natin tungkol dito ngayon?
11 Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, ang matandang sistema ng mga bagay ay nagsimula na sa kaniyang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Ang paghahari ng Kaharian ay nagsimula rin noong 1914. (Apocalipsis 12:10-12) Nang magkagayon ay binigyang-kapangyarihan si Kristo na magsimula na ng paghihiwalay ng “mga tupa” sa “mga kambing.” Sa gayon, ang banal na espiritu ng Diyos ay nagsimulang magpakilos nang puspusan sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Ihambing ang Gawa 2:16-21.) Buhat sa mga 4,000 mga tagapagbalita ng Kaharian noong 1918 sila ay naging mahigit na 260,000 noong 1948, isang yugto ng panahon na 30 taon. Halos nang panahon ding iyon, si C. S. Braden, isang propesor ng kasaysayan ng relihiyon, ay sumulat: “Ang buong lupa ay literal na nilaganapan ng mga Saksi ni Jehova ng kanilang pangangaral. . . . Tunay na masasabing walang sino mang grupong relihiyoso sa daigdig ang kinakitaan ng higit na sigasig at pagtitiyaga sa pagtatangkang mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian kaysa mga Saksi ni Jehova.”
12 Subali’t, iyan ay mahigit nang 30 taon ngayon ang nakalipas! Sa ngayon ay mahigit na makasampung beses ang dami ng mga tagapagbalita ng Kaharian sa buong daigdig kung ihahambing noong 1948! Yamang, ayon sa sabi ni Braden, noon ay ‘nilaganapan ang buong lupa’ ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ng Kaharian, ano ang masasabi tungkol sa lawak ng gawain sa Kaharian ngayon? At masasabi natin ito nang may pagtitiwala: Higit pa ang darating sa malapit na hinaharap!
13. Anong mga pangyayari sa buong daigdig ang nagpapatunay na natutupad ang Isaias 60:22?
13 Nag-ulat ang mahigit na 200 bansa tungkol sa paglago ng mga tagapagbalita ng Kaharian. Upang makatumbas nito, mga bago o pinalawak na pasilidad ng mga sangay ang naitayo na o itinatayo pa. Mayroong mga bagong makina, bago at mas mabibilis na pamamaraan ng pag-iimprenta, malawakang paggamit ng mga computer, at masisipag na mga manggagawa sa lumalagong mga pamilyang Bethel sa buong ’daigdig. Lahat ng ganitong mabilis na paglawak ay nagpapatunay sa atin na nakikita natin ang mismong katuparan ng nakagagalak na pangako noong una tungkol sa tapat at matiyagang mga lingkod ng Diyos: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Walang alinlangan na ang mga Saksi ni Jehova ay sinasangkapan sa espirituwal at inihahanda bilang isang organisasyon upang magbigay ng pinakamalawak na patotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa kasaysayan ng daigdig!
14. Bakit natin masasabi na ang mga lingkod ni Jehova ay lubusan nang patungo sa pagiging isang “matibay na bansa”?
14 Sa ngayon ay mayroong mahigit na dalawa at kalahating milyon na aktibong Kristiyanong mga ministro ng mabuting balita. Sila’y matatagpuan sa mahigit na 46,000 mga kongregasyon sa buong daigdig. Nang magtipon ang mga Saksi ni Jehova noong Marso 29, 1983, upang alalahanin ang kamatayan ni Kristo, 6,767,707 katao ang nagsama-sama, at sa ganito’y ipinakita na interesado sila sa Kaharian ng Diyos. Ang bilang na iyan ay nakahihigit pa sa kani-kaniyang populasyon nitong halos dalawang katlo ng mga bansa ng daigdig! Tunay, ang nagkakaisang mga lingkod ni Jehova ay lubusan nang patungo sa pagiging isang “matibay na bansa,” bagaman sila ay kakaunti kung ihahambing sa kabuuang populasyon ng daigdig na humigit-kumulang apat at kalahating bilyon.—Mateo 7:13, 14.
15. Ano ba ang nangyari noong nakalipas na mga ilang taon tungkol sa pagtitipon sa mga taong tulad-tupa?
15 Kamakailan, ang pagtitipon sa tulad-tupang mga tao ay lalong bumilis. Ang nakahilig sa matuwid na mga tao ay humuhugos ngayon sa organisasyon ni Jehova sa pagsamba. Sa ganoon, sila’y nakikibahagi sa kamangha-manghang katuparan ng pangako ng Diyos sa Hagai 2:7, na kung saan sinasabi ni Jehova: “Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian.” Ang kanais-nais at mapagpakumbabang mga taong ito ay nagsasabi sa mga lingkod ni Jehova: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagka’t narinig namin na ang Diyos ay sumasa-inyo na mga tao.”—Zacarias 8:23.
16, 17. Paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang mga lingkod bago niya puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay?
16 Ang lumalawak na nakikitang organisasyon ni Jehova ay malapit na sa panahon na kaniyang gagamitin ito sa isa pang puspusang paraan: ang pagbibigay ng kaniyang pangkatapusang hatol na pasabi sa sistemang ito. Ito’y maihahalintulad sa panahon na ang mga Israelita, na nakapagmartsa na sa palibot ng Jerico nang minsan sa isang araw sa loob ng anim na araw, ay bigyan ng tagubilin na: “Sa ikapitong araw ay liligirin ninyo ang lunsod nang makapitong ulit at ang mga saserdote ay hihihip ng mga pakakak. . . . Pagka inyong narinig ang tunog ng pakakak, lahat ng tao ay dapat sumigaw ng isang malakas na sigaw sa digmaan; at ang kuta ng lunsod ay guguho.” Samakatuwid noong katapusang araw ang gawain ay bumilis nang makapitong ulit! At nang magkagayo’y tumunog ang mga pakakak, ang mga tao ay sumigaw ng sigaw na pandigmaan at “ang kuta ay nagsimulang gumuho.”—Josue 6:12-15, 20.
17 Sa ngayon “malambot” na tubig ng katotohanan ang dinadala sa mga tao upang himukin sila na bumaling kay Jehova. Nguni’t malapit na ang araw na ang pasabi ay magiging “matigas.” Ibabalita nito ang napipintong wakas ng buong sistemang ito na maka-Satanas. Ang malambot na tubig ng katotohanan ay titigas at magiging matitigas na graniso ng katotohanan. Ang pangkatapusang hatol na mga pasabing ito ay pagkatitigas na anupa’t inihahalintulad sa “malakas na pag-ulan ng graniso na ang bawa’t isa’y halos kasingbigat ng isang talento,” samakatuwid nga, pagkalaki-laki. Kaya naman sinasabi ng Apocalipsis 16:21: “Ang salot na ito ay lubhang malaki.”
Ang “Matibay na Bansa” ay Lumalaganap sa Buong Lupa
18. (a) Gaanong katunay ang Kaharian ng Diyos? (b) Ano ang ipinakikita ng Daniel 2:35 na balang araw ay gagawin ng Kaharian?
18 Ang Kaharian ng Diyos na inuuna ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang buhay ay tunay na isang totohanang pamahalaan. Si Kristo at ang kaniyang 144,000 mga kasama ang makalangit na mga tagapamahala. Ito’y may tunay na mga batas at isang “konstitusyon”—ang Salita ng Diyos. Ang tunay na pamahalaang ito ay mayroon ding mga tunay na sakop na bumubuo ng isang lumalagong bansa, angaw-angaw sila na nagkakaisa bilang isang bayan. At ayon sa hula ng Bibliya pagkatapos na durugin ng Mesiyanikong Kahariang ito ang lahat ng makasanlibutang pamahalaan at maparam nang lahat, ito ang ‘lalaganap sa buong lupa.’ (Daniel 2:35) Papaano mangyayari ito?
19, 20. Paanong ang mga lingkod ni Jehova ay magiging isang “matibay na bansa” sa lubusang kahulugan?
19 Yaong mga makaliligtas sa Armagedon ay magsisimula ng pagtatayo ng Paraiso na binanggit ni Jesus sa Lucas 23:43. (Apocalipsis 16:14, 16) Pagkatapos, sa takdang panahon, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at ng di-matuwid.” (Gawa 24:15) Sa Sanlibong Taong Paghahari ni Kristo sa Kaharian, lahat ay bibigyan ng pagkakataon na manindigan sa panig ng Kaharian. Ang mga aayaw sa matuwid na pamamahala ay lilipulin. (Apocalipsis 20:6, 11-15) Sa gayon, sa katapusan ng sanlibong taon, lahat ng nabubuhay dito sa lupa ay tapat na mga mananamba kay Jehova! At masasabi na ang Isaias 11:9 ay lubusang matutupad: “Ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”
20 Isang napakaligayang panahon iyon! Sino mang taong makasalubong mo ay isang mananamba kay Jehova, na may “iisang pag-iisip,” “isang layunin,” “iisang bibig.” Bilyun-bilyon ng gayong nagkakaisang mga mananamba, na iniuli na sa kasakdalan bilang mga tao, ang lalaganap upang punuin ang lupang Paraiso. At kung magkagayo’y sila nga ay tunay na magiging isang “matibay na bansa,” ang pinakamatibay na bansa na umiral kailanman sa lupa. Hindi, hindi isang panaginip lamang ang isang nagkakaisang sangkatauhan. Natutupad na ito ngayon sa sandaling ito! Ikaw ba’y bahagi nito?
Mga Tanong sa Repaso
□ Samantalang lalong gumugulo ang daigdig, ano naman ang nangyayari sa bayan ni Jehova?
□ Anong dakilang gawaing pagbubukud-bukod ang isinasagawa ngayon?
□ Bakit makapagtitiwala tayo na mananatili ang pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova?
□ Paanong ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay umuunlad tungo sa pagiging isang “matibay na bansa,“ at saan ito hahantong?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Kung paano inihihiwalay ng pastol ang mga tupa sa mga kambing, ganito rin pinagbubukud-bukod ng naghaharing si Jesu-Kristo ang mga tao ngayon
[Larawan sa pahina 19]
Mga tahanang Bethel at mga pabrika na tulad nito ang itinatayo o pinalalawak para sa higit pang gawain sa pangangaral ng kaharian