Saan Natin Makikita ang Pagkakaisa sa Nag-aawayang Daigdig na Ito?
Saan Natin Makikita ang Pagkakaisa sa Nag-aawayang Daigdig na Ito?
“Akin silang ilalagay na magkakasama sa pagkakaisa, na parang isang kawan sa kulungan.”—MIKAS 2:12.
1, 2. Bakit hindi ang mga lider ng daigdig ang maaasahan natin na tagapagkaisa sa sangkatauhan?
MAY libu-libong taon nang ang sangkatauhan ay kalunus-lunos ang pagkakabaha-bahagi. Pampolitika, pangkabuhayan at panlipunan na mga pagkakaiba-iba ang tagapagbaha-bahagi sa sangkatauhan upang mag-away-away at magdigmaan. Nasaksihan sa ating ika-20 siglong ito ang pinakamalubhang resulta nito. Halimbawa, sa Digmaang Pandaigdig II lamang ay tinatayang 55 milyong katao ang nangamatay, na umabot sa sukdulan sa pagwawasak ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki.
2 Noong nakalipas na mga decada, sa mga karagdagan pang alitan angaw-angaw na mga buhay ng tao ang napahamak. Ngayon, dahil sa mga armas nuclear ng magkakatunggaling mga bansa ay nanganganib ang mismong buhay sa lupa. At, gaya ng binanggit ng The Guardian ng Inglatera, ang mga paghahanda para sa digmaan, “pangmateryal at pang-isipan, ay puspusang isinasagawa” ng mga bansa, malalaki at maliliit. Tiyak, kung gayon, na hindi ang mga lider ng daigdig ang maaasahan natin sa ikapagkakaisa ng sangkatauhan.
Ang Kasaysayan ng Relihiyon ng Daigdig
3, 4. Ano ang sinasabi sa atin ng kasaysayan tungkol sa makasanlibutang relihiyon bilang isang maaasahang tagapagkaisa sa mga tao?
3 Gayunman, ang mga relihiyon ba ng daigdig na ito ang maaasahan na tagapagkaisa sa mga bayan? Ang kanila bang kasaysayan ay humihila sa atin sa higit pang pagtitiwala? Ito ang sumasagot ng hindi. Isang editoryal sa Chicago Tribune ang nagsabi: “Bawa’t pangunahing relihiyon ay nangangaral ng kapayapaan at pagkakapatiran at kaawaan, subali’t ang ilan sa pinakamalulupit at pinakapanatikong panunupil sa kasaysayan ay isinagawa na ang sinangkalan ay ang pangalan ng Diyos.” Ganiyan din ang obserbasyon ng editor ng pahayagan na si C. L. Sulzberger: “Bagaman hindi kanais-nais pag-usapan, hindi baga dapat matalos na bukod sa mga iba pang sanhi—imperyalismo, racismo, militarismo—ang relihiyon ang patuloy na nagiging lalong malaking panganib sa buhay ng tao?”
4 Oo, ang kasaysayan ay tigmak ng dugo ng mga nasawi sa alitan na relihiyon ang sanhi o may pagsang-ayon ito. Kahit na sa siglo nating ito, sa panahon ng nasyonalistikong mga digmaang pandaigdig at iba pa, nasaksihan natin ang kalapastanganan-sa-Diyos na gawaing pagpatay ng Katoliko sa kapuwa Katoliko, ng Protestante sa kapuwa Protestante, ng Muslim sa kapuwa Muslim, ng Judio sa kapuwa Judio. Oo, pinatutunayan ng kasaysayan na, malayo sa pagiging tagapagkaisa sa sangkatauhan, ang makasanlibutang relihiyon ay isa pa ngang lalong nagpapalubha sa pagkakabaha-bahaging ito.
5. Saan ba nanggagaling ang baha-bahaging mga relihiyon ng sanlibutang ito?
5 Ang nakalilito at baha-bahaging kalagayan ng mga relihiyon ng sanlibutang ito ang malinaw na nagpapatunay na hindi ang Diyos ang tumatangkilik sa kanila. Marahil iyan ay pagtatakhan ng mga nag-iisip na lahat ng relihiyon ay mabuti kung ito’y nag-aangkin na kumakatawan sa Diyos. Subali’t ang kinasihang Salita ng Diyos ay malinaw na nagsasabi: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Hindi ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, kundi ang isang di-banal, o nagpapakilos na puwersa, ang lumilikha ng ‘pagkakapootan, gulo, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, mga sekta.’ (Galacia 5:19, 20) Sa Santiago 3:14, 15 ay tinutukoy ang karunungang may kaugnayan sa masamang espiritung ito bilang “makademonyo,” na nanggagaling sa “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,“ si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4.
Isang Baha-bahaging Sambahayan
6. Anong simulain na ibinigay ni Jesus ang kumakapit sa sanlibutang ito?
6 Ang baha-bahaging kalagayan ng sangkatauhan ay nagpapagunita-sa atin ng mga salitang ito ni Jesus: “Ang bawa’t kahariang nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak, ang bawa’t lunsod o bahay na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.” (Mateo 12:25) Batay diyan, ang baha-bahaging sanlibutang ito ay tiyak na babagsak. Oo, maging ang mga bansa man ay sang-ayon sa kasabihang, “Nagkakaisa tayong nakatayo, baha-bahagi tayong babagsak.”
7. Anong pangangailangan ang nakita ng mga ilang tao upang subukin na maiwasan ang kapahamakan?
7 Upang maiwasan ang isang kapaha-pahamak na pagbagsak, ang ilang mga tanyag na tao ay nananawagan para sa pagkakaroon ng binabagong kaisipan ng tao. Ang sabi ng nuclear scientist na si Harold Urey: “Walang mapanghahawakang solusyon sa mga problema ng daigdig kundi sa wakas isang pandaigdig na pamahalaan na makapagtatatag ng batas sa buong ibabaw ng mundo.” Gayundin, “iginiit [ni Albert Einstein] na ang kapayapaan sa gitna ng mga bansa ay mapananatili sa atomic age tangi lamang sa pagkakaisa ng lahat ng tao sa ilalim ng isang sistema ng pandaigdig na batas.” Ang ipinayo niya: “Kailangang daigin natin ang nakasisindak na mga balakid sa mga bansa.” Oo, maraming tao ang nakakakita ng pangangailangan ng isang pandaigdig na pamahalaan.
8. Maiiwasan ba ng baha-bahaging sanlibutang ito ang pagbagsak?
8 Datapuwa’t, makaaasa kaya na ang mga bansa ng sanlibutang ito ay magbibitiw ng kanilang soberania? Kung gayon, kanino? Tiyak na hindi sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa (UN). Kalimitan na ang mga bansa ay nakikipagdigma imbis na pailalim sa mga desisyon ng UN. Kaya naman, ang sanlibutang ito, na may baha-bahaging pamamalakad politikal, komersiyal, sosyal at relihiyoso, ay patungo sa pagbagsak.—Zefanias 3:8; 1 Juan 2:15-17.
Isang Bayang Tunay na Nagkakaisa
9. Ano ang posibilidad na magkakaisa ang sangkatauhan?
9 Kung gayon, ang ibig bang sabihin nito ay wala nang pag-asang magkakaisa pa ang daigdig? Hindi naman! Bagkus, ang pagkakaisa ng daigdig ay hindi lamang posible kundi maiiwasan! Sa katunayan, ang saligan para sa pagkakaisa ng daigdig ay nailatag na! Mayroon na ngayong isang bayan na gumagawa ng sinabi ni Einstein, ‘dinadaig ang mga balakid ng nasyonalismo.’ Isang tunay na nagkakaisang bayan ang umiiral na ngayon sa buong daigdig. Umiiral na ngayon ang isang superior na pamahalaang pandaigdig na ito’y inilalagay na una sa kanilang buhay ng angaw-angaw na mga tao sa lahat ng bansa.
10. Ano ang mga katangian ng isang tunay na pamahalaan?
10 Marami ang mag-aakalang mahirap mangyari ang ganiyan. Baka itanong nila: ‘Ang tinutukoy ba ninyo’y isang tunay na pamahalaan na may mga tunay na batas at tunay na mga mamamayan? Saan ba mangyayari ang lahat na ito? Sino ang mga kasangkot? Bueno, ano ba ang bumubuo ng isang pamahalaan? Maraming bagay: (1) Kailangang mayroong itong tunay na mga lider na buhay; (2) ang lugar na mula roon namamahala ito ay kailangan ding tunay; (3) ang bansa ay kailangang may tunay na mga batas na magpapanatili ng kaayusan; (4) ito’y kailangang may mga tunay na sakop—mga tao. Halimbawa, sa Estados Unidos ay mayroong isang ehekutiba (ang pangulo) na nasa Washington, D.C. ang sentro ng kaniyang pamahalaan. Mayroong isang lehislatura (Congreso) na gumagawa ng mga batas. Mayroong isang judicatura (mga hukuman ng batas) na magpapatupad ng mga batas ng bansa. At mayroong mahigit na 230 milyong katao na mga sakop nito. Mayroon bagang magsasabi na lahat na ito ay hindi tunay?
11. Paano kinilala ng kahit na isang pahayagan ng sanlibutan na talagang umiiral ang isang nagkakaisang bayan?
11 Ganiyan ding katunay ang pag-iral ng isang tunay na nagkakaisang bayan sa ngayon! Saan? Aling pamahalaan ang pinaglilingkuran nila? Bakit natin masasabi na sila’y lubusang nagkakaisa? Ang pahayagang O Tempo ng Brazil ay may ganitong binanggit tungkol sa pambihirang mga taong ito: “Bagaman maraming kahanga-hangang relihiyon na mayroong kani-kanilang propaganda sa lahat ng panig ng mundo, walang umiiral na kahit na isa sa balat ng lupa ngayon na nagpapakita ng pag-ibig at pagkakaisa na gaya ng makikita sa Teokratikong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova.”
12. Anong paniwala na ipinahayag sa isang pahayagan sa Belgium ang naaayon sa isang katotohanan na kinikilala ng mga Saksi ni Jehova?
12 Sa Belgium, ang pahayagang La Nouvelle Gazette ay mayroong ganitong paulong-balita: “Upang Maiwasan ang Isang Digmaang Nuclear Nang Hindi Lalampas ang 25 Taon, ang mga Ekspertong Amerikano ay Nakasumpong ng Isa Lamang Solusyon: Yaong sa mga Saksi ni Jehova!” Sinabi ng artikulo na ang tanging remedyo ay “isang malaking pagbabago sa istilo ng buhay ng sangkatauhan.” Sa konklusyon ay sinabi ng pahayagan na ang ganitong paniwala ay kasuwatung-kasuwato “ng proposisyon na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova.” At ano bang “proposisyon” iyon? Yaong isa na ginawa ni Jesus na pangunahing tema ng kaniyang turo: ang bagong pamahalaan ng Diyos para sa buong lupa. Ang kaniyang makalangit na Kaharian na si Kristo ang hari. Ang pamahalaang iyon ang remedyo na ibinibigay ng Diyos, ang tanging remedyo para sa lahat ng problema ng sangkatauhan, kasali na ang kalagayan nito na pagkakabaha-bahagi. Tinuruan ni Jesus ang mga tao na ipanalangin ang pamahalaang iyon nang kaniyang sabihin: “Dumating nawa ang kaharian mo, gawin nawa ang kalooban mo, sa lupa para ng sa langit.” (Mateo 6:10, Katolikong Jerusalem Bible) At, gaya ng pagkasalin ng bersiyon ding ito ng Bibliya sa hula ng Daniel 2:44, ang pamahalaang iyon ng Diyos ay malapit nang “dudurog sa . . . lahat ng dati nang mga kaharian, at sa ganang sarili’y lalagi magpakailanman.”
Pagpapakita ng Tunay na Pag-ibig at Pagkakaisa
13. Tungkol sa isang pandaigdig na pamahalaan na tagapagkaisa sa mga tao, ano ba ang nangyayari sapol noong 1914?
13 Ang mga pangyayari sa daigdig na katuparan ng hula ng Bibliya ay nagpapakita na nagsimulang nagpuno noong 1914 ang makalangit na pamahalaan ng Diyos. Noon ay iniluklok ng Diyos bilang tagapamahala ang kaniyang nasubok nang Hari, si Jesu-Kristo. (Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:10) Ang pamahalaang iyon ay may superior na mga batas at prinsipyo, na nakasulat sa pinakabanal sa lahat ng dokumento, ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) At sapol noong 1914 ang mga mamamayan ng Bagong Kaayusan ng Diyos ay tinitipon na ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Kaya sa mismong mga sandaling ito ay inilalatag na ang pundasyon ng bagong lipunang iyon sa lupa! Oo, lahat na ito ay tunay na tunay. Ito’y hindi lamang isang panaginip.—Mateo 25:31-46; Juan 10:14-16; 2 Pedro 3:13.
14. Anong tagapagbaha-bahagi ang nadaig ng mga Saksi ni Jehova?
14 Bilang mga mamamayan ng Bagong Kaayusan, ang makalangit na pamahalaan ng Kaharian ng Diyos ang inuuna sa kanilang buhay ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng bansa. Sa gayon, pagka binabasa ng mga Saksi ni Jehova ang utos ni Jesus na, “Kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo,” kanilang ikinakapit ito, at sinusunod sa buong daigdig. (Juan 15:12) Kaya naman, kanilang iniwalat na ang nakapipigil na gapos ng makitid-isip na nasyonalismo. Sila’y nagpapakita ng pag-ibig sa lahat ng tao, anuman ang lahi, angkan o bansa ng isang tao.
15, 16. Papaanong ang pananaig sa nasyonalismo ay hinangaan ng iba?
15 Tungkol dito, sa magasing Italyano ng simbahan, na Andare alle genti, isang madreng Romano Katoliko ang sumulat ng ganito tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila’y karapat-dapat sa ating paghanga dahil sa paraan ng pagtanggi nila sa ano mang anyo ng karahasan at pinagtitiisan nila, nang hindi gumaganti, ang maraming pagsubok na dinaranas nila dahilan sa kanilang mga paniwala . . . Magiging ibang-iba sana ang daigdig kung lahat tayo ay magigising isang umaga na taglay ang matatag na pasiyang hindi na tayo makikipagdigma uli, anuman ang kapalit o dahilan nito, tulad ng mga Saksi ni Jehova!”
16 Ang Italyanong pahayagang Il Corriere di Trieste ay may ganitong sabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na hangaan dahil sa kanilang katatagan at pagkakaisa. Kabaligtaran ng ibang mga relihiyon, dahilan sa pagkakaisa nila bilang isang bayan ay hindi nila magawa ang pananalangin sa iisang Diyos, sa pangalan ng iisang Kristo, kasabay ng pagbasbas sa dalawang naglalabang panig sa isang digmaan, o ng paghahalo ng politika at relihiyon upang magsilbi sa mga intereses ng mga Pangulo ng Estado o mga partido politika.”
17. Sa 1 Juan 3:10-12 at Juan 13:35 papaano ipinakikita ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ni Satanas?
17 Pansinin kung paano kasuwato ito ng 1 Juan kabanata 3, talatang 10 hanggang 12. Sinasabi niyaon: ‘Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagka’t ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t-isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.” Hindi, ang mga anak ng Diyos ay hindi pumapatay ng kanilang mga kapatid. Mga anak ni Satanas ang gumagawa niyan.-Juan 13:35.
18. Ano ang nangyayari sa dating baha-bahaging mga tao pagka sila’y naging mga Saksi ni Jehova?
18 Kung gayon, pagka ang mga Arabe, Judio at nag-aangking mga Kristiyano sa Israel at sa Lebanon ay naging mga Saksi ni Jehova, sila’y nagkakaisa-isa sa isang di-masisirang buklod ng pag-iibigan at pagkakaisa. Gayundin ang mga dating Katoliko at mga Protestante sa Northern Ireland. Gayundin ang mga itim at mga puti sa Estados Unidos. Gayundin ang mga taong nasa iba’t-ibang mga tribo sa Aprika na dating mga nagkakapootan at naglalaban-laban. Ang magasing New Society ng Britanya ay may ganitong sinabi: “Ang mga Saksi ang marahil higit na matagumpay kaysa ano mang ibang grupo sa bilis ng pag-aalis nila ng pantribong pagtatangi-tangi sa kanilang nakuhang mga bagong kaanib.”
Ang Pinagmumulan ng Pagkakaisa
19. Sa anong dalawang mahalagang bagay pambihira ang mga Saksi ni Jehova?
19 Bakit ba nakapagpapakita ang mga Saksi ni Jehova ng gayong pag-ibig at pagkakaisa? Ito ba’y dahil sa kanilang sekular na edukasyon, katanyagan, kayamanan o katalinuhan? Hindi; sila’y karaniwang mga tao lamang. Subali’t sila’y pambihira dahil sa dalawang mahalagang bagay. Una, ang buong Bibliya ay pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova bilang ang kinasihang Salita ng Diyos, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang mamuhay nang ayon dito. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na narinig ninyo sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos, na gumagawa rin sa inyo na nagsisisampalataya.” (1 Tesalonica 2:13) Ikalawa, ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay gaya rin niyaong mga apostol ni Jesus, na ang sabi sa mga pinuno: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”—Gawa 5:29.
20. Ano ba ang tunay na pinagmumulan ng pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova?
20 Ano ang nangyayari sa isang bayan na naniniwala sa buong Bibliya bilang Salita ng Diyos, namumuhay ayon dito at tumatalima sa Diyos bilang kaniyang Pinuno sa lahat ng bagay? Sa Gawa 5:32 ay sinasabi na ibinibigay ng Diyos ang kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, o aktibong puwersa, “sa mga tumatalima sa kanila bilang pinuno.” Iyan ang pinagmumulan ng lakas ng mga Saksi ni Jehova kung kaya sila nagkakaisa at nakapananatili sa pagkakaisa sa buong daigdig na imposibleng magawa ng iba.
21, 22. (a) Sino, kung gayon, ang tumutupad ng hula ng Isaias 2:2-4? (b) Anong mga katuparan ng hula ang nasasaksihan ngayon ng mga Saksi at Jehova?
21 Kung gayon, sino, sa liwanag ng ebidensiya, ang tumutupad ng hula sa Isaias kabanata 2, talatang 2 hanggang 4? Ang tinutukoy ay mga panahong kinabubuhayan natin ngayon, sinasabi ng hulang iyan na ang tunay na pagsamba kay Jehova ay matatag na maitatayo sa ilalim ng pamamahala ng kaharian, at marami ang magsasabi: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” Sinasabi rin ng hula: “Tiyak na hahatol siya sa gitna ng mga bansa at magtatawid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming mga bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kaniyang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”
22 Sino baga ang nagpapaubayang ang Diyos at ang kaniyang Salita ang ‘magtuwid ng mga bagay-bagay’ sa gitna nila? Sinong talaga ang tumugon sa utos ng Diyos na ‘huwag nang mag-aral ng pakikidigma’? Sino ang gumugol ng sa kabuuan ay libu-libong taon sa mga bilangguan at mga concentration camps sa panahon natin imbis na pumatay ng kanilang mga kapuwa-tao? Sino ang nagpapakita ng paggalang sa Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos at tumatalima sa Diyos bilang Pinuno? Sino ang nagpapakitang sila’y isang pandaigdig na kapatiran na may pambihirang katangian sa gitna ng nag-aawayang daigdig na ito? Ang sagot ay wala kundi ang mga Saksi ni Jehova lamang. At ngayon ang “mga ibang tupa,” na daan-daang libo, ay tinitipon bilang mga kasama ng nalalabi pa ng pinahirang “munting kawan.” (Juan 10:16; Lucas 12: 32) Ang mga ito ay nakikinabang din sa katuparan ng isang hula nong panahon ni Oseas. Ang hula ay na lahat ng mga lingkod ni Jehova’y “tunay na mapipisang sama-sama sa pagkakaisa” sa ilalim ng isang Ulo, si Jesu-Kristo, na maghahari sa Kaharian. (Oseas 1:11) Sa kanilang pagkakaisa’y nasasaksihan din nila ang katuparan ng mga sinabi ni Jesus nang siya’y manalangin sa Diyos na ang kaniyang mga tagasunod ay “magkaisa-isa sana gaya natin na iisa.” (Juan 17:20-22) Samakatuwid, sa kaniya ay tinupad ng Diyos ang kaniyang sinaunang pangako na: “Akin silang ilalagay na magkakasama sa pagkakaisa, na parang isang kawan sa kulungan.”—Mikas 2:12.
Natatandaan Mo ba ang mga Puntong Ito?
□ Bakit masasabi natin na hindi ang Diyos ang tumatangkilik sa makasanlibutang relihiyon?
□ Sa 1 Juan 3:10-12, paano ipinakikilala yaong mga talagang nagkakaisa-isa sa nag-aawayang daigdig na ito?
□ Ano ang tunay na pinagmumulan ng lakas ng mga lingkod ni Jehova kaya sila nakapananatiling nagkakaisa sa buong daigdig, at bakit mayroon silang ganiyang pinagmumulan ng lakas?
□ Anong mga dakilang hula ang nasasaksihan natin na natutupad ngayon tungkol sa pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
Ang pundasyon para sa pagkakaisa ng daigdig ay nailatag na!