1914 Isang Natatanging Taon—Bakit?
1914 Isang Natatanging Taon—Bakit?
NASAAN ka noong taóng 1914? Ang sagot mo ba’y: ‘Hindi pa ako ipinanganganak noon’? Subali’t natatandaan pa rin ng angaw-angaw na mga tao sa ngayon ang taóng 1914.
Noong 1914 ay matatapos na si Mary sa kaniyang huling taon sa haiskul, nag-aaral siya ng wikang Aleman at inaasam-asam niya ang pagkatapos niya ng isang magandang karera bilang isang guro sa paaralan. Nang tag-araw na iyon, bago siya tumuntong naman ng kolehio, siya’y naroon sa bukirin ng kaniyang ama sa hilagang-silangang baybayin ng Estados Unidos at nag-aalis ng mga uod sa nahihinog na mga kamatis nang walang kaanu-ano’y sa kabilang panig ng daigdig, sa Sarajevo, pinaslang ng bala ng baril ng isang di-kilala ang isang archiduke ng Austria. Ito ang titis na nagpasiklab ng
Digmaang Pandaigdig I. Nang mabalitaan ni Mary ang pagsisiklab ng digmaan, nagunita niya: ‘Nagkatotoo nga! Nagkatotoo ang sinasabi ng mga Bible Students; ang 1914 ay magiging isang natatanging taon!’Hindi nag-iisa si Mary sa kaniyang paniwala tungkol sa mga pangyayari sa daigdig. Noong Agosto 30, 1914, ang nakatatawag-pansin na paulong balitang “End of All Kingdoms in 1914” ang bubulaga sa iyo sa pahina 4 ng Sunday magasin seksiyon ng The World, isang pangunahing pahayagan sa New York. “Ang kasindak-sindak na pagsisiklab ng digmaan sa Europa ay katuparan ng isang pambihirang hula,” ang sabi ng artikulong ito. “Noong nakalipas na dalawampu’t limang taon, sa pamamagitan ng mga tagapangaral at ng mga lathalain, ang ‘International Bible Students [mga Saksi ni Jehova], na kilala sa tawag na ‘Millennial Dawners,’ ay nagbabalita na sa daigdig na ang Araw ng Kapootan na inihula ng Bibliya ay magsisimula sa 1914. ‘Abangan ninyo ang 1914!’ ang sigaw ng daan-daang naglalakbay na mga ebanghelisador na, bilang kinatawan ng kakatuwang paniwalang ito, paroo’t-parito sa buong bansa sa pangangaral ng ‘malapit na ang Kaharian ng Diyos.’”
Sa buháy ka man o hindi noong taóng iyon, higit pa ang dapat maging kahulugan sa iyo ng 1914 imbis na isa lamang pilyego ng kalendaryo na binalumbon at namumula na sa katagalan o isang paulong-balita lamang sa isang gusot nang dahon ng magasin. Isa itong mahalagang taon na may epekto sa iyong buhay ngayon.
Bakit Isang Mahalagang Taon ang 1914?
Papaano naalaman ng mga Saksi ni Jehova nang may 30 taon na patiuna na ang 1914 ay magiging isang mahalagang petsa para sa makalangit na pamamahala? Bagaman hindi pa nauunawaan noon ng mga Saksi ang lubos na kahulugan ng mga pangyayaring magaganap na noon, sing-aga ng Disyembre ng 1879 ay itinawag-pansin ng Watch Tower magasin ang 1914 bilang isang kapuna-punang taon kung tungkol sa hula sa Bibliya. At sa labas ng Marso 1880 ng Watch Tower ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ay iniugnay sa tinatawag ni Jesu-Kristo na “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” o “ang mga panahon ng mga Gentil.” (Lucas 21:24; Authorized Version) Ang sabi ng Watch Tower na iyon: “‘Ang mga Panahon ng mga Gentil’ ay hanggang sa 1914, at ang makalangit na kaharian ay saka lamang magsisimulang lubos sa panahong iyan.”
Ano ba ang ibig sabihin ng pananalitang ‘mga Panahong Gentil,’ o “itinakdang mga panahon sa mga bansa”? At papaano may kaugnayan iyan sa Kaharian ng Diyos? Para masagot ang mga tanong na ito, masinsinang suriin natin ang mga salita ni Jesus. Sinabi niya: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa [mga Gentil], hanggang sa matupad ang itinakdang mga panahon sa mga bansa [mga Gentil].”—Lucas 21:24.
Ano ba ang ibig sabihin ng “Jerusalem”? Ito’y tumutukoy sa Kaharian ng Diyos. Papaano natin nalalaman? Ang sinaunang Israel ay ’piniling bayan ng Diyos mula noong 1513 B.C.E. hanggang noong unang siglo ng ating Common Era. (Exodo 19:6; Mateo 23:37, 38) Sila’y inurganisa ni Jehova sa ilalim ng isang tipikong pamahalaang teokratiko, o paghahari-ng-Diyos. Ang Jerusalem ang naging kabiserang lunsod. Dito sa dakong ito lumuklok “sa trono ni Jehova” ang hinirang ng Diyos na mga angkan ng mga hari na nagmula kay David. Sila’y naghari alang-alang kay Jehova. (1 Cronica 29:23; 2 Cronica 9:8) Ang Cyclopaedia ni M’Clintock at Strong ay nagsasabi: “Ang Jerusalem ang ginawang tirahan ng hari ng buong Jerusalem; at ang Templo, na kalimitan tinatawag na ‘ang bahay ni Jehova,’ ang siya ring tahanan ng Hari ng mga hari, ang kataas-taasang ulo ng teokratikong estado.”
Kailan at papaano niyurakan ng mga Gentil ang Jerusalem? Ang pagyurak ay nagsimula noong 607 B.C.E. Sa papaano? Sa pamamagitan ng biglang pagkatapos ng paghahari ng mga hari sa angkan ni David. Ang paghahari ni Haring Zedekias ay ibinagsak at ang lunsod ng Jerusalem ay iniwasak ng lumulusob na mga taga-Babilonya sa ilalim ni Nabucodonosor. Sa Ezekiel 21:26, 27 sa Bibliya ay inihula ang pagwawakas na ito ng pagpupuno ng mga hari sa angkan ni David: “Alisin mo ang korona . . . ito rin nama’y hindi na mangyayari uli hanggang sa dumating yaong may legal na karapatan sa kaniya, at aking ibibigay sa kaniya.” Ang paghahari ng Diyos ay pinigil hanggang sa hindi natatapos “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa.” Samakatuwid, ang mga Panahong Gentil ay isang yugto ng panahon nang ang mga bansa ay nagpupuno samantalang wala ang Diyos na Jehova ng isang pamahalaan na kumakatawan sa kaniyang pamamahala sa lupa.
Sa pagkatapos ng mga Panahong Gentil, ang kapangyarihang maghari ay ibibigay ni Jehova sa Isa na “may legal na karapatan,” si Jesu-Kristo. Samakatuwid, ang 1914 ang pasimula ng panahon ng paghahari ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos, at dahil sa hangga ngayon ay naghahari siya, ikaw ay naaapektuhan nito.
Papaanong ayon sa pagbilang ng panahon (o chronology) ay pumatak iyon sa 1914? Ganito ang paliwanag ng magasing Watch Tower ng Hunyo 1880: “Ang mahabang yugto ng panahon na 2520 taon at ang masaklap na karanasan sa ilalim ng pamamahala ng mababangis na hayop, (mga pamahalaan ng tao, Dan. vii.) ay malinaw na inilalarawan sa Dan. iv., sa pamamagitan ng ‘pitong panahon’ ni Nabucodonosor at ng kaniyang masaklap na karanasan kasama ang maiilap na hayop.” Kaya’t‘ kailangang bumalik tayo sa palaisipang panaginip ng hari ng Babilonya upang tuntunin ang bilang ng panahon hanggang sa 1914.
Ang Isinaplanong Hula
Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta ay binibigyan ni Jehova sa tuwina ang kaniyang mga lingkod ng isang isinaplanong hula na susundin. “Sapagka’t ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta,” ang sabi ng Amos 3:7. Halimbawa, si Noe ang tanging sugo ng Diyos mahigit na 4,000 taon na ngayon ang nakalipas. Binigyan ni Jehova si Noe ng makahulang babala ng baha na pupuksa sa balakyot na sanlibutang iyon. (Genesis 6:3; 7:4); Ang nangyari noon ay isang halimbawa ng kapuksaang darating sa mga balakyot sa panahon ng di-nakikitang “pagkanaririto ng Anak ng tao,” si Jesu-Kristo. (Mateo 24:37-39) Kaya’t hindi waring kakatuwa na yaong inihula ni Daniel tungkol sa pananakop ni Nabucodonosor sa daigdig—ang kaniyang pagbagsak at ang kaniyang pagbabalik sa kapangyarihan—ay isa ring munting halimbawa ng mga pagbabagu-bago sa teokratikong pananakop sa daigdig ng pinahirang Hari ng Diyos.
Ano ba ang makikita natin pagka sinuri natin ang inilalarawan ng hula sa Daniel 4:10-17? Ang pagkataas-taas at abot-langit na punungkahoy ay sumasagisag sa makalangit na pamamahala. Ang punungkahoy ay pinutol nang ang Kaharian ng Diyos na kinakatawan ng Juda at ng kabisera nito sa Jerusalem ay bumagsak noong 607 B.C.E. Pagkatapos ng “pitong panahon” ng makahayop na pamamahala ng mga bansa, inalis ang nakakapigil na taling tanso’t-bakal, at isinauli‘ ang makalangit na pamamahala nang si Jesu-Kristo ay nagsimulang nagpuno bilang Hari sa makalangit na pamahalaan ng Diyos noong 1914.
Ang Isang Araw ay Katumbas ng Isang Taon
Papaano natin nalalaman na ang “pitong panahon” ay 2,520 taon? Ang pagkalkula ay katulad niyaong ginawa ng unang presidente ng Watch Tower Society, si C. T. Russell, noong 1877 at nakaulat sa aklat na isa siya sa mga autor at pinamagatang The Three Worlds. Ganito ginagawa iyon: Sa Apocalipsis kabanata 12, talatang 6 at 14, malalaman natin na ang 1,260 araw ay katumbas ng “isang panahon [samakatuwid baga, 1 panahon] at mga panahon [samakatuwid baga, 2 panahon] at kalahati ng isang panahon,” sa kabuuan ay 3 1/2 panahon. Samakatuwid ang “isang panahon” ay katumbas ng 360 araw. Ang “pitong panahon” ay 360 multiplikahin ng 7, o 2,520 araw. Ngayon kung ang isang araw ay katumbas ng isang taon, sang-ayon sa alituntunin ng Bibliya, ang “pitong panahon” ay katumbas ng 2,520 taon. (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Samakatuwid, ang haba ng “pitong panahon,” ang mga Panahong Gentil, ay mula sa 607 B.C.E. hanggang 1914 C.E.
Ano ang mga dahilan upang maniwala na ang punungkahoy na napanaginipan ni Nabucodonosor ay isang hula na abot hanggang sa ating ika-20 siglo at may katuparan sa Kaharian ng Diyos? Ang isang dahilan ay ito: Ang malaking bahagi ng aklat ni Daniel ay tungkol sa mga hula na ang katuparan ay sa pandaigdig na pamamahala at sa Kaharian ng Diyos pagkatapos ng panahong ikinabuhay ni Daniel. Halimbawa, basahin ang Daniel kabanata 2. Naglalahad ito ng tungkol sa isang imahen na binubuo ng kung ilang klase ng metal at kumakatawan sa sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig at ang mga ito ay nagkadurug-durog. Ano ang dumurog? Ang Kaharian ng Diyos! (Daniel 2:44) O basahin ang Daniel kabanata 7 na kung saan ang sunud-sunod na mga pamahalaan ng sanlibutan ay inilalarawan na mga mababangis na hayop na umaahon sa dagat at sa wakas ay hinahalinhan ng iisang pamamahala. Alin? Ang Kaharian ng Diyos! (Daniel 7:14) O basahin ang Daniel kabanata 11 at 12. Sa mga kabanatang iyan isang hari ng hilaga at isang hari ng timog ang patuloy na nagsusubukan ng lakas sa isang paglalabanan para sa pananakop nila sa daigdig hanggang sa sila’y ibagsak ng Prinsipe Miguel. (Daniel 12:1) Sino ba ang Miguel na ito? Si Jesu-Kristo, na hari sa Kaharian ng Diyos!
Samakatuwid ang taong 1914 ay natatangi sapagka’t may mabuting dahilan. Ito’y pasimula ng matuwid na pamamahala sa lupa ng Kaharian ng Diyos. Ang dala nito’y kapahamakan para sa mga balakyot. Pasimula ito ng “mga huling araw” ng masamang sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1) Palatandaan din ito na malapit nang magsimula ang isang lupang Paraiso.
May mga iba pang dahilan kung bakit ang 1914 ay isang natatanging taon na may epekto sa iyo. Tatalakayin ang mga dahilang ito sa darating na mga labas ng Ang Bantayan.
[Blurb sa pahina 6]
Sing-aga ng Disyembre ng 1879, binanggit ng magasing “Watchtower” na ang 1914 ay isang natatanging petsa
[Blurb sa pahina 6]
Saka lamang ipinagpatuloy ang pamamahala ng Diyos nang matapos na ang mga Panahong Gentil
[Blurb sa pahina 7]
Nang matapos ang mga Panahong Gentil, kay Jesu-Kristo ibinigay ni Jehova ang kapangyarihang maghari
[Blurb sa pahina 7]
1914 ang pasimula ng pagpupuno ni Kristo bilang Hari sa makalangit na pamahalaan ng Diyos
[Kahon sa pahina 8]
Isa pang hula, na nasa ikasiyam na kabanata ng Daniel, ay nakatuon sa pagdating ng Mesiyas bilang tao—ang panghinaharap na Hari ng Kaharian ng Diyos—tinutukoy ang mismong taon ng kaniyang paglitaw! Ang panahong binanggit ay’ “pitumpung sanlinggo.” (Daniel 9:24-27) Kinikilala ng karamihan ng mga iskolar sa Bibliya na bawa’t araw ng makahulang mga sanlinggong iyon ay katumbas ng isang taon. Yamang isa sa mga hula ni Daniel ay tuwirang humula sa pagdating ng Mesiyas bilang isang tao, hindi gaanong pambihira kung isa pa sa kaniyang mga hula ay manghuhula tungkol sa di-nakikitang, pagparito ng Mesiyas, o Kristo, bilang Hari sa makalangit na Kaharian
[Chart/Larawan sa pahina 8]
ANG KAHULUGAN SA IYO NG PANAGINIP NG HARI
Punongkahoy Makalangit na Pamamahala
Pinutol ang Puno at Binigkisan 607 B.C.E., Ang Pamamahala ng
Diyos sa Pamamagitan ng mga
Haring Tao ay Nagwakas
Pitong Panahong Gentil 2,520 Taon ng Pamamahala ng
Makahayop na mga Pamahalaan
Kinalagan ng Bigkis 1914 C.E., Pamamahala ng Diyos
sa Pamamagitan ng Makalangit
na Hari, si Kristo Jesus, ay
Nagsimula
[Larawan sa pahina 5]
Sa labas noong Agosto 30, 1914 ng pahayagan sa New York na “The World,” itinawag-pansin nito ang kapuna-punang katotohanan na tinukoy ng International Bible Students Association (mga Saksi ni Jehova) na ang 1914 ay isang natatanging petsa sa hula ng Bibliya